Pag-alabin ang rebolusyonaryong pamana ni Andres Bonifacio, Paigtingin ang Digmang Bayan
Makasaysayang ginugunita sa araw na ito ang ika-162 kaarawan ni Andres Bonifacio sa gitna ng umaalimpuyong galit ng mamamayan at sa paghahangad ng tunay na pagbabago sa sistema ng ating lipunan. Ipinagpapatuloy ng rebolusyonaryong pwersa ng CPP-NPA-NDFP ang hindi nalubos na Rebolusyong 1896 nina Bonifacio sa pamamagitan ng isang bagong-tipo na pambansa Demokratikong Rebolusyong Bayan at patuloy nitong binibigo ang rehimeng US-Marcos II na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan ngayong magtatapos na ang 2025.
Sa kalunsuran, muling humuhugos ang mamamayan sa lansangan upang tipunin ang kanilang higanteng lakas at sama-samang kumikilos at nagpoprotesta laban sa rehimeng US-Marcos Jr, Sara Duterte na mga punong kinatawan ng burukrata kapitalismo. Labis nang kinasusuklaman ng mamamayan ang paglala ng kahirapan na lalung pinalulubha nang sumabulat at di na mapagtakpang bilyon-bilyong pisong kinukulimbat ng gubyerno magmula sa pangulo at pangalawang tagapangulo hanggang sa mga galamay nito sa ibaba.
Tunay ngang napapanahon ang araw na ito ng ating bayaning si Andres Bonifacio. Tulad ng kanyang adhikain, nakalapat sa istorikal na kasaysayan ang sigaw para sa radikal na pagbabago at walang ilusyon sa mga repormang nasa loob mismo ng bulok na sistema na pinaghaharian ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo, ang magbabago sa lipunang Pilipino. Malinaw na ang dapat pagsilbihan ng pagbabagong ito ay ang nakararaming masang Pilipino at hindi ang iilan lamang mga opurtunistang nais pagsamantalahan ang krisis na ito na tumatanggi sa anumang radikal na pagbabago at mga extra-konstitusyunal na mga hakbang. Sila ay mga kontra-rebolusyanaryong mapanlinlang at pinaaasa ang sambayanan sa mga huwad na reporma at hungkag na mga elektoral na proseso ng burges na demokrasya na para lamang sa iilan.
Sa kumpas ng US, nagkakaisa ang mga naghaharing uri, kasapakat ang mga burges reposrmista katulad ng Akbayan, na ilayo ang mamamayan sa rebolusyonaryong landas na siyang tunay na magwawakas sa burukrata kapitalismo. Sukdulang magbulag-bulagan sila sa pagkakasangkot ni Marcos II sa bilyong-bilyong pagnanakaw at tila kinalimutan na rin ang kasaysayan ng diktadurya ng kanilang pamilya at ng mga nakaw na yaman na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik sa mga biktima ng diktadurya at ang masama pa ay paunti-unti pa itong nababawi ng mga Marcos. Nagkokoro sila sa pananakot na kaguluhan ang magiging dulot nito dahil ang Tsina at mga Duterte daw ang makikinabang sa anumang ekstra-konsitusyunal na hakbang, bunsod ng kanilang mga sariling interes na makakopo rin ng posisyon sa bulok at kurap na gubyernong ayaw nilang palitan. Kinamumuhian nila ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga ordinaryong mamamayan sa takot na tuluyang mawakasan na ang naagnas na sistemang pinakikinabangan din nila.
Ang rebolsuyonaryong mamamayan ng lalawigan ng Rizal ay nakahandang palawakin ang malapad na nagkakaisang prente laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na nagpapahirap, nagnanakaw at pumapatay sa mamamayan. Nagsisikhay itong imulat ang laksa-laksang aping uring magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, mga katutubo, kasama ang mga kabataan at estudyante, guro, kababaihan, mga propesyunal, artista, malilit na negosyante, taong simbahan at iba pang pinagsasamantalahang mamamayan.
Puspusan nitong nilalabanan ang lahat ng panunupil ng estado kaakibat ng pakikibaka laban sa burukrata kapitalismo mula sa pinakapunong papet hanggang sa mga lokal na alipures nito na dinasityang Ynares sa lalawigan ng Rizal. Nararapat lamang silang ilantad, papanagutin at pagbayarin sa pagpapahintulot sa mga quarrying, mapanirang dambuhalang dam at lansakang pagbebenta ng mga lupain at yaman ng lalawigan at kabundukang Sierra Madre sa kapinsalaan ng kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka, maralita, manggagawa at mamamayang Rizaleño kasama ang mga katutubong Dumagat at Remontado.
Dapat kumilos at imbestigahan ng mamamayan ang 159 na flood control projects sa lalawigan na nagkakahalaga ng 5.9 bilyong piso mula 2022 hanggang 2025, ngunit sa kabila ng mga proyektong ito ay delubyo ng pagbaha ang rumaragasa sa lalawigan at karatig na mga bayan tuwing may bagyo. Dapat ding kumilos lalu na ang mga maralitang lungsod na nagsisiksikan sa mga palpak, binabaha at pinabayaang mga pabahay at igiit ang kanilang karapatan sa desenteng hanapbuhay, pabahay at serbisyong panlipunan.
Buong tapang at sama-sama nating tahakin ang rebolusyonaryong landas, palakasin ang kilusang masa sa kalunsuran at sa kanayunan at tanganan ang sulo ng rebolusyong ipinamana ni Gat Andres Bonifacio!