Kababaihan, magpursige sa paglahok sa armadong pakikibaka! Magpalawak, mag-organisa at magpakilos sa kanayunan at kalunsuran! Patuloy na mag-ambag ng lakas kasama ang sambayanan para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon!
Bilang bahagi ng orihinal na kasaping tagapagtatag ng National Democratic Front of the Philippines, buong karangalan na nakikipagdiwang ang MAKIBAKA sa paggunita ng ika-52 na anibersaryo ng NDFP–ang natatangi at pinakamalawak na alyansa ng mga progresibo, makauri, makabayan at rebolusyonaryong mga organisasyon na may taimtim na adhikaing gapiin ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo bilang mga saligang suliranin ng sambayanang Pilipino.
Ang pagkakatatag ng NDF noong 1973, kung saan kinilala nito ang mahalagang papel ng kilusang kababaihan ay panandang bato sa pang-ideolohiyang pagtangan sa rebolusyonaryong prinsipyong tunay na lalaya lamang ang kababaihan sa paglaya ng mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi, at walang rebolusyong nagtatagumpay kung hindi nito pakikilusin ang mga kababaihan lalo na ang kababaihang anakpawis.
Sa panahon ng diktadurang Marcos, malaki ang naiambag ng MAKIBAKA lalo na ng mga estudyanteng kasapian nito na tumungo sa kanayunan at kumilos ng lihim noong ideklara ang Martial Law. Mabilis ang naging pagpapalawak at pagpapalakas ng buong rebolusyonaryong kilusan. Marami ang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at marami rin ay naging organisador ng mga samahang kababaihan sa kanayunan. Naipundar ang mga baseng masa na may tunay na kapangyarihang pampulitikang nagmumula sa pagtangan ng armas ng mamamayan at naitaguyod ang mga organong rebolusyonaryo na nakasandig sa lakas at mobilisasyon ng masa.
Sa kasalukuyang panahon at sa partikular na yugto ng pagsulong ng rebolusyong Pilipino, napakahalagang pasikhayin ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan (RKK) ang pangunguna nito sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kababaihang manggagawa, mala-manggagawa at magsasaka. Kailangang pangunahing bigkisin at isanib ang lakas ng kababaihang anakpawis sa iba pang mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi upang maiguhit ang pinakamatalas na makauring pananaw at paninindigan laban sa imperyalismong US, na ngayon ay pinamumunuan ng misogynist na si Trump, at sa lalong tumitinding panghihimasok at kontrol nito sa ekonomiya, politika, militar, at kultura ng ating bansa.
Doble-dobleng pasakit para sa mga kababaihang anakpawis ang dulot ng patuloy na pagkalugmok sa kahirapan at hindi maampat na krisis dulot ng tuluy-tuloy na pagkabulok ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Nangangahulugan ito ng mas matitinding mga iskema at mga di-makataong kaparaanan para atakihin ang sahod, kabuhayan at mga karapatan. Partikular para sa mga kababaihan, nangangahulugan ito ng mas mababang pasahod at kawalan ng benepisyo, mas lalong walang oportunidad para sa disenteng trabaho at pangkabuhayan, mas lalong napagkakaitan ng batayang serbisyong panlipunan at mas lalong bulnerable sa iba’t ibang porma ng sekswal na karahasan at pang-aabuso tulad ng prostitusyon, trafficking, at online sexual abuse.
Sa taong ito nahaharap ang sambayanang Pilipino sa burgis na eleksyon kung saan nagpapatagisan sa panloloko, panlalansi, pang-aaliw, at panunuhol ang mayor na magkalabang kampo ng mga Duterte at Marcos Jr. Walang pakundangan ang pagwawaldas ng yaman ng bayan habang naglalako ng mga pangakong tiyak na mapapako. Tungkulin ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan, kung gayon, na ilantad ang kabulukan ng eleksyong ito sa pamamagitan ng malawak na rebolusyonaryong propaganda at edukasyon para pataasin ang kamulatan ng mamamayan, ipakita sa kanila na hindi ang eleksyon ang magdadala ng tunay at pangmatagalang pagbabago kundi rebolusyon. Ito ay habang tinuturuan silang araling mabuti ang mga plataporma at piliin ang mga tunay na makabayan at totoong nagbabandila ng mga demokratikong kahingian ng mamamayan—hindi ang mga trapong dinastiya sa politika, pekeng progresibo at lalong hindi ang mga alipores ng mga Duterte at Marcoses. Sa pangmatagalan, kailangang mahikayat at kabigin ang pinakamalawak na mamamayan sa rebolusyonaryong landas ang mga kababaihan upang humawak ng armas sa halip na balota.
Sa ika-52 anibersaryo ng NDFP, nagpapatuloy ang paninigdigan MAKIBAKA at ang rebolulusyonaryong kilusang kababaihan kasama ang buong samnayanan sa paghawan ng landas para sa tunay na paglaya sa pamamagitan ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Mabuhay ang NDF! Mabuhay ang nakikibakang kababaihan! Mabuhay ang nakikibakang sambayanang Pilipino!