Kalugud-lugod, pero huling-huli na, ang paghatol kay Imelda Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino sa kanilang pagbati sa paghatol kahapon kay Imelda Marcos sa pitong kaso ng katiwaliang ginawa noong 20-taong paghahari ng pandarambong at pang-aapi nilang mag-asawang dating diktador na si Ferdinand Marcos. Dapat kaagad siyang arestuhin at ikulong.

Lalong pinagtibay ng gayong pagsintensya ang matagal nang pangkasaysayang hatol ng sambayanang Pilipino laban sa diktadurang Marcos. Bago pa man nito, nahatulan na rin ang mga Marcos na dapat bayaran ang mga paglabag sa karapatang-tao sa kasong isinampa ng halos 10,000 biktima ng kanilang paghaharing diktador.

Sinasalungat ng gayong sintensya ang walang-habas na tangka ng mga Marcos na baluktutin ang kasaysayan. Pilit na itinatanggi ni Imelda, ng mga anak ni Marcos at kanilang mga alipures ang mga krimen at korapsyon sa ilalim ng batas militar ni Marcos at lumilikha ng ibang-ibang imahen para pagtakpan ang malalim na krisis sosyo-ekonomiko at pang-aaping dinanas ng mamamayang Pilipino. Sa tangkang itatag ang sarili bilang tirano, itinanghal ni Duterte bilang bayani si Marcos at walang kahiya-hiyang pinalakpakan ang kanyang diktadura.

Bagaman kalugud-lugod ang hatol ng Sandiganbayan, huling-huli na ito. Sa edad na 89, may ilang taon na lang si Imelda para pagsilbihan ang kanyang 42 hanggang 77 taong sintensya sa kulungan. Mahigit 30 taon niyang natakasan ang katarungan. Iyan ay kung mabilanggo nga siya. Tiyak na magmamaniobra pa si Imelda para samantalahin ang napakabagal na gulong ng sistemang katarungan sa Pilipinas. Laganap ang agam-agam na sa kahuli-huliha’y isasanggalang siya ng patawad pampangulo ni Duterte.

Habang ipinagdiriwang ng mamamayang Pilipino ang hatol kay Imelda, lubha silang nayayamot sa lubhang nitong pagkaantala. Malalim ang kanilang pagkadismaya sa pagkabigo ng naghaharing sistema na igawad ang nararapat na kaparusahan sa pinakamasasamang nang-aapi at nagsasamantala sa kanila.

Sa nagdaang mga taon, lubhang nabigo ang sunud-sunod na reaksyunaryong rehimen sa pagtugon sa hinihinging mabilis na katarungan ng sambayanang Pilipino. Pinahintulutan nilang lahat ang antas-antas na pagbabalik ng mga Marcos. Walang gumawa ng mapagpasyang hakbang pangkatarungan sa takot na hihingin ding ipataw ito sa kanila para sa katulad na mga krimeng ginawa nila habang nasa poder.

Noong 1986, tinulungan ng mga imperyalistang US na makatakas ang tapat nilang papet na si Marcos patungong Hawaii sa harap ng pag-aaklas ng bayan. Gamit ang impluwensya sa magkakaribal na pangkatin ng mga naghaharing pulitiko, hinihikayat ng US ang hatian nila sa yaman at pribilehiyo upang mapanatili ang katatagan ng sistemang pampulitika sa ilalim ng dominasyon ng US.

Kaya, halos di nagalaw ang imperyo ng nakaw na yaman ng mga Marcos. Bilyon bilyong dolyar ang ginamit nila para muling itatag ang kanilang pampulitikang lambat na nakabatay sa mga katapatang burukratang kapitalista. Nasa poder nang muli si Imelda at ang mga Marcos. Mayroon silang masaklaw na impluwensyang pampulitika sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Tinutuligsa ng sambayanang Pilipino kung paapanong papalala ang anyo ng pandarambong, korapsyon, mga abusong militar at iba pang krimen ng magkakasunod na reaksyunaryong rehimen na walang naparurusahan, at malala’y, patuloy pang humahawak ng poder at nagpapalaki ng yaman at iba pang pribilehiyo mula sa kanilang burukratikong luklukan.

Habang lumalala ang krisis ng naghaharing sistema at lumiliit ang pwedeng madambong, nasasangkot ang mga burukrata-kapitalista sa mas kriminal na anyo ng pag-ipon ng yaman tulad ng ismagling at bentahan ng droga na nagreresulta sa lalong kaapihan at pagkabulok ng kalagayang sosyo-ekonomiko.

Para makamit ang tunay na katarungan, walang ibang masusulingan ang sambayanang Pilipino kundi ang magrebolusyon at ibagsak ang naghaharing sistema at maka-uring paghaari ng malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Tanging sa pagtangan ng kapangyarihang rebolusyonaryo–ang demokratikong kapangyarihan ng bayan–na maipapataw nila ang makatarungang parusa sa pinakamalalaking kriminal at pasista na may kapasyahan at agap.

Kalugud-lugod, pero huling-huli na, ang paghatol kay Imelda Marcos