Pahayag

Itigil ang pambobomba! Igalang ang karapatan at kaligtasan ng mga sibilyan!

Muli na namang ipinakita ng pasistang AFP ang pagiging terorista sa walang habas na pambobomba ng 203rd Infantry Brigade sa Mansalay, Oriental Mindoro, bandang 2:30 ng hapon noong Marso 1 kahit na walang kalabang mandirigma o yunit ng NPA sa lugar. Ang aktong ito ng AFP na tiyak na may basbas ng pangulo ng GRP na si Ferdinand Marcos Jr. ay lampas na sa rules of engagement. Isa itong teroristang pang-aatake sa komunidad ng mga magsasaka at katutubo at lansakang paglabag sa international humanitarian law.

Ayon sa mga ulat, halos isang oras na nag-istraping ang dalawang attack helicopter sa kabundukang bahagi na saklaw ng Sityo Lomboy, Barangay Panaytayan. Nagsimula ito bandang 10:00 ng umaga. Matapos magpaulan ng bala ay nagpasabog ng apat na bomba sa parehong lugar. Umabot ang dagundong sa mga sityo ng Buol, Amaga, Proper, Lomboy, Tangkulang at Abaka sa Barangay Panaytayan at pati sa mga sityo ng Sayt, Badi at Puyuhan sa Barangay Teresita. Kalakhan ng residente sa mga naturang sityo ay Mangyan Hanunuo.

Malinaw ang layuning maghasik ng teror sa pambobomba. Noong umagang iyon, nagkaroon din ng pekeng labanan sa Sityo Lomboy. Hibang na nagpaputok ang mga pwersa ng 4th IB kahit na walang target.

Malaking kapinsalaan sa buhay, kabuhayan at komunidad ang idudulot ng sunud-sunod na pang-aatake mula sa ere. Wawasakin nito ang mga panirikan, sakahan at pastuhan ng hayop ng mga residente. Matagalan ang impact ng pambobomba sa kapaligiran tulad ng pagkasira ng kalupaan at pagkabuwal ng mga halaman. Tiyak na apektado ang pagtatanim, pag-uuling, pangangalap sa kagubatan at paghahayupan na siyang pangunahing inaasahang hanapbuhay ng mga maralitang magsasaka. Mag-iiwan din ng malalim na epektong pscho-social ang mga putok at pagsabog sa mga residente, higit lalo sa mga bata at matatanda na mga bulnerableng sektor.

Papatong ang panibagong krimeng ito sa mga dating kaso ng pang-aatake sa ere at pambobomba sa isla. Matatandaang noong 2023, pinasabugan ng mga bala ng howitzer ang hangganan ng Mansalay at Roxas, kalapit lamang ng binomba kahapon. Nito namang Pebrero 19, inistraping at binomba ang Sityo Bakyaan, Barangay Tagumpay, Pola. Pebrero 2022 naman nang bombahin ng dalawang FA-50 jet fighter ang liblib na bahagi ng Barangay Lisap, Bongabong. Mayroon ding tampok na kaso ng pambobomba noong 2017 sa Brgy. Benli, Bulalacao at noong 2019 sa hangganan ng Mansalay at Bongabong, Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro. Sa mga kasong binanggit, ang pambobomba lamang sa Pola at Bulalacao ang may sinundang engkwentro ng NPA at AFP.

Naging patakaran na ng reaksyunaryong estado ang paggamit ng helicopter, attack planes, howitzer at iba pang asset sa ere sa pagtugis sa gerilya’t relatibong mas maliit na pwersa ng NPA, ngunit sa praktika, ang mas apektado at nasasabugan ng mga bomba ay mga sibilyan at kanilang pamayanan. Sa tuwing mambobomba, paulit-ulit na nilalabag ng GRP ang IHL at inilalagay sa peligro ang buhay ng mamamayan.

Kasuklam-suklam ang kawalang-pakundangan at kahambugan ng reaksyunaryong gubyerno na magpatupad ng ganitong klaseng mga operasyon sa ngalan ng pangarap nitong durugin ang NPA. Walang katwiran ang pambobomba at walang ibang nakakamit kundi pagpapatindi sa pagdurusa ng mamamayan. Pagpapakawala ito ng labis-labis na pwersa laban sa mga sibilyang komunidad na hindi dapat idamay o isangkalan ng GRP sa marumi nitong kontra-rebolusyonaryong kampanya. Sa likod nito ang imbing layuning sindakin ang masa at tanggalan sila ng kapasyahang kumilos at lumaban para sa kanilang buhay at kabuhayan.

Sa gitna ng papatinding kontra-mamamayang gera ng GRP, lalong nagiging mataas ang kahingian na ibayong palakasin at palawakin ang anti-pasistang pakikibaka ng bayan. Pahigpitin ang pagkakaisa ng mga aping uri’t sektor sa pagtatanggol sa karapatang tao at dignidad ng buhay. Dapat itakwil at panagutin ang GRP, laluna ang puno nitong si Ferdinand Marcos Jr na isang tunay na war criminal sang-ayon sa hatol ng International Peoples Tribunal at tuluy-tuloy niyang paglabag sa mga alituntunin ng digma.

Dapat hingin ng taumbayan ang pagpapatigil sa pang-aatake mula sa ere ng GRP at bigyang kumpensasyon ang mamamayang apektado nito. Magbibigay ito ng kagyat na relip sa mamamayan sa kanayunan na naririndi na sa mga halimaw na helicopter, drone at eroplano. Hinihikayat din ang mga taong simbahan, civic leaders, lingkod bayan at iba pang demokratikong pwersa na kanlungin at protektahan ang mga lumikas na mamamayan. Itaas ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa IHL at karapatang tao upang maarmasan sila sa pagharap sa mga pasistang atake ng estado.

Pinakamataas na anyo ng paglaban sa pasismo ang pagsusulong ng digmang bayan at pag-aambag sa armadong pakikibaka. Tinatawagan ng NDFP-ST ang lahat ng mamamayang may kapasidad at handang ipagtanggol ang aping sambayanan na sumapi sa NPA. Patutunayan nating ang makatarungang paghihimagsik ng aping mamamayan ay higit na makapangyarihan kaysa sa mga pasabog at mamahaling sandata ng bulok at teroristang estado.

Itigil ang pambobomba! Igalang ang karapatan at kaligtasan ng mga sibilyan!