Pahayag

Kawalan ng sariling lupa, hindi masamang panahon, ang ugat ng pagbagsak ng produksyon ng palay sa EV

,

Mali na buong isinisisi ng Department of Agriculture (DA)-Region 8 sa magkakasunod na bagyo ang pagbagsak ng produksyon ng palay sa rehiyon noong huling kwarto ng 2025. Sa halip, pangunahing bunsod ito ng kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka, na nagiging dahilan para samantalahin sila ng mga panginoong maylupa, malalaking negosyante at mga burukrata.

Inamin mismo ng DA-Region 8 na bumagsak ang produksyon ng palay sa prubinsya ng Leyte, pangunahing prodyuser sa rehiyon, mula 4.7 metriko tonelada (MT) patungong 4.06 MT. Ang totoo, halos dalawang dekada nang bumabagsak ang produksyon ng palay sa rehiyon, bago pa manalasa ang matitinding bagyo sa nakaraang taon. Noong 2008 pa huling naitala ang mahigit isang milyong MT na produksyon ng palay, pinakamataas mula 1986. Ngunit noong 2024, nasa mahigit 827,000 MT lang ang naprodyus na palay, 20% na mas mababa kaysa noong 2008. Ang 8.2 MT bigas na nalikha noong 2024 ay napakakulang kung ikukumpara sa 12 MT bigas na kailangan ng 1.5 milyong kabahayan sa rehiyon (sa konserbatibong pagtaya na 1.5 kilong konsumo bawat araw ng isang pamilya).

Bagama’t hindi maikakaila ang epekto ng climate change sa agrikultura, ang pagbagsak ng produksyon ng palay ay mas mapapaliwanag ng kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka. Sa Eastern Visayas, siyam sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa. Karamihan ng lupa ay pagmamay-ari ng mga panginoong maylupa at korporasyon na itinutuon ang 67% ng agrikultural na lupa sa rehiyon sa produksyon ng cash crop tulad ng niyog at abaka, imbis na sa palay at iba pang pagkaing pangkonsumo.

Malinaw na nakatuon sa eksport at hindi sa lokal na konsumo ang sektor ng agrikultura. Katunayan, lalo pang kumikitid at kumokonti ang mga sakahan para sa pagkain kung saan noong 1991-2012, bumaba nang 3.4% ang bilang ng mga sakahan at kumitid din nang 44%. Nasa 23.6% lamang ng kabuuang lawak ng sakahan o 107,184 ektarya ang nakalaan sa pagtatanim ng palay.

Ang pagkitid ng mga lupain para sa produksyon ng pagkain ay pinatitindi ng atrasadong sistema ng pananim. Halos kalahati ng lahat ng taniman ng palay sa Eastern Visayas ay nakaasa lang sa tubig-ulan. Sa loob ng isang dekada (2014-2024), lumawak lang nang 1,023 ektarya ang mga lupang nagtatamasa ng serbisyong patubig tulad ng irigasyon. Monopolisado ng iilang panginoong maylupa at komersyante ang iilang traktor, harvester tresher, at gilingan, upang mapaupa ito sa mapang-usurang interes.

Ang mga magsasakang kulang o walang lupa ay naoobligang maging kasamá (saop) para sa panginoong maylupa, at nagbabayad ng upa sa lupa sa lubhang mapagsamantalang kaayusan. Sa Leyte, laganap ang sistemang abang o fixed rent kung saan otomatikong kinukuha ng panginoong maylupa ang 25% hanggang 48% ng netong ani, kahit na hindi man lang siya nagpawis o umambag nang kahit pisong gastos sa produksyon. Kahit na salantain ng sakuna o magkasakit ang magsasaka, inoobliga pa rin ng panginoong maylupa na magbayad ng upa. Kung hindi man, magiging utang ito na kailangan niyang bayaran sa susunod na tag-ani. Wala namang maasahang ayuda o kumpensasyon ang magsasaka mula sa gubyerno, na hanggang libreng binhi lang ang kayang ibigay.

Kahit na ganap na maipatupad ng DAR-Region 8 ang mungkahi nitong mga pasilidad para sa cold storage at pagpapatuyo, “smart irrigation,” at “greenhouses,” hindi nito mababaliktad ang konsentrasyon ng lupa sa iilan at ang kaakibat na atrasadong patakarang pang-ekonomiya ng rehimeng Marcos sa agrikultura. Ipinapatupad ng rehimen at ng DA ang huwad na reporma sa lupa, habang itinutuon ang sektor sa pag-eksport ng murang cash crops imbis na sa pagtitiyak ng seguridad sa pagkain. Habang iniiwan sa ere ang mga magsasaka ng palay, bumabaling ang DA sa importasyon ng bigas para tugunan ang kawalang suplay ng bigas at humuthot ng kikbak mula sa mga importer. Ang mga sakuna tulad ng pagbagyo at pagbaha ay nagpapatindi lang sa kahirapang dinaranas ng mga magsasaka at ng malawak na mamamayan.

Malinaw na sa pamamagitan lamang ng pagbuwag sa monopolyo sa lupa, at libreng pamamahagi sa mga magsasaka at pagsasabansa nito makakamit ng Pilipinas ang isang tunay na seguridad sa pagkain. Ito ang layunin ng agraryong rebolusyon na susing komponahe ng demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng Partido, Bagong Hukbong Bayan, at ng pambansang nagkakaisang prente.

Kawalan ng sariling lupa, hindi masamang panahon, ang ugat ng pagbagsak ng produksyon ng palay sa EV