Katarungan para kay Percy Manabas at lahat ng mamamahayag na biktima ng pampulitikang pamamaslang! Manindigan para sa katotohanan, ipaglaban ang kalayaan!

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mahigpit na nakikiisa ang NDF-Bikol sa panawagang katarungan para kay Percival ‘Percy Lapid’ Manabas, isang batikang mamamahayag. Siya ang pinakabago sa mahabang listahan ng mga pinaslang na kagawad ng midya sa bansa. Ipinaaabot din ng NDF-Bikol ang pakikiramay sa pamilya ng napaslang. Gayundin, ang pagsuporta sa kampanyang itigil na ang pang-aatake sa mga tagapagtaguyod ng katotohanan at sa malawak na hanay ng sambayanang Pilipino.

Si Manabas ang ika-197 mamamahayag na pinatay mula noong 1986. Sa Bikol, ilan sa mga pinakahuling biktima ng asasinasyon sina Joebert Bercasio, Ronnie Villamor, Joaquin Briones, Larry Que at Joey Llana. Sa tindi ng panganib sa mga kagawad ng midya, nanguna ang Pilipinas sa buong Asya sa mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag. Ikapito rin ang bansa sa 2020 Impunity Index ng Committee to Protect Journalists. Listahan ito ng mga bansa sa daigdig na mayroong pinakamaraming pinapatay na mga kagawad ng midya at hindi naparurusahan ang mga may-sala.

Ngunit hindi lamang ito mga estadistika. Hindi lamang mga numero. Sila, gaya ng puu-puong libong biktima ng pampulitikang pamamaslang sa bansa, ay mga buhay na sadyang linustay upang mapanatili ng iilang naghahari ang kapit sa kasalukuyang bulok na sistema. Silang mga pinaslang ay mga araw-araw na paalalang mayroong digma para sa katotohanan at katwiran sa loob ng bansa. Sa kabilang panig ay ang sambayanan at lahat yaong naninindigan para sa wasto at makatarungan – kabilang na ang mga tapat na mamamahayag. At sa kabila naman ay ang naghaharing-uri at ang kanilang armadong mga ahente. Hindi ito matatakasang reyalidad. At isa lamang ang maaaring gawin ng lahat ng nagnanais ng tunay na katarungan at kapayapaan. Ibuhos ang lahat sa paglaban at gapiin ang lahat ng pwersang mapanupil at mapagsamantala.

Hamon ito para sa iba pang mga mamamahayag na ibayong maging mapangahas at patuloy na maging matapang sa harap ng mga hamon ng panahon. Ang sistematikong pang-aatake sa mga mismong tagapagtanggol ng katotohanan ay patunay ng kahungkagan ng demokrasya sa bansa. Anong klaseng kalayaan ang pilit na pinatitikom ang bibig ng sambayanan?

Marapat lamang na walang sawang itaguyod ang katotohanan – laluna sa gitna ng pamamayagpag ng kasinungalingan. Patuloy na maging bibig at mata ng sambayanan sa kabila ng buhay at kamatayang mga banta sa kanila. Ang pangingimi at pananahimik ay katumbas ng tagumpay ng pang-aapi at pagsasamantala. Ang hindi pagpanig ay pagpiling panaigin ang kawalang katarungan at ang pagkakait sa mga karapatan ng taumbayan. Ang tunay na katarungan ay matatagpuan lamang sa landas ng makauring pagkakaisa at paglaban.

Katarungan para kay Percy Manabas at lahat ng mamamahayag na biktima ng pampulitikang pamamaslang! Manindigan para sa katotohanan, ipaglaban ang kalayaan!