Kamtin ang tunay na hustisyang pangkalikasan at panlipunan sa pamamagitan ng digmang bayan
Pangmatagalang hakbangin at hustisyang pangkalikasan at panlipunan ang kailangan ng Palawan, hindi huwad na proyekto at mga pabalat-bungang solusyon ng pambansa at lokal na gubyerno. Ito ang hiyaw ng mamamayang Palaweño sa papatinding epekto ng mga bagyo at natural na kalamidad na tumatama sa bansa ilang beses sa buong taon. Ngayong buwan, matinding pangwawasak na naman sa kabuhayan at ari-arian ng mga Palaweño ang idinulot ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan, at ang bagyong Verbena na kalilipas lamang. Sa bagyong Tino pa lamang, 29,601 pamilya ang apektado sa mga bayan ng Coron, Taytay at Roxas habang 1,250 pamilya na naman ang napilitang magbakwit dahil sa bagyong Verbena. Muli, mga bayan na naman sa norte ng probinsya ang apektado. Kapag naman matitinding ulan dala ng shear line at ITCZ, apektado na ang buong probinsya.
Naghuhumiyaw ang kalikasan ng Palawan sa paniningil sa walang habas at mga dambuhalang proyektong mina, monocrop plantation, real estate at turismo na tuluy-tuloy sa pagwasak sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Ilang ulit na pinalalala ng tumitinding pagkawasak ng kalikasan sa probinsya ang epekto ng mga bagyo, pag-ulan at iba pang natural na kalamidad. Sa ulat ng global forest watch, mula 2002 hanggang 2024, nawalan ang Palawan ng 220 libong ektarya ng tree cover (kapal ng puno na maaaring kagubatan o taniman). 90% nito ang nawala sa kagubatan. Malaon nang nalantad at dekada o halos kalahating-siglo nang ipinaglalaban ng mamamayan, mga makabayang panggitnang pwersa, mga grupong makakalikasan at mga lokal na tunay na lingkod bayan ng Palawan ang pagpapatigil sa lahat ng uri ng aktibidad na nagmamasaker sa kagubatan at taniman ng mga magsasaka para sa pribadong tubo.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay walang pangmatagalang solusyon ang lokal hanggang pambansang gubyerno para protektahan ang kalikasan at mamamayan sa probinsya. Sa kabila ng umiiral na lokal na patakaran sa 50-taong mining ban sa probinsya, wala pa ring awat ang operasyon ng mina sa katimugang bahagi ng Palawan. Sa bahaging norte naman, talamak ang operasyon ng quarry at paghahawan ng mga gubat. Sa iba’t ibang bayan sa buong probinsya, matatagpuan naman ang plantasyong monocrop, pinakamarami ang oil palm at rubber. Sa kasalukuyan, may 15,000 ektaryang lupain sa probinsya ang kinumbert tungong plantasyong oil palm. Lahat ng ito ay mga mayor na salik sa pagsira sa kagubatan at taniman sa Palawan.
Singlupit ng tama ng bagyo ang sunud-sunod na nabubunyag na kaso ng korapsyon sa probinsya laluna sa mga proyektong dapat ay magpapaliit sa pinsala ng mga bagyo at natural na kalamidad. Sa pinakahuling mga rebelasyon ni Zaldy Co, kasama ang 12 proyekto sa Palawan sa mga nilagyan nila ng budget insertions sa kumpas ni Marcos Jr. Kapag pinagsama-sama, nagkakahalaga ito ng ₱2.5 bilyon na kung totoong ginamit sa tamang paraan, malaki ang maitutulong para epektibong bawasan ang pinsala.
May 92 proyektong flood control sa probinsya, apat sa mga ito ang sa ilalim ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng mga Discaya at Co na nagkakahalaga ng ₱556 milyon. Liban sa mga ito, ang mga kumpanyang may kopo ng pinakamarami at pinakamahal na proyekto ay kontrobersyal na kontraktor mula pa sa panahon ng rehimeng US-Duterte, ang C.T. Leoncio Construction & Trading na sya ring nasa likod ng Hardrock Platinum Development Corporation (Top 1 at 3 sa pinakamaraming proyektong hawak at Top 2 at 3 sa may pinakamahal na mga proyekto sa probinsya). Hindi pa kasama sa mga ito ang mga kontraktor na tinukoy na may kopo ng 12 kasama sa ulat ni Zaldy Co. Hindi nakapagtatakang hanggang kasalukuyan, di pa rin malutas-lutas ang mga usapin kaugnay ng pagbaha at iba pang kalamidad sa probinsya.
Ang napakalaking kapalpakan at kabiguang ito ay dahil sa pag-iral ng gubyernong walang ibang interes kundi pagsamantalahan ang mamamayan at kopohin ang pondo ng bayan. Isa itong sistemang nag-alaga at nagpalaki ng angkan ng mga kawatan at magnanakaw na ngayo’y may kopo sa iba’t ibang pusisyon sa gubyerno mula pambansang antas hanggang lokal. Kabisado na ng mga Palaweño kung sino ang mga ito, sila na kada eleksyon ay nagpapalitan lamang ng pusisyon sa kani-kanilang mga kamag-anak. Ang mga ito rin, ang kundima’y kasabwat ng mga lokal at dayuhang kapitalista at panginoong maylupa, o sila mismo ang mga naging pinakamalalaking panginoong maylupa’t burgesya kumprador sa probinsya. Sila ang mga burukrata-kapitalistang dapat ilantad, singilin at pagbayarin.
Dapat tuluy-tuloy na labanan ng mamamayang Palaweño ang lahat ng mga proyektong nangwawasak sa kanilang kabuhayan at kalikasan. Ang labang ito ay karugtong ng paniningil at pagpapanagot sa lokal hanggang sa rehimeng US-Marcos sa kanilang kriminal na kapabayaan at pagpapahinuhod sa interes ng mga naghaharing-uri. Dapat nilang ilantad at pagbayarin ang mga ito. Dapat silang makiisa sa laban ng buong bansa sa lahat ng korap na opisyal at sa buong sistemang nagpapanatili ng kaayusang ito, ang burukratang kapitalismo. Dapat makiisa ang mga Palaweño sa pambansang panawagan para singilin at pagbayarin hanggang ibagsak ang gubyernong puno ng pang-aapi at pagsasamantala sa taumbayan. Kasabay nito, dapat palakasin ng mga Palaweño ang pagsuporta nito sa digmang bayan sa probinsya at buong kapuluan para kamtin ang tunay na panlipunang pagbabago na maghahatid sa kanila tungo sa isang malaya, masagana, mapayapa at lipunang tunay na nangangalaga sa kalikasan. Tanging sa paraang ito makakamit ng mamamayang Palaweño ang tunay na hustisyang pangkalikasang malaon nang ipinagkait sa kanila.