Pahayag

Kabataan ng Metro Manila, mapagpasyang tupdin ang tungkuling pagpapalakas sa demokratikong rebolusyong bayan! Mapangahas na lumahok sa digmang bayan hanggang sa tagumpay!

,

Ipinararating ng Kabataang Makabayan-Brigada Lucille Gypsy Zabala ang taas-kamao naming pagpupugay sa ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines.

Samu’t saring mga pakana ang ginagawa ng imperyalismong US sa pamumuno ni Donald Trump upang panatilihin ang mga hegemonya nito sa daigdig. Nariyan ang pagsalakay at pagdakip nito sa Presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro, ang paglulunsad ng digma kasama ang Israel laban sa Iran, ang pagpapalala ng mga blokeyo sa Cuba at mga banta na sakupin ang Greenland, Colombia, Mexico at iba pang mga bansa.

Kinakasangkapan nito ngayon ang rehimeng US-Marcos upang isama ang Pilipinas sa pakana nitong palibutan ang Tsina sa tinatawag na “first-island chain” sa pagdaragdag ng mga base militar, pabrika ng ammunition, pagiistasyon ng mga missile at kamakailan lamang ay ang 1,600 ektaryang Pax Silica Initiative. Malinaw na inilalagay ng mga instalasyong ito ang sambayanang Pilipino sa panganib kagaya sa nangyari sa ilang mga bayan sa West Asia na may mga base militar ng Estados Unidos.

Ramdam na ramdam ngayon ng sambayanang Pilipino ang hambalos ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin dahil sa gyera ni Trump laban sa Iran. Dagdag pasanin ito sa mamamayang nagpupuyos na sa galit sa korapsyon at katiwalian ng rehimen.

Sa paglala ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, nananatiling tumpak ang solusyong malaon nang itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan. Tunay ngang walang ibang wawasak sa kairalan ng kasaluyang bulok na lipunan kundi ang pagsusulong at pagtiyak ng pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Marapat lamang na magbigkis ang lahat ng aping uri sa lahat ng saray at sektor ng lipunang Pilipino upang agawin ang kapangyarihang pampolitika at wasakin ang umiiral na estado upang itindig ang tunay na estadong nagrerepresenta sa mamamayan. Ito ang isang mahalagang tungkuling dapat maisakatupan ng lahat ng naniniwala sa rebolusyon, na tinitiyak ng NDFP at mga alyado nitong rebolusyonaryong kilusang lihim. Tunay ngang isang tagumpay ang pagpupunyagi ng NDFP sa loob ng ika-53 taon, ngunit kasabay nito ay isang umaalingawngaw na hamon, lalo sa mga kabataan, na pag-ibayuhin pa ang pag-oorganisa ng mga susunod na rebolusyonaryong ubos-kayang tatangan ng tungkulin para sa sambayanan.

Nananatiling hamon pa rin, lalo sa mga kabataan, na magsilbing mga bagong dugong magpapamalas ng rebolusyonaryong kasigasigan. Itinutulak ng krisis ang mga kabataan na magpasyang baguhin ang nakaambang naninimdim na kinabukasan sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema. Ang walang patid na digmaan sa ibang bansa na itinutulak ng mga imperyalista, ang korapsyon at pagkabusabos ng ekonomya ng bansa, at ang sagadsaring pasismong ipinamamalas ng estado sa mga mamamayang lumalaban ay nagsisilbing mitsa upang yakapin ng mga kabataan ang rebolusyonaryong landas. Itinuturo ng realidad na ang tanging paraan lamang para magwakas ang pananamantala ay ang pagsalig sa armadong pakikibaka ng mamamayan, isang sinumpaang tungkuling kinikilala at tinatanganan ng mga tunay na anak ng bayan.

Mula sa walang humpay na pag-oorganisa at pagpapalakas sa kalunsuran hanggang sa pagsampa bilang mga pulang mandirigma sa Bagong Hukbong Bayan, nakatanaw ang brigada ng KM-LGZ sa walang pag-iimbot na pagtupad sa sinumpaang tungkuling paglingkuran at rebolusyon at ang sambayanan. Sa ika-53 anibersaryo ng NDFP, nananatili pa rin ang panata ng kilusang kabataang estudyante sa kalunsuran: ang dakilang pag-aambag ng kanilang talino, lakas, talento, at maging kaisa-isang buhay, para sa rebolusyonaryong adhikain hanggang makamit ang ganap na tagumpay!

KABATAAN, TUMUNGO SA KANAYUNAN, SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!

MABUHAY ANG IKA-53 ANIBERSARYO NG NDFP!

MABUHAY ANG REBOLUSYON!

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!

Kabataan ng Metro Manila, mapagpasyang tupdin ang tungkuling pagpapalakas sa demokratikong rebolusyong bayan! Mapangahas na lumahok sa digmang bayan hanggang sa tagumpay!