Pahayag

Kababaihan, magpalakas, magpalawak, at mangahas maghimagsik! Sa ika-55 na anibersaryo ng Partido palagablabin ang apoy ng digmang bayan sa puso ng sambayanan!

Ang kababaihang nakikidigma ay mga babaeng pumuputol sa tanikala.

Ipinapaabot ng balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa lalawigan ng Laguna (MAKIBAKA-NDF-Laguna), sampu ng mga rebolusyonaryong kababaihan at may piniling kasarian, ang aming nag-aalab na pagbati’t pagpupugay sa ika-55 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas- Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM).

Ang higit limang dekadang pamamayagpag ng PKP-MLM bilang tagapamandila ng bagong tipo ng rebolusyong Pilipino ay sumasalamin sa mahigpit na pagtalima sa wastong paglapat ng teorya at praktika ng pagrerebolusyon sa Pilipinas. Iniluwal rin nito higit sa lahat, ang hindi matutuyuang balon ng masang suporta. Naging mulat at mahigpit ang pagyakap ng malawak na masa ng sambayanan sa pambansa demokratikong rebolusyon upang lutasin ang tatlong salot—imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo na daan taong nang nanggagahis at nambubusabos sa kanila. Bigo ang mga nagdaang reaksyonaryong rehimen na nagtangkang lipulin ang rebolusyonaryong kilusan. Bagkus, itinutulak ang masang sambayanan na lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan na mabuhay kung saan karamihang biktima ay mga kababaihan.

Sa araw na ito na pagdiriwang sa pagkakatatag ng dakila nating Partido, atin ding inaalayan ng pinakamataas at pulang pagpupugay ang mga kababaihang martir ng Laguna tulad nina Cristina “Ka Billy” Estocado, Abegail “Ka Esang” Bartolome, Allysa “Ka Ilaya” Lemoncito, at marami pang kababaihan na buong tapang na tumugon sa panawagan at walang pag-iimbot na inalay ang kanilang buong panahon at buhay sa rebolusyon. Silang mga tinahak ang ‘di pangkaraniwang landas ng kadakilaan ang matibay na patunay na ang paglahok sa digmang bayan ang angkop at makatarungang kinabukasan para sa kababaihang anakpawis.

Ang sektor ng kababaihan na sumasaklaw sa halos kalahati ng populasyon sa Pilipinas ay dumaranas ng pang-aapi sa lipunan na mas naiintitusyonalisa at napapatindi dulot ng pagpapanatili ng bulok na sistemang panlipunang malakolonyal at malapyudal na diktado ng imperyalismong US. Sa kaayusang ito napapailalim ang kababaihan sa apat na otoridad—otoridad sa pulitika, relihiyon, angkan at mismong asawa nilang lalaki. Kaya madaling maunawaan na mahalaga ang bahagi ng kababaihan sa kasalukuyang inilulunsad na demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang karamihan sa kababaihan ay nakapaloob sa api at pinagsasamantalahang mga uring manggagagwa at magsasaka. Dumaranas tayo ng makauring pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US,
malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Bukod pa ay dumaranas din tayo ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga kalalakihan—ng diskriminasyon at degradasyon ng katayuan natin sa lipunan.

Sa gitna ng bumubulusok na kalagayan ng ating bansa bunsod ng krisis sa ekonomya at pulitika, hindi nakagugulat na parami nang parami ang kababaihan na sumasapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumalahok sa armadong pakikibaka. Gagap natin bilang mga kababaihang rebolusyonaryo na walang mararating at mapagtatagumpayan ang pagiging kimi sa entablado ng digmaan laluna at ang kalaban ay mga naghaharing uri na handang pumaslang para sa kanilang pansariling interes. Tanging sa pagkakaisa nating mga kababaihan at sa paglahok sa pambansang demokratikong rebolusyon makakamit ang tunay na pagkilala at pagrespeto sa ating mga karapatan. Tumpak lamang na bigyan ng espesyal na atensyon ng rebolusyonaryong kilusan ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapalawak ng ating partisipasyon sa pakikibaka ng buong sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa pamamagitan lamang ng aktibong paglahok sa pakikibaka para ibagsak ang paghaharing imperyalismo at pyudal, mapalalaya ng kababaihan ang sarili sa pang-aapi at makakamit ang pagiging kapantay ng kalalakihan. Sa pakikibaka lamang mapapaunlad ang natatanging lakas at kakayahan nating kababaihan at mapangibabawan ang pinakamalalim na ugat ng pagpapasakit at diskriminasyon sa atin, hindi lamang sa hanay ng kalalakihan kundi maging sa hanay ng kababaihan mismo na mula sa mapagsamantalang uri sa ating lipunan. Sa pakikibaka lamang natin makakamit ang pandama ng ating sariling lakas at mapapaunlad ang ating potensyal.

Sa pagpasok ng Partido sa ika-55 na taon nito, hamon sa ating mga kababaihang kasapi at kadre ng Partido na pagtibayin ang tiwala, pagsandig, at pagsasabuhay ng mga aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at ng saligang batas at programa ng Partido, at ang mas pagpapakahusay at pagpapalakas ng ating hanay hindi lamang upang makapagmulat at makapagpakilos kundi tuluy-tuloy na mag-ambag ng ating angking lakas, talino, at buhay sa rebolusyon.

Makakaasa ang Partido na hindi hihinto ang pag-usbong at pamumulaklak ng mga bagong salinlahi ng rebolusyon na tatangan ng armas bilang bagong henerasyon ng mga pulang mandirigma at mag-aambag sa pagsulong at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Kababaihan, tumugon sa hamon ng panahon! Tumungo sa kanayunan at sumapi sa NPA! Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Kababaihan, magpalakas, magpalawak, at mangahas maghimagsik! Sa ika-55 na anibersaryo ng Partido palagablabin ang apoy ng digmang bayan sa puso ng sambayanan!