Pahayag

Jordan “Ka Boyong/Ka SY” Mopon, Dakilang Martir ng Rizal, Mahusay na Pulang Mandirigma at Kumander

,

“Sa ganito natin piniling ipagsilbi ang lakas, talino, husay at buhay natin. Mulat nating pinili ito kahit kapalit ng pagkawalay sa mga mahal sa buhay dahil bahagi sila ng gusto nating paglingkuran, at saksi sila sa kaguluhan at kahirapang gusto nating wakasan.”

—Ka Sy, sa isang panayam noong Pebrero 2024


DOWNLOAD

Itanghal ang kadakilaan ng buhay at kamatayang pakikibaka ni Kasamang Jordan “Ka SY/Ka Boyong” Mopon na walang imbot na nag-alay ng kanyang buhay at magiting na nakipaglaban sa mga pasistang kaaway hanggang sa kanyang huling lakas.

Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas ng lalawigan ng Rizal at ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal ang taos-pusong pakikidalamhati sa kanyang pamilya at sa lahat ng kanyang naiwan, sa pagkawala ng ating pinakamamahal na si Jordan, Bong, Ka SY, Ka Boyong, Ka Moy at iba pang tinuring sa kanya ng marami pang mga kasama’t masa na nagluluksa sa kanyang pagpanaw.

Mahigpit na tinanganan ang kanyang armas sa loob ng halos dalawang dekada, siya ay namartir sa isang labanan noong Oktubre 17, 2025 sa Sitio Balagbag, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan sa mga mersenaryong tropa ng 73rd DRC sa ilalim ng 703rd Infantry Brigade.

Ang kanyang pagpanaw ay magsisilbiling maningning na sagisag ng kanyang katapangang nagmumula sa hindi naiigang pagmamahal niya sa ating bayan at sa kanyang pamilya na bahagi ng uring pinagsasamantalahan. Ating dakilaiin at tularan ang magandang ehemplo ng kanyang pagkamartir at kabayanihan.

Bangungot si Ka SY sa mga kaaway dahil sa husay nito sa pakikidigma bilang isang Pulang Kumander. Mahusay nyang pinangunahan ang mga labanan at aktibong depensa ng kanilang yunit at ng buong teatrong gerilya. Lalu nyang ipinamalas ang kanyang husay sa loob ng mahigit anim na taon magmula nang nagpakawala ng bangis ang Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte na tila mga asong ulol na lansakang pumapatay at lumalabag sa mga internasyunal na makataong batas at hanggang sa kasalukuyang ipinapatupad ng rehimeng US-Marcos II.

llang beses na siyang tinarget ng mga focused military operations at ilang beses rin tinarget ng psychological warfare ang kanyang pamilya, upang i-presyur ang mga ito para siya’y pasukuin. Nariyan ang maruming mga taktika nila gaya ng panliligaw at pakikipagrelasyon ng sundalo ng 80th IB sa kanyang menor de edad na anak na babae. Inaalok ng ginhawa ng buhay na mula rin naman sa buwis ng mamamayan na kadalasan ay kinukurakot ng mga tiwaling opisyal.

Tunay ngang mabuting anak ng bayan, karangalan ng Rizal at taal na lumaki sa Barangay San Jose, Antipolo. Kabataan pa lamang ay namulat na si Ka Sy sa kahirapan ng buhay ng isang pamilyang magsasaka. Hindi man nakapagtapos ng pag-aaral, matalas siyang mag-isip at mapanuri sya sa kanyang lipunan ginagalawan. Kinamulatan na niya sa kanilang baryo ang mga NPA kung kaya’t maaga siyang namulat at naoorganisa. Kumilos siya ng buong panahon sa edad na labing-anim at nagpaloob sa grupong pang-organisa ng lihim na selula ng Kabataang Makabayan sa kanayunan. Pagtuntong ng labingwalong taong gulang ay hindi na siya nag-atubiling sumapi sa Bagong Hukbong Bayan ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) noong 2003.

Mula sa pagiging S4 at opisyal sa iskwad tungo sa pagiging kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan at kagawad ng Regional Operational Command ng New People’s Army, hanggang Pangalawang Kalihim ng komite ng Partido sa teatrong gerilya sa hangganang Rizal-Laguna-North Quezon at tumayong Punong Kumander ng subrehiyunal na kumand sa operasyon nito, hinding-hindi nakakalimot si Ka Sy sa kanyang pinanggalingan. Siya ay mapagkumbaba, matiyagang magturo at magbigay ng payo sa mga kabataang kadre at pulang mandirigma ng bagong henerasyon. Higit sa lahat siya ay mapagmahal na anak, asawa at magulang sa kanyang mga anak. Lagi niyang inaalala ang kanyang pamilya at kung may pagkakataon ay laging magkaroon ng paraan sa komunikasyon sa kabila ng pagkakait ng kaaway dahil sa mahigpit nitong pagtugaygay at pagmamatyag sa kanyang pamilya na kahit sa paglalaba ay sinusundan ang mga ito.

Bukod sa husay sa paglahok sa gawaing militar, saksi at kalahok si Ka Sy sa marami pang gawaing pampulitika, pang-ekonomiya, edukasyon, propaganda at kultura at hanggang sa pagresolba sa mga problema ng masa, pagpapatupad ng Rebolusyong Agraryo, pagpaparusa sa mga sagad-sagaring mga panginoong maylupa (PML) at mga ahente at kaaway na may mga utang na dugo at pagpapanatili ng kaayusan sa mga baryo.

Binigyan tinig din nya ang tagapagsalita ng NAAC-NPA-Rizal na si Ka Macario “Karyo” Liwanag. Ang kanyang boses ang nasa likod ng katauhan ni Ka Karyo sa mga panayam sa radyo at bidyo.

Sa pangunguna ng NAAC-NPA-Rizal na ang ilan ay naabutan na ni Ka Sy ay naparusahan ang mga despotikong PML na pumapatay at nagpapalayas sa mga magsasaka katulad ng pamamarusa sa mga armadong goons ng Torres at Timtiman sa San Ysiro at mga Malvar sa Calawis, Narding Santos sa Puray, at Roger Tamulmol sa Tanay. Dahil sa pagpapatupad ng rebolusyong agraryo nagkaroon ng sariling lupa at kolektibong sakahan ang mga masa at hukbo.

Dito lalung tumibay ang kanyang paninidigan na ang mga NPA ang tunay na naglilingkod sa interes ng mga inaaapi habang ang mga pasistang sundalo at kapulisan ang nagpoprotekta sa mga malalaking PML, burgesya kumprador at burukta kapitalismo na pumapatay sa mga batayang sektor ng lipunan. Hindi na mabubura sa kasaysayan ang mahabang rekord ng paglabag at krimen ng mga kaaway—ang panununog kay Nonoy Orido, pagpapasayaw ng 16th IB kay Wekwek Cruz ng hubo’t hubad, pambubugbog ng 1st IB kay Orcing Cruz ng Puray noong 1999, pambubugbog ng 80th IB kay Damaso Esto ng Calawis, pagpaslang kay Nicanor “Ka Kano” Delos Santos noong 2001, ang Bloody Sunday Massacre noong 2021 at ang nagpapatuloy pang krimen ng kaaway at paglabag sa karapatang pantao hanggang sa kasalukuyan. Lalu na sa mga katutubong Dumagat-Remontado na tumututol sa mga proyektong pangkaunlaran na para lamang sa iilan at sumisira sa ating kalikasan at kabundukan ng Sierra Madre na sinasaid at dinadambong ng mga gahaman, katulad ng Kaliwa- Kanan-Laiban-Dam, Ahunan Dam, Wawa Dam, mga quarry at minahan, mga windmil na magpapalayas sa mga magsasaka at katutubo. Ito ang panahong kinairalan ni Ka Sy na nagpatibay ng kanyang paninidigan na tanging ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ang sagot sa tatlong salot ng lipunan na nagpapahirap sa mamamayan—ang Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo. Ito ang solusyon at hindi sapat ang mga reporma lamang.

Hindi matatawaran ang kanyang buhay na iniaalay at hindi siya malilimutan. Nabuwal man ang kanyang pisikal na katawan, nariyan pa ang maraming bawat isang kabataan, katutubong Dumagat-Remontado, magsasaka, kababaihan, maralitang taga-lungsod at mga manggagawa na nabigyan nya ng inspirasyon at nagabayan sa iba’t-ibang panahon na handang tumangan ng armas at balikatin ang mga tungkuling pinasan noon ni Ka SY.

Hawakan natin ang kanyang sandata at ipagpatuloy ang paglilingkod sa sambayanan. Paigtingin ang armadong pakikibaka. Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang alaala, tapang at diwa ni Ka Sy! Ipagtanggol ang mamamayang inaaapi.

Jordan “Ka Boyong/Ka SY” Mopon, Dakilang Martir ng Rizal, Mahusay na Pulang Mandirigma at Kumander