Pahayag

Ka KM: Rebolusyonaryo, Pulang kumander, magiting na martir at bayani ng sambayanan

Mataas na pulang saludo ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog kay Wally “Ka Honda/KM” Agudes, magiting na Pulang kumander ng Narciso Antazo-Aramil Command-NPA Rizal, kadre ng Partido at rebolusyonaryong asawa at ama.

Si Ka KM ay pataksil na pinaslang ng 80th IBPA noong Hulyo 18, alas-10 ng gabi sa Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal. Nireyd ng 80th IBPA ang bahay na tinutuluyan ni Ka KM at iba pa niyang kasamahan. Batay sa ulat, buhay na nahuli si Ka KM na noo’y may sakit na trangkaso at may malalang arthritis kaya’t hindi makalakad nang maayos. Malinaw na nasa katayuang hors de combat si Ka KM at dapat igawad sa kanya ang mga karapatang kaakibat nito batay sa International Humanitarian Law na kapwa kinikilala ng GRP at CPP-NPA-NDFP. Pagtatakip sa kanilang krimen ang kasinungalingang kinalat ng 80th IBPA na maghahain umano ang mga elemento nito ng warrant of arrest kay Ka KM nang “salakayin” sila ng NPA.

Sa kabila ng walang awang pagpatay ng 80th IBPA kay Ka KM, hindi kailanman nito mapipigilan ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan ng Rizal. Katawan lamang ni Ka KM ang pinatay ng estado, ngunit hindi ang kanyang diwa at pakikibaka na tumatagos sa kapwa Rizaleño at iba pang inaapi at pinagsasamantalahan sa buong bansa. Isa siyang tunay na anak ng Rizal na nagsilbi sa mga magsasaka, manggagawa, katutubo at iba pang aping mamamayan hanggang sa kanyang huling hininga.

Tubong Puray, Rodriguez, ipinanganak si Ka KM sa pamilyang magsasaka noong Marso 29, 1979. Ikaanim siya sa 16 na magkakapatid. Dahil sa hirap ng buhay, napilitan siyang tumigil ng pag-aaral at maghanapbuhay para tustusan ang pangangailangan ng pamilya. Mayor na katuwang siya ng kanyang pamilya sa pag-uuling at pagkakaingin.

Buhat ng kanilang kalagayan, hindi naging mahirap kay Ka KM na unawain ang hangarin ng rebolusyon. Namulat siya noong 1997 at napaloob sa rebolusyonaryong samahang magsasaka hanggang sa marekluta sa Partido sa lokalidad. Sa mga pag-aaral pam-Partido, tuluyang naunawaan ni Ka KM ang kahalagahan ng armadong rebolusyon kaya noong 2001, sumapi siya sa NPA.

Buong tatag na hinarap ni Ka KM ang mararahas na kontra-rebolusyonaryong kampanya ng estado na Oplan Bantay Laya (OBL) I & II, Oplan Bayanihan, Oplan Kapayapaan at JCP Kapanatagan. Mula sa pagiging mandirigma, napanday siya bilang matapang na kumander sa pagbalik sa mga eryang nirerekober, partikular sa mga baryong hinalihaw ng militar noong OBL sa Rizal. Kasama siya sa mga yunit na kumilos sa laylayang bahagi ng Rizal na Jala-jala at Pililia noong 2002. Nalinang ang kanyang tiyaga at sipag sa pakikipagtalakayan sa masa upang bunutin ang takot mula sa kanilang dibdib at muling sumalig sa rebolusyon matapos ang dinanas na teror sa ilalim ng OBL ng pasistang estado.

Nahasa ang kanyang taktika at teknika sa pakikidigma sa paglahok sa samu’t saring aksyong militar sa probinsya at rehiyon. Mula nang sumampa, lumahok siya sa mga taktikal na opensiba sa Rizal kagaya ng mga reyd, haras, ambus at hakbang pamamarusa laban sa masasamang elemento, goons at mapangwasak na proyekto ng naghaharing uri sa probinsya. Pinamunuan niya ang dagliang ambus sa Sityo Lungo, Barangay Umiray, General Nakar, Quezon noong 2018 at ang hakbang pamamarusa noong 2019 sa Northern Builders na gumagawa ng kalsada para sa konstruksyon ng Kaliwa Dam sa hangganan ng Hilagang Quezon at Rizal at iba pa. Kinakitaan siya ng tapang sa pagharap sa kaaway sa kahit anumang sitwasyon. Hinangaan siya ng mga kasama sa pagiging mapangahas at pursigido na gapiin ang kaaway. Paborito niyang isigaw tuwing kaharap ang kaaway ang mga katagang “Lalaban tayo!” upang pataasin ang moral ng tropa.

Gumampan din siya bilang platun lider ng yunit na itinalaga sa gawaing reaktibasyon at ekspansyon sa baybayin ng General Nakar at Polilio Group of Islands sa Quezon noong 2018-2019. Sa kasigasigan ng kanilang yunit, matagumpay na nabalikan ang mga baryo at muling naitayo ang mga samahang masa at sangay ng Partido.

Hindi balakid kay Ka KM ang natamong sakit na severe gout arthritis. Anumang gawain, buong puso niyang tinatanggap—gawaing militar man, istap o gawaing masa. Kahit hindi kabisado, pag-aaralan niya kung paano magagampanan ang iniatang na tungkulin. Mapagpakumbaba rin niyang tinatanggap ang mga puna at pagkakamali.

Bilang isang rebolusyonaryong asawa at ama, ipinakita ni Ka KM ang kanyang pagmamahal sa pamilya sa kabila ng mga panahong matagal na hindi nagkikita. Ipinauunawa niya sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng piniling landas, habang hindi kinakaligtaang iparamdam sa kanila ang kanyang pagmamahal. Hindi man laging magkakasama, napakalapit nila sa isa’t isa.

Sa loob ng dalawang dekada, inilaan ni Ka KM ang kanyang buhay sa rebolusyon at mamamayan. Hindi siya bumaba ni nanghina sa harap ng psywar, panlilinlang at terorismo ng reaksyunaryong estado. Huwaran siya sa kanilang pamilya hindi lamang bilang responsableng anak at kapatid kundi bilang isang mahusay na Pulang kumander. Ito ang dahilan kung bakit di iilang kapamilya ang napalahok niya sa rebolusyonaryong pakikibaka kabilang ang nakababatang kapatid at isa na ring martir ng rebolusyon na si Juvel “Ka TM” Agudez. Pinanatili niyang mataas ang kanyang moral, mahigpit ang kapit sa prinsipyo ng Partido at pamalagiang tumatanaw sa maaliwalas na kinabukasan ng rebolusyong Pilipino.

Nagluluksa man ang buong Rizal at iba pang mamamayan sa Timog Katagalugan at buong bansa, ang kamatayan ni Ka KM ay magsisilbing inspirasyon para isulong at ipagwagi ang digmang bayan. Tulad ni Ka KM na nagsimulang kumilos sa kanyang kabataan, patuloy na tatahakin ang landas ng armadong rebolusyon ng mga susunod na henerasyon, lalo sa hanay ng mga magsasaka. Hangga’t nagpapatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala sa lipunang Pilipino, maitutulak ang naghihikahos na masang anakpawis na humawak ng sandata at lumaban upang ibagsak ang bulok na estado at itayo ang lipunang magtataguyod ng pambansa-demokratikong mithiin ng bayan.

Ka KM: Rebolusyonaryo, Pulang kumander, magiting na martir at bayani ng sambayanan