Kabataang Makabayan Lucille Gypsy Zabala NS-MMR Statement 2025
Rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng mamamayang lumalaban! Ngayong ika-61 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, ang balangay sa ilalim ng KM-LGZ Near South Metro Manila ay taas kamaong pinagpupugayan ang lahat ng kabataang patuloy na tumitindig laban sa bulok na sistema.
Nakita natin sa mga nagdaang buwan ang lumiliyab na militansya ng kabataan kung saan libo-libo ang lumahok sa sunod-sunod na malawakang mga kilos-protesta laban sa katiwalian ng estado. Patuloy na lumalala ang sitwasyong pampulitika’t hindi na pinagkakaila ng naghaharing-uri na ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para sa kani-kanilang mga sariling interes. Kitang-kita ito sa umiigting na hidwaan sa pagitan ng Marcos at Duterte. Kasabay rin nito ang tumitinding pasismo at panunupil subalit hinding-hindi ito hadlang sa patuloy na pagsiklab at paglakas ng nagkakaisang kilusang kabataang sumasanib sa masang anakpawis para sa panawagan at layuning wakasan ang sistemang nabubulok at pahirap sa mamamayan.
Sa kasalukuyan, ang mga kabataan ay kumakaharap ngayon ng iba’t ibang mga isyu dahil sa palagiang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan sa ilalim ng nabubulok na sistemang kapitalista. Matindi ang atake ng neoliberal na mga patarakan ng estado sa edukasyon mula 1980s hanggang sa kasalukuyan. Sa pagiging Commercialized, Colonialized at Repressive ng sistema ng edukasyon, ang mga paaaralan ngayon ay nagmimistulang diploma mills na nagpproduce ng mga cheap at docile na mga kabataan na mapabibilang sa malaking bilang ng reserved labor force. Nagpapatong-patong ang iba’t ibang porma ng pananamantala sa mga kabataan ng Near South Metro Manila.
Una ay ang kawalan ng aksesibleng edukasyon na ating batayang karapatan. Nananatiling maliit ang bilang ng mga pampublikong paaralan habang patuloy ang pagtaas ng matrikula sa mga pribadong paaralan. Nagreresulta rin ito sa lumolobong bilang ng working students at out of school youth.
Pangalawa, nananatiling mababa ang kalidad ng edukasyon para sa manipis na bilang ng kabataang nakatatamasa ng libreng edukasyon. Kaakibat nito ang sistemang nakabatay sa pagtatapos ng napakabigat na workload kung saan tinatrato ang mga kabataan bilang robot na bahagi ng paghuhubog sakanila sa pagiging mga sunud-sunurang alipin ng sistemang kapitalistang pagmumulan ng murang lakas-paggawa.
Pangatlo, kasabay ng mga kahirapang pang-ekonomya, dumaranas rin ang mga kabataan ng matinding pagtapak at abuso sa kanilang mga demokratikong karapatan tulad ng kawalan ng kalayaan sa pamamahayag, at matinding atake sa mga kabataang progresibo’t rebolusyonaryo. Kasabay nito ang campus militarization kung saan labas-pasok at namumugad ang kapulisan at militar sa loob ng paaralan para palaganapin ang takot at represyon. Sistematikong ginagamit ng estado ang mga pang-akademikong institusyon bilang kasangkapan ng pasismo.
Sa kabila ng ganitong kalagayan, nananatili ang kabataan bilang seksyon ng petiburgesyang lungsod na may pinakamalaking potensyal sa rebolusyon. Ang katotohanang ito ay paulit-ulit nang napatunayan sa ating kasaysayan; mula sa unang sigwa ng 1970 hanggang sa kasalukuyan.
Kailangang ubos kayang kumilos ng mga kabataan upang labanan ang bulok na estado at mahusay na isanib ang kanilang pakikibaka sa malawak na pakikibaka ng masang anakpawis bilang porma ng kanilang pagsulong sa kanilang kalayaang pang-akademiko. Ang edukasyon ang buhay at kamatayan ng sektor ng kabataan at ang kalayaang pang-akademiko ay hindi lang nananatili sa apat na silid ng ating mga pamantasan, bagkus, ay hanggang sa ating pagtungo sa mga komunidad, pagawaan, sakahan, at paglubog sa batayang masa.
Mga kabataan ng Near South Metro Manila Region, ating tugunan ang dalawang mayor na tungkulin sa kalunsuran. Sumanib at ibayong palakasin ang kilusang welga ng manggagawa kasama ang kilusang mamamayan. Itatag ang mga baseng paaralan, pabrika, at komunidad para sa pagpapalakas at pagpapaluwag ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Tugunan ang tungkulin natin bilang sentrong rehiyong Kamaynilaan kung saan laksa-laksang kabataan ang tutungo sa kanayunan upang i-abante ang matagalang digmang bayan para sa pagkonsolida ng kanayunan hanggang sa pagkubkob sa kalunsuran.
Malaki pa ang ating aabutin kaya’t mapangahas na harapin ang pagpukaw, pag-organisa, at pagpapakilos sa malawak na hanay ng masa para sa pagdaluyong ng pakikibaka ng mamamayan. Hanggang hindi pa naiigpawan ang mga ugat ng kahirapang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo; hangga’t hindi tuluyang bumabagsak ang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang nabubulok at nagsasamantala sa mamamayang Pilipino, hindi matatapos ang paglaban ng Kabataang Makabayan kasama ang lahat ng kabataang sumasanib sa kilusang mamamayan hanggang sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan tungong sosyalismo.
Wakasan ang pahirap at pasistang US-Marcos at Duterte!
Kabataan, ibayong palakasin at patatagin ang nag-aalab na kilusang kabataan! Sumapi sa KM-Lucille Gypsy Zabala!
Sumanib sa masa para sa pagdaluyong ng rebolusyon ng mamamayan hanggang sa tagumpay!
Mabuhay ang lahat ng kabataan at mamamayang lumalaban!
Tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan! Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!


