Pahayag

Kabataan, paglingkuran ang sambayanan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa gitna ng imperyalistang gyera at krisis hanggang sa ganap na tagumpay!

,

Taas kamaong pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan-Maria Sheena Trinidad ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa ika-53 taong anibersaryo nito bilang alyansa ng mga lihim na organisasyong nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa gitna ng panggera ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo at pang-ekonomikong krisis sa ating bansa dahil dito, higit na lumilitaw ang pangangailangang palawakin at konsolidahin ang hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino na nakikibaka laban sa salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ngayon, mas lalong nahihiwalay ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa masa sa mga panakip-butas nitong hakbangin upang tumugon sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga batayang bilihin habang hindi pa ito nakakaalpas sa galit ng mamamayan sa malawakang korapsyon sa lahat ng antas ng gobyerno na nasiwalat noong nakaraang taon.

Sa halip na ugatin ang krisis at unawain ang daing ng masang pinagsasamantalahan at api, pasismo ang sagot ng rehimen sa pamamagitan ng mga berdugong galamay nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Nagngingitngit ang sambayanang Pilipino sa sunod-sunod na balita ng pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao sa Bicol, Mindoro, at Negros. Nananawagan sila ng rebolusyonaryong hustisya laban sa mga bayarang berdugong nasa likod ng makahayop na karahasang ito.

Hindi nalilimot ng kabataan ang sakripisyo ng mga martir na sina Bobby de la Paz, Melito Glor, Maria Sheena Trinidad, Josephine Lapira, Lourdes Tangco, at Jhunalice Arante-Isita. Ang kanilang desisyong tahakin ang landas ng rebolusyon ang tunay na pagsasabuhay ng katagang “Serve the People” na hindi kailanman matatapatan ng anumang Return Service Agreement, kontrata, o programa ng reaksyunaryong gobyerno.

Ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ang magtutulak pa sa mas maraming kabataan at mamamayan na tumangan ng armas upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Mabuhay ang ika-53 anibersaryo ng NDFP!

Kabataan, paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Kabataan, paglingkuran ang sambayanan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa gitna ng imperyalistang gyera at krisis hanggang sa ganap na tagumpay!