Kamtin ang hustisya at kapayapaan sa pamamagitan ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan!
Matapos ipaghambog ng mga heneral ni Marcos noong 2023 na magbubukas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP ay muling pinatunayan ng reaksyunaryong rehimen ng mga naghaharing mapagsamantalang uri sa Pilipinas na hindi ito seryosong lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Ibig sabihin, hindi ito seryosong tugunan ang matagal nang karaingan ng mamamayan para solusyonan ang kanilang kahirapan at inhustisyang panlipunan.
Ang usapang pangkapayaan ay ginagamit lamang ng rehimeng US-Marcos na propaganda habang kinokonsolida ang kanyang poder laban sa labi ng paksyong Duterte. Ngayong nakapagkonsolida na ng kanyang estado poder lumabas na ang tunay na kulay ni Marcos Jr sa usapin ng kapayapaan. Makaisang panig niyang iginigiit ang militaristang linya ng DDR (demobilization, disarmament at re-integration) sa pakikipag-usap sa NDFP. Ito ay labag sa prinsipyo na inilatag at dati nang pinagkasunduan ng GRP at NDFP sa Breukelen Joint Declaration at The Hague Joint Declaration on Substantive Agenda na nagtatakda ng paggagalangan at pantay na katayuan sa usapang pangkapayaan at ang lalamnin ng pag-uusap.
Bilang isang diktador, gustong diktahan ni Marcos Jr ang NDFP at CPP-NPA na pasukuin sa kanyang kagustuhan. Gusto naming ipaalala kay Marcos, ang NPA na iilang piraso pa lamang noong 1969 ay hindi natakot at lalong hindi nagpadikta sa kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr.
Ang sinumpaan ng NPA ay ang pagpapalaya sa sambayanan sa tanikala ng kahirapan at pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa lipunan. Hindi natinag o napasuko ng madugong martial law ni Marcos Sr ang batang-bata pang NPA noon. Sa halip, lumitaw sa kasaysayan ang penomenon ng “Marcos as the best recruiter of NPA!” Inuulit lamang ni Marcos Jr ang daang tinahak ng kanyang ama.
Ipinatutupad niya sa kanayunan ang de-facto martial law sa ilalim ng kanyang National Security Policy at programang NAP-UPD. Kaliwa’t kanan ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan, paulit-ulit ang sapilitang pagpapasurender (nakapagpa-“clear” na sa kampo pero paulit-ulit na pinapipirma ng pagsuko), hinaharas ang mga pinag-iinitan nilang sibilyan sa pamamagitan ng pagkatok sa bahay sa kalagitnaan ng gabi, pilit na binubuksan ang nakasarang pinto ng masa sa hatinggabi, sapilitang pagpapa-CAFGU para patunayang di supporter ng NPA, pagtatapon ng bigas o palay ng masa, pagransack sa mga bahay, paulit-ulit na binabalikan ng intel ang bahay ng sibilyan at pagkakampo sa mga barangay sa tabing ng RCSP.
Tinagurian pa nilang Community Support Program, pero sa esensya ay di suporta kundi pahirap sa masa dahil sapilitan silang pinagtatrabaho para pakunin ng pambakod sa baraks, pagtabasin sa kanilang dinadaanan para di maambus ng NPA. Pinakamalala pa ang paglalagay sa lockdown sa buong barangay kung saan di makalabas at makapagtrabaho sa bukid ang mga magsasaka. Bukod sa lockdown ay ang food blockade na ginagawa ng militar tulad sa San Jose de Buan na tatlong buwang ipinatupad ang pag-logbook sa lahat ng namimili sa bayan at sa mga barangay. Inuutusan ang mga may tindahan na maglagay ng logbook ng mga bumibili. Sa bayan ng San Jose de Buan kahit naka-logbook ka na sa tindahan ay may tatlong andana pa ng checkpoint o logbook na dinadaanan ang mga magsasakang namalengke kung saan nirerekisa ang pinamili at pinala-logbook ang namili.
Ito ang kapayapaan na gustong ipatupad ni Marcos Jr sa buong Pilipinas. Pinatunayan na sa pag-atras ng MILF sa proseso ng de-commissioning dahil hungkag ang mga pangako sa kanila ng gubyerno. Ang mga napilit nilang magtraydor at tagapaglako ng kanilang kasinungalingan na mga dating NPA ay nagsisisi na dahil ngayon ay napapatunayan na nila na inasukalang bala lamang ang mga pangako ng militar at ng diktador na rehimen.
Mapaminsala sa mamamayan ang patakaran ni Marcos Jr sa pagiging tuta sa utak pulburang US kung saan isinusulsol ang bansa sa panganib ng gera laban sa China. Ginagawa niyang imbakan ng armas, bala at mga barko at eroplanong pandigma ng US ang Pilipinas. Ginagamit ni Marcos Jr at Teodoro ang sigalot sa West Philippine Sea bilang dahilan ng paghahanda sa gera sa pamamagitan ng mga war exercise pero nagpapatatag ng base militar sa Batanes dahil sa pakikialam sa isyu ng Taiwan at China sa bulag na pagsunod sa kanyang imperyalistang amo. Dahil dito minamadali ni Marcos Jr na tapusin na sa pamamagitan ng pagpapasuko ang usapin sa insurhensya. Itinutulak ni Marcos Jr ang Pilipinas sa kapahamakan.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay sumumpa sa Partido at mamamayan na ipaglalaban ang kanilang demokratikong interes sa malaya at masaganang Pilipinas. Nakahanda ang mga tapat na anak ng bayan sa hanay ng NPA na sumuong sa lahat ng kahirapan at sakripisyo para isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan bilang natatanging lunas sa mga pundamental na problema ng sambayanan kaysa tanggapin ang hungkag na alok na pagsuko at amnestiya ng sinungaling at mandadambong na diktador. Hindi katanggap-tanggap sa NPA ang hungkag at mapanlinlang na kapayapaang isinusulong ng GRP. Tama lamang na hindi tanggapin ng NDFP ang alok na pagsuko ng GRP dahil ito ay labag sa sinumpaan ng NPA na uunahin ang kapakanan ng sambayanan. Ang kasunduan na iniaalok ng GRP ay wala man lamang kahit katiting na ganansya para sa mamamayan.
Labanan ang pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos!
Wakasan ang batas militar sa kanayunan!
Wakasan ang pampulitikang panunupil!
Buwagin ang NTF-Elcac!
Ipaglaban ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!
Isulong ang armadong pakikibaka!
Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!
Isulong ang matagalang digmang bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!