Kundenahin ang aerial bombing ng TOG2-PAF sa Peñablanca, Cagayan!

,

Binulabog ng malalakas na pagsabog at ingay ng fighter jets ang mga residente ng Peñablanca, Tuguegarao City, Baggao at mga kalapit na bayan matapos magpakawala ng tinatayang tatlong bomba (batay sa mga nakasaksi at panimulang ulat) ang mga eroplano ng Tactical Operations Group (TOG)2-Philippine Air Force simula alas-2 hanggang alas-3 ng madaling araw noong Mayo 10. Binagsakan ang Lagum area na sumasaklaw sa mga barangay ng Manga, Buyun, Nabbababalayan, Lapi at Minanga.

Ayon sa mga residente, ginising sila ng kakaibang tunog dahil sobrang baba ng lipad ng mga eroplano, at pagliyab ng apoy kasabay ng pagbagsak ng mga bomba na akala nila’y malakas na kulog. Sa sobrang lakas ng aerial bombing ay nayanig ang lupa at narinig pa ito sa bayan ng Baggao.

Maging ang lokal na gobyerno ng Peñablanca ay nagulat at ipina-verify sa kapulisan kung may mga nasaktan at kung bahagi ng Balikatan Exercise ang naturang airstrike, hanggang sa nakumpirmang 5th ID at TOG2-PAF ang nasa likod nito.

Matinding takot at trauma ang iniinda ngayon ng mga residente, lalo na ng mga bata at matatanda. Reklamo pa nila, hindi man lang nag-abiso ang militar sa gagawing pambobomba sa himpapawid sa tabing ng “kontra-insurhensiyang operasyon.” Ginatungan nito ang dati nang pangamba at isterya ng mamamayang Cagayano lalo sa pagsiklab ng gyera sa pagitan ng US at China. Pag-aakala pa nga ilan ay “sinasakop na ng dayuhan ang Pilipinas.”

Kinukundena ng NDF-Cagayan at ng buong mamamayan ng Cagayan ang ginawang pambobomba ng AFP sa kasagsagan ng pananalasa ng El Niño na iniinda ng mga magsasaka. Maralitang magsasaka at walang-sariling lupa ang kalakhan sa mga magsasaka ng Peñablanca kung kayat doble dagok ang aerial bombing lalo na’t limos lang natatanggap nilang ayuda mula sa reaksyunaryong gobyerno. Isa lamang ito sa mga kaso ng pambobomba ng 5th ID sa kalagitnaan ng pananalanta ng El Niño. Matatandaang walang-patumangga rin nitong binomba ang mga komunidad at sakahan ng Ilocos Sur at Abra noong mga nakaraang buwan.

Kundenahin ang aerial bombing ng TOG2-PAF sa Peñablanca, Cagayan!