Pahayag

Itanghal ang kadakilaan ni Ka Igo, isang huwarang kadre ng Partido at rebolusyon!

,

Tayo’y di mga pantas, kaya hindi mariringal na talumpati at di maririkit na sulat ang ating idaraos; sa gawa natin daanin: ang katubusa’y hindi nakukuha sa salita o sa sulat; kinakamtan sa pagsasabog ng dugo.

Andres Bonifacio
Pananalita sa pagtatatag ng Katipunan

Tiim-bagang at taas-kamaong pinagpupugayan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang dakilang buhay ni Jhonas Rivera, 52 o mas nakilala bilang Ka Igo, Flakes at Yahoo, isang huwarang rebolusyonaryong yumakap nang buumbuo sa interes ng uring proletaryado at malawak na masang inaapi. Lubos ang aming pakikiramay at pakikidalamhati sa kanyang pamilya, mga kaanak, kakolektibo at masang itinuring na rin niyang pamilya sa mahabang panahon. Kasabay nito, kinukundena namin ang ilang araw na pagtatago ng mga berdugong 68th IB sa kanyang mga labi.

Napaslang si Ka Igo sa isang labanan sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro noong Nobyembre 23. Hindi agad inilabas ng militar ang kanyang labi at pinahirapan pa ang kanyang pamilya at mga grupong nagtataguyod sa karapatang-tao bago ito nakuha at nailibing.

Tubong Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro si Ka Igo. Isa siyang Mangyan Hanunuo na produkto ng mga panimulang pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan sa isla na makapagpalakas at magpalawak sa pamumuno nina Kasamang Lucio de Guzman o Ka Cito. Namulat at naorganisa siya sa kasagsagan ng mga aksyong okupasyon ng mga setler at katutubong magsasaka sa mga pastuhang kinakamkam ng mga panginoong maylupa. Saksi siya sa matutunog na mga taktikal na opensiba ng mga yunit ng NPA sa kanilang bayan at mga karatig nito. Kasabay nito, naranasan niya rin ang ganting karahasan ng estado at kaaway na kasabwat ng mga PML laban sa kanila sa pamamagitan ng Oplan Saliksik noong 1987-88 at pagtatayo ng mga grupong vigilante tulad ng Matasadem at Alsa Masa sa ilalim ng maruming taktika ng militar na “alisan ng tubig upang mamatay ang mga isda”. Dahil dito, nabuo niya ang pasyang sumampa sa NPA at buong-panahong kumilos para ipagtanggol ang sarili at mga kababayan niya noong huling bahagi ng dekada ’80.

Itinalaga siya sa yunit ng SYP na nagpalawak at nag-organisa sa kapwa katutubong Hanunuo sa katabing probinsya ng Oriental Mindoro. Sa mga bayang ito na tinaguriang Romanbul (Roxas, Mansalay, Bulalacao), nag-ipon ng mayayamang karanasan si Ka Igo na babaunin niya sa malayo niyang destinasyon sa mga susunod na dekada. Matapos ang IDKP, itinalaga si Ka Igo sa gawain sa labas ng rehiyon para makatulong sa pagpapalakas at pagbawi ng iba pang mga larangan.

Tulad ng isang matabang punlang isinabog sa malawak na kaparangan, mabilis na lumago si Ka Igo sa bagong larangan kung saan siya naitalaga. Naging mahusay at maasahan siyang kadre ng Partido, kumander ng Hukbo at pinuno ng masa. Isang tampok na katangian niya ang pagiging “bata” at handang suungin ang anumang kahirapan at sakripisyo para sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawaing nakaatang sa kanya. Ipinagmamalaki siya ng rehiyong TK sa mahusay niyang paggampan sa anumang gawaing itinalaga sa kanya.

Sa loob ng mahigit 30 taon, ipinamalas niya ang walang-maliw at marubdob na pagmamahal sa Partido at sa bayan. Larawan siya ng di-pagkamakasarili at katatagan sa gitna ng mga unos at buhay-at-kamatayang karanasan. Huwaran siya sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Palagi siyang nakahandang magbigay ng anumang kanyang gamit basta’t ito ay kailangan ng kasama, kahit minsan ay siya ang mawawalan.

Sa kanyang mga kasamahan, isa siyang mabait at masayahing kasama na palaging may baong kwento ng inspirasyong maibabahagi. Malambing at maalalahanin si Ka Igo sa mga kasama laluna sa mga mandirigma kaya malalim ang lapat at impluwensya niya sa mga ito, bagay na nakakatulong sa kanya para maalalayan ang mga kasama sa panahong dumaranas sila ng krisis.

Hindi man niya laging sinasabi, mahal na mahal niya ang kanyang pamilya at masayang-masaya siya tuwing mababalitaang mayroon siyang mga kamag-anak na sumunod sa kanyang yapak at naging mahuhusay na mga kadre at mandirigma. Pinsan niya si Peter “Ka Roche” Rivera na isa na ring martir at bayani ng rebolusyon sa TK.

Sa huling mga taon ng kanyang buhay, nagpatalaga siyang muli sa isla ng Mindoro na kanyang lupang tinubuan at hiniling na maitalaga sa larangang nakakasaklaw sa bayan ng Magsaysay. Masayang-masaya siya nang sa wakas ay natugunan ito. Walang pagsidlan ang kanyang pananabik habang binabaybay ang kabundukan hanggang unti-unting matanaw ang kanyang minamahal na bayan.

Sa ilang panahon niya sa Mindoro, ipinamalas niya ang kahandaan sa anumang gawaing iatang sa kanya. Bilang kumander ng NPA at susing kadre ng Partido, pinamunuan niya ang isang yunit na nagsagawa ng gawaing rekoberi at reaktibasyon sa kapatagan ng San Jose at Magsaysay kung saan siya nagbuwis ng buhay.

Hindi malilimutan ng mamamayan ng TK at buong bansa si Ka Igo. Ang kanyang marka at dakilang ambag sa mahabang kasaysayan ng rebolusyon ay patuloy na mananahan at mamumutawi sa mamamayan. Ang kanyang kasaysayan ay nakasulat na sa mga pahina ng rebolusyonaryong kwento sa Pilipinas. Tulad ni Gat. Andres Bonifacio, karangalan para kay Ka Igo, sampu ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa TK at buong bansa na mag-alay ng buhay para sa katubusan ng ating bayan. Dapat siyang tularan ng milyun-milyong kabataang Pilipino, laluna ng mga kabataang Hanunuo at magsasaka.

Mabuhay ang alaala at dakilang buhay ni Ka Igo!
Dakilain ang magigiting na martir ng rebolusyon!
Paglingkuran ang sambayanan!

Itanghal ang kadakilaan ni Ka Igo, isang huwarang kadre ng Partido at rebolusyon!