Pahayag

Nasa rebolusyon ang pag-asa: Kabataan, sumanib sa pakikibaka ng masang anakpawis! Baliktarin ang tatsulok! Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa sosyalistang kinabukasan!

, ,

Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan sa ika-61 anibersaryo nito ang kabataang Pilipino na nagpapatuloy ng militanteng tradisyon ni Bonifacio: ang walang kapantay na pagmamahal at pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bayan. Binabati natin ang matagumpay at makasaysayang mga pagkilos na pinangunahan ng mga kabataan mula sa mga kampus hanggang sa mga komunidad kasama ang masang anakpawis para panagutin ang lahat ng korap at ibagsak ang burukrata kapitalismo.

Malinaw na sintomas ng paghihingalo ng naghaharing sistema ang kamakailang sumabog na iskandalo ng korapsyon sa gitna ng krisis sa malakolonyal at malapyudal na lipunan. Umabot na ito sa punto na kinailangang itindig ang pinakamasahol na operasyon ng pagnanakaw at pananamantala ng mga dinastiya at negosyo gamit ang estado.

Kasabwat nito ang mga desperadong dayuhang monopolyo kapital na maghabol ng kita gayundin ang ibang paksyon ng naghaharing uri sa mga malakolonya nito. Nagsisilbing isponsor ng korap na sistema ang mga dayuhang kapangyarihan na nakikipag-ugnayan sa lokal na mga dinastiya para lang makamit ang estratehikong interes nila sa rehiyon para sa hilaw na materyales, murang lakas paggawa at bagong pamilihan na pagtatambakan ng labis na produkto at kapital.

Isang paraan lang ng imperyalistang U.S. ang pangangasiwa sa korap na sistema para panatilihin ang kontrol nito sa Pilipinas bilang malakolonya. Ang mismong panghihimasok ng U.S. sa imbestigasyon ng ICI ay pagtiyak nito na tatakbo pa ang sistema ng hatian at agawan ng yaman sa kumpas ng rehimeng Marcos. Susi rito ang pagbibigay istabilidad sa rehimen para manaig ang interes nito sa Asya-Pasipiko kontra sa Tsina.

Pero tandaan natin na isang anyo lang ng pananamantala ang korapsyon. Nakaayon ito sa buong balangkas ng panghuhuthot ng kita sa pamamagitan ng neoliberal na mga patakaran na pinapataw ng imperyalistang bansa sa mga malakolonya nito. Kakambal ng korapsyon ang pribatisasyon ng mga serbisyo, lalong pagpapapasok ng dayuhang kapital, pagbigay daan sa walang tigil na pagsirit ng presyo at iba pang pamamaraan para kumubra ng supertubo.

Araw-araw itong pinipiga mula sa lakas paggawa ng masang anakpawis at kahit saan lumingon ang kabataan, pananamantala ang kakaharapin natin. Ito rin ay kung tutuusin sa esensya ay korapsyon pero tinatanggap pa ito sa mata ng publiko at nakakubli bilang mga reporma para sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Pero sa kabuuhan ang pinagsisilbihan nito sa dulo? Tubo, di lamang interes ng mga dinastiya, pero ang imperyalismong U.S. mismo.

Pinapapahigpit ang kontrol ng U.S. at ng naghaharing rehimen sa sistema gamit ang iba-ibang sandata. Pangunahin dito ang pasismo sa pamamagitan ng AFP, PNP at NTF-ELCAC, dayuhang pautang pamumuhanan, at mga kultural na opensiba para paamuhin ang mamamayan. Karahasan ang pangunahing hinaharap ng estado sa militanteng kilusang protesta na nananawagan ng pagbagsak ng sistema.

Samantala, tuloy-tuloy na nilulugmok ang kabataan sa burges-dekandenteng kagawian tulad ng pagkalulong sa iligal na droga, alak, labis na pagkahumaling sa sex, at iba pang paraan para panandaliang takasan ang krisis. Nililito rin tayo lalo ng mga naghaharing uri gamit ang mga kaisipang nagtatanim ng huwad na pananalig sa sistema. Na para bang sa pragmatikong mga taktika sa halalan at parlamento at kakarampot na reporma lang ay lalaya ang mamamayan.

Ito ang propaganda ng rehimeng U.S.-Marcos Jr.: reporma ang kanyang pangako, protesta ay kaniyang pasimuno. Nais niyang kabigin ang mga petiburges at iba pang uri na kayang tiisin pa ang sistema. Mas masahol pa ang kataksilan ng ilang mga grupong nag-aastang oposisyon ngunit pumapaypay pa sa ilusyon na ito sa pakinabang ng sistema. Ang mga burgis-repormista tulad ng Akbayan ay tunog progresibo pero sa katotohanan ay apologist o kakampi rin naman ng rehimen sa dulo, para lang sa palamuting reporma at makatiyak na uupo muli halalan 2028. Nililigaw nila ang mamamayang matagal nang uhaw sa radikal na pagbabago.

Nayanig man natin ang Malacanang sa sistema pero malinaw na hindi ito sapat at nagagamit pa ito para magpanibagong anyo at pahabain ang buhay ng korap na sistema. Ang walang katuturang turuan at pagmamaniobra ng mga paksyon at dinastiya, ay patunay na ang ugat ng problema ay bumabalik pa rin sa realidad ng tunggalian ng mga uri, hindi kailanman nilang kusang isusuko ang kanilang interes — patunay sa kawastuhan ng mga aral na pinamana nina Marx, Lenin at Mao.

Ang tanging totoong landas sa pagbabago ay sa pagwawagi lamang ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Wala nang aasahan sa gobyerno at sistema na ito. Sa kapwa kabataan, tanong na lang ito kung sino ang unang tatapusin: tayo o ang imperyalismo?

Sama-sama nating kamtin ang tunay na progresibong gobyerno sa pamumuno ng proletaryado ng estado katuwang ang masang anakpawis. Kumawala tayo sa malakolonyal na pananamantala sa pagtakwil sa di pantay na kasunduan at lahat ng kadena sa imperyalismo. Pawiin natin ang kahirapan sa pag-agaw ng ari-arian ng naghaharing uri para sa pakinabang ng masa. Kamtin natin ang tunay na reporma sa lupa sa pagpapatupad ng ating hukbo at pasimulan ang pambansang industriyalisasyon tungo sa kaunlaran. Ipatupad natin ang libreng serbisyong panlipunan at hubugin ang kulturang makabayan, siyentipiko at makamasa. Abutin natin ang sosyalistang lipunan na ang ating nilikhang yaman sa paggawa ay natatamasa rin ng bawat isa ng patas.

Imposible itong lahat sa loob ng reaksyonaryong gobyerno at possible lamang ito sa ating rebolusyon.

Hamon sa kabataan-estudyante bilang bahagi ng intelehensiya ang malikhaing pagpopularisa sa kawastuhan ng pambansa demokratikong pakikibaka at alternatiba. Tayo mismo ang panibagong Kilusang Propaganda. Makakamit natin ito sa araw-araw na pakikipamuhay sa ating komunidad at pagpapaliwanag ng realidad at ugat ng paghihirap mula sa iba’t-ibang pinagsamang karanasan. Lagpas dito, dapat nating patuloy na pag-aralan ang lipunan at isalin ang natututunan sa praktika ng pag-organisa sa hanay mismo ng batayang masa. Hindi tayo magtatagumpay kung hindi babangon ang mayorya ng inaapi. Isulong natin ang kilusang protesta tungong kilusang talsik at maging kilusang welga at iba pang anyo ng pakikibaka para sa demokratikong karapatan at sa pagpapabagsak din sa Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo.

Ngunit dapat kilalanin natin na hindi sasapat ang sama-samang pagkilos nang walang armadong paglaban. Tinatawag tayo na ipaglingkod ng libo-libong kabataan-estudyante ang ating lakas, talino at talento para sa laban ng magsasaka sa lupa at sa digmang bayan sa kanayunan.

Sa ating paglubog sa masa, mapangahas nating pandayin ang ating paninindigan hanggang dumami nang dumami ang nagpapasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, buhay man ay ialay. Tinatawag tayong kumawala na sa ating komportableng buhay at kinasanayan. Higit na may saysay ang sakripisyo para wakasan ang bulok na sistema kaysa mga personal na sakripisyo na nagagamit lang para pahabain pa ang buhay ng bulok na sa sistema.

Nagsisilbi ang Kabataang Makabayan bilang tipunan ng lahat ng nais sumulong sa landas na ito. Araw-araw tayong may pagkakataon para ihakbang pasulong ang ating rebolusyon. Tanging sa pakikibaka namumukadkad ang pag-asa. Tanging sa rebolusyon, may kinabukasan. Kabataan, makibaka, wag matakot, mangahas na magtagumpay!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Kabataan, sumanib sa pakikibaka ng masang anakpawis! Baliktarin ang tatsulok! Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa sosyalistang kinabukasan!