17 pulis na sangkot sa ‘Bloody Sunday Massacre’, inabswelto ng DOJ

Kinundena ng iba’t ibang demokratikong organisasyon ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na isaisantabi at ibasura ang mga kasong pagpatay na isinampa laban sa 17 upisyal ng pulis na sangkot sa pagpaslang sa lider-manggagawang si Manny Asuncion.

Martes ng gabi nang isapubliko ng DOJ ang resolusyon na inaabswelto ang mga pulis dahil sa diumano’y “kakulangan ng ebidensya.”

“Walang hustisya. Matapos ang isang taon, ibinasura ng DOJ ang kaso laban sa mga pulis na sangkot sa Bloody Sunday massacre at pagpatay kay Manny Asuncion,” ayon kay Renato Reyes Jr, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Si Asuncion, lider-manggagawa at pinuno ng Bagong Alyansang Makabayan sa Cavite, ay isa sa siyam na aktibistang pinatay sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal noong Marso 7, 2021, ang tinaguriang Bloody Sunday Massacre, sa sabay-sabay na reyd ng pulis sa mga bahay ng aktibista.

“Napakasahol… tingin n’yo ba titigil ang mga pulis at militar sa pagpatay kung walang nananagot?” dagdag ni Reyes.

Ayon naman sa grupong Defend Southern Tagalog, malinaw ang mga ebidensya na pinaslang si Asuncion nang walang kalaban-laban. “Ang tuluy-tuloy na harasment kay Asuncion at kanyang organisasyon ay mga senyales ng pinaplanong pagpatay sa kanya,” ayon kay Charm Maranan, tagapagsalita ng grupo.

Aniya, mistulang nagbulag-bulagan ang prosekusyon sa katotohanang hindi makatarungang pinatay si Asuncion.

“Patuloy ang paninindigan namin na may pananagutan sa krimeng ito si dating pangulong Duterte, ang NTF-ELCAC, at mga ahente ng estado, kabilang ang 17 pulis na inabswelto,” pagdidiin ni Maranan.

Pinagtibay lamang umano ng DOJ ang palusot ng mga pulis na “nahulihan” sina Asuncion at iba pang biktima ng baril at pampasabog habang hinahainan ng search warrant. Pinalalabas pa ng mga ito na nanlaban ang mga aktibista kung kaya’t binaril.

Bilang tugo, nagprotesta sa harap ng DoJ noong Enero 18 ang mga demokratikong organisasyon mula sa Southern Tagalog at mga unyon ng Kilusang Mayo Uno.

AB: 17 pulis na sangkot sa 'Bloody Sunday Massacre', inabswelto ng DOJ