Pahayag

Itinatakwil ng mamamayan at BHB-CV ang programang amnesty at pagtatayo ng local amnesty board sa rehiyon

Bigo ang 5th Infantry Division at ang pinuno nitong si Bongbong Marcos sa pag-aakalang malilinlang nila ang hukbong bayan sa amnesty at safe conduct pass (SCP) sa ilalim ng Memorandum Order No. 36 na pinirmahan ni Marcos kamakailan. Nagkakanda-ugaga ngayon ang 5th ID na madaliin ang makailang ulit nang nausog na target na “durugin ang BHB” sa Cagayan Valley upang tuluyang maipihit ang pokus nito sa “territorial defense” laluna at pwersa ng NOLCOM ang 5th ID na kamakailan lamang ay intusan ni Gen. Romeo Brawner na makisangkot sa gera ng US sa Taiwan laban sa China.

Kaugnay sa nakatakdang pagbisita ng National Amnesty Commission (NAC) sa hedkwarters ng 5th ID sa Gamu, Isabela sa darating na Abril 22, nagkukumahog ngayon si MGen Gulliver Señires, kumander ng 5th ID, na pasukuin ang mga myembro ng BHB-CV at mga kasama sa Ilocos-Cordillera. Nauna nang nakipag-ugnayan ang peace program officer ng NAC sa PNP-R2 noong Abril 7. Ang Gamu, Isabela ang magsisilbing local amnesty board (LAB) sa rehiyon ng Cagayan Valley.

Tiyak na maghahakot na naman ang militar ng daan, kung hindi man libo, na mga magsasaka at sibilyan upang iparadang surenderi. Kaugnay nito, asahang mas sasahol ang paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Ang kampanyang pagpapasuko na ito ay kinatangian ng brutal na pagpapasailalim sa mga sibilyang populasyon sa kamay na bakal ng militar, at peke-pwersadong pagpapasuko sa puu-puong komunidad na tahasang paglabag sa kanilang pulitikal at sibil na karapatan. Mula 2018, daan-daang magsasaka na ng Cagayan Valley ang pwersadong “nagpalinis ng pangalan” sa militar dahil sa walang humpay na panggigipit, pagbabanta at pananakot.

Tulad ng programang E-CLIP, balon ng korapsyon ang huwad na amnesty na ito. Gamit ang pera ng taumbayan, daan-libong milyong piso ang inilalaan sa programang ito na tinatangkilik ng matataas na upisyal at heneral militar. Sa kaibutaran, desperadong pakana ng rehimen at estado ang amnesty upang ipinta ang imahe ng “estratehikong tagumpay” ng militar laban sa rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan.

Inutil at nananaginip nang gising ang 5th ID sa ilusyong bibitawan ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley ang kanilang armas. Hanggat hindi nalulutas ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa—ang kawalan ng kalayaang nakabatay sa hustisyang panlipunan—patuloy na magpupunyagi ang hukbong masa kasama ang malawak na masa sa pagtahak sa landas ng matagalang digmang bayan.

Itinatakwil ng mamamayan at BHB-CV ang programang amnesty at pagtatayo ng local amnesty board sa rehiyon