Kinakatawan ng mga kandidato ni Marcos sa pagkasenador ang pinakamasahol na aspeto ng naghaharing sistema
Ang mga kandidato sa pagkasenador na inendorso ni Marcos—ang tinagurian niyang Alyansa ng Bagong Pilipinas—ay isang alyansa ng malalaking burukratang kapitalista at mga opportunista sa pulitika, na kumakatawan sa luma at bulok na naghaharing sistema. Kinakatawan ng mga napiling kandidato ni Marcos ang mga dinastiyang pampulitika at ang pinakamasasahol na aspeto ng reaksyunaryong estado.
Ang “alyansa” ni Marcos, tulad ng kanyang “uni-team,” ay nagkakaisa lamang sa magkakapareho nilang pansariling interes na makibahagi sa yamang kinamkam sa katiwalian at pribilehiyo. Ang mga pulitikong ito ay kumakatawan sa makitid na interes ng kanilang mga pamilya at padrinong malalaking negosyo. Ang kanilang alyansa ay walang prinsipyo at pansamantala. Sa ngayon, yumuyuko sila kay Marcos, na lalong nagpapalakas sa kanyang pagsisikap na monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika sa pamamagitan ng pagkontrol sa lahat ng sangay ng gubyerno.
Ang “alyansa” ni Marcos ay hiwalay sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang mga aping uri at sektor. Sila ay kilalang mga tagapagtaguyod ng mga patakarang neoliberal na nagpapanatiling mababa ang sahod, nagtataas ng presyo, at kumakamkam sa lupa at kabuhayan ng mamamayan.
Kumakatawan sila sa interes ng mga dayuhang malalaking kapitalista, lokal na malalaking komprador at malalaking panginoong maylupa, na sumusuhay sa pagsisikap nilang magkamal ng yaman at tubo sa kapinsalaan ng taumbayan, ng kasarinlan sa ekonomya, at kapaligiran.
Sa paghanay nila kay Marcos, humahanay rin sila sa patakaran ng rehimen na pagiging sunud-sunuran sa imperyalismong US at sa estratehikong plano nito na gamitin ang Pilipinas bilang isang baseng militar, sa pakay na palawakin ang kanyang hegemonya at imperyalistang presensya sa rehiyon ng Asia-Pacific.