Krisis sa bigas at mga pang-agrikulturang produkto, lulutasin ng Demokratikong Rebolusyong Bayan

,

Kasinungalingan ang ₱20 bawat kilong presyo ng bigas na ipinangampanya ng sabwatang pangkatin ng Marcos Jr-Duterte. Buong sambayanan ay umaalma ngayon sa pagsirit ng presyo ng bigas at batayang pangangailangan. Ang maka-imperyalistang mga programa sa agrikultura at bangkaroteng patakarang pang-ekonomiya ng rehimeng ito ang dahilan kung kaya bigo na naman ang sambayanan na matugunan ang mga saligang problema sa produksyon at seguridad sa pagkain. Malinaw na salamangka lamang ng ilihetimong presidente ang ₱20 presyo ng bigas upang sakyan ang popular na kahilingan ng sambayanang Pilipino sa kabila ng alam nilang imposibleng mangyari ito.

Silipin natin ang kalagayan sa antas ng produksyon ayon sa pag-aaral sa pag-aaral sa Mindoro. Umaabot na sa abereyds na P23 bawat kilo ang gastos ng magsasaka para malikha ang palay. At kung isasama pa ang gastos sa pagsasabigas tulad ng pagtuyo ng palay, pagpagiling at transportasyon, dagdag na P3.8 bawat kilo ito sa presyo bawat upang malikha ang produktong bigas. Sa industry average na 65% na kumbersyon ng palay tungong bigas, aabot ng ₱41.23 bawat kilo ang sambot—gastos o break even price ng bigas (ito ang presyong bawi ang gastos, wala pang ipinatong na kita ang mga komersyante). Kaya sa pagsirit ng presyo ng bigas sa pamilihan na ₱55-₱65 bawat kilo makatarungan lamang na hilingin ng magsasaka sa palayan na itaas ang presyo ng palay sa farmgate tungong ₱25-₱26 bawat kilo nang hindi lilikha ng dagdag presyo sa bigas. Labis nang pandarambong at pagsakal sa magsasaka ang kalakaran sa presyo ng palay sa anihan na ₱10-₱14 bawat kilo habang ibibenta ang bigas sa umiiral na presyo ngayon. Nakapanghihimagsik na ang kalagayang ito!

Kung pinagbibigyan ng sistemang ito ng luwag upang kumita ang mga komersyante, hindi ba dapat unang tinitiyak na kumikita ang magsasaka upang mabuhay mula sa sariling hanapbuhay, maibalik ang gastos niya at kumain ng sapat upang may lakas siyang ibibigay sa pagbalik sa bukid sa araw-araw? Huwag nang pag-usapan pa ang nakabubuhay na kita para masuportahan niya ang kanyang pamilya—pagkain, pabahay, damit, at batayang serbisyo sa edukasyon at kalusugan.

Samantala, super tubo ang hinuhuthot ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador dahil sa monopolyo ng mga ito sa lupa, kagamitan, pasilidad, makinarya at kapital sa pagsasaka. Nasa kontrol ng mga ito ang pamilihan at pagpresyo ng mga produkong bukid, ganun din ng mga abono’t pestisidyo at iba pang farm inputs, ganondin ng mga batayang produktong kailangan sa araw-araw. Pamatay dagok pa sa magsasaka ang mga patakarang ipinapataw ng reaksyunaryong gobyerno. Hindi na maikakaila ang delubyong epekto ng neoliberal na patakaran sa agrikultura tulad ng Rice Tariffication Law (RTL) hindi lang sa farmgate price ng palay, kundi kahit sa presyo ng bigas sa pamilihan.

Mataas ang kapasidad sa produksyon ng agrikultura ng bansa pero ang gobyerno mismo ang bumansot at pinabayaang atrasado ang produksyon ng mga magsasaka, inaagawan ng kanilang mga lupain, nilulugi sa pamilihan, pinagsasamantalahan ang paggawa at dinadahas kapag iginiit ng kanilang karapatan. Hindi nakapagtatakang kumukulo ang sitwasyon sa kanayunan dahil sa hindi na mabatang kahirapan, pandarambong at kawalang katarungang panlipunan.

Pangita ito sa kalagayan ng mga magsasaka sa kapatagan at kabundukan ng Mindoro, na binubuo ng 90% populasyon ng mga pesante. Katunayan, palay ang pangunahing pinagkukuhaan ng kabuhayan ng mamamayang Mindoreño, lalo na sa probinsya ng Occidental Mindoro. Lubhang sinalanta ng RTL ang produksyon ng palay sa isla. Malaking salik sa mababang produksyon ng palay ang kalunos-lunos at atrasadong kalagayan sa pagsasaka, na dinaganan pa ng napakamahal na gastos sa produksyon. Kaya lalong nailalagay sa bulnerabilidad ang kanyang kabuhayan kapag sinira pa ng natural na sakuna ang kanyang kabuhayan.

Sa haba ng panahong nag-asam ng pag-unlad ang magsasaka, paulit -ulit na madidismaya siya sa bangkarote at anti-magsasakang programa at patakaran ng reaksyunaryong uri na nasa tuktok ang pangkating Marcos-Duterte. Kailangan ang ga-higanteng pagbabago at overhaul ang dapat gawin sa kasalukuyang sistema upang mabuhay ang magsasaka. Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) lamang ang makapagbibigay ng makabuluhang solusyon sa kumunoy na kinalalagyan natin ngayon.

Dapat ipamalas na ng magsasaka ang kanilang dambuhalang lakas at ilagay na sa kanyang kamay ang kapalaran ng kanyang uri at ng kanyang pamilya. Nasa kamay ng magsasakang Mindoreño ang pagbabagong inaasam at makahulagpos mula sa nakamamatay na sistemang pinananatili ng naghaharing-uring kinakatawan ni Marcos at mga kasapakat nito sa reaksyunaryong estado. Napapanahong lumahok ang mayorya ng mamamayan sa demokratikong rebolusyong bayan, at isulong ang rebolusyong agraryo (RA) upang kamtin ang solusyon sa kinakaharap niyang sitwasyon tungo sa kaayusan na nais niyang makamit.

Lalung lumilitaw ang pangangailangang palakasin ang kilusang magsasaka sa pamamagitan ng walang humpay na pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng uri at ng malawak na hanay ng mamamayan. Dapat na mapagpasyang suungin ng mamamayan ang lahat ng arena ng paglaban na kaya nitong lahukan: mula sa hayag na pakikibaka, ligal man o lihim at iligal, di armado o armado. Dapat palakasin at padaluyungin ang rebolusyonaryong kilusang masa ng magsasaka na pangunahing ipinaglalaban ang minimum at maksimum na nilalaman ng RA. Kasabay at karugtong nito ang pagpapatibay ng kapangyarihan ng mamamayan sa pagtatayo ng bagong kaayusan sa ilalim ng Demokratikong Gobyernong Bayan. Dapat na isanib ng masang magsasaka ang kanilang dami at lakas sa uring manggagawa at mula rito ay buuin ang batayang alyansa ng anakpawis. Kakabit bisig dito ang iba pang uring demokratiko para sa komprehensibong programang tutugon sa kanilang interes. Para sa katiyakan ng tagumpay, susi na iambag ng masang magsasaka ang pinakamabubuti nitong anak sa Bagong Hukbong Bayan at pag-ibayuhin ang malawak at malalim na suporta para sa armadong pakikibakang isinusulong nito. Sa ganito lamang madudurog ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan at maipagtatanggol hanggang maging matatag ang tagumpay ng rebolusyong agraryo.##

Krisis sa bigas at mga pang-agrikulturang produkto, lulutasin ng Demokratikong Rebolusyong Bayan