Statement

Kundenahin ang gyerang agresyon ng US laban sa mamamayan ng Venezuela! Isulong ang digmang bayan laban sa Imperyalismong US!

,

Mariing kinokondena ng Partido Komunista ng Pilipinas-Batangas ang pambobomba ng imperyalistang gobyerno ng Estados Unidos sa Caracas, kabisera ng Venezuela, at sa Miranda, La Guaira, at Aragua at ang pagdukot nito kay Presidente Maduro at kaniyang asawang si Cilia Flores.

Matagal nang idineklara ng pasistang Donald Trump ang kaniyang intensyon na lusubin ang Venezuela at hindi nito itinago ang dahilan ng presensya ng armada ng US sa baybayin ng Venezuela. Ang kabalintunaan na giyera kontra droga ang kaniyang isinasagawa at isang drug kingpin diumano si Maduro ay matagal nang napatunayang isang kasinungalingan mismo ng kaniyang intelligence agencies. Inilantad lamang ni Trump na hindi siya iba sa kaniyang mga sinundang sina Biden, Obama, Bush, at Clinton, n bawat isa’y may dugo sa kanilang mga kamay dahil sa kanilang papel sa pinakamaraming coup, planong asasinasyon, pagpapalit-rehimen, at paglusob na isinagawa o sinuportahan ng isang estado sa pagpalit ng ika-21 na siglo.

Ang modus operandi ni Trump ay hangong-hango sa estilo ng Estados Unidos ng destabilisasyon at interbensyon sa mga bansang may pakay ito. Simula 1945, ang gobyerno ng Estados Unidos ay lagi’t laging nasa gitna ng halos lahat ng mayor na sigalot o giyera at nagkamal ng pinakamaraming armas nukleyar sa buong daigdig.

Malinaw ang dahilan. Dumaranas na naman ng napakatinding pang-ekonomyang krisis ang Estados Unidos at ang mga alyado nitong monopolyo kapitalistang bayan. Pruweba nito ang panawagan ni Trump na ibalik ang industriyalisasyon sa Amerika matapos ang deka-dekadang pagsasamantala ng murang lakas paggawa sa Tsina at iba pang bayan. Wala nang naniniwala na ang atakeng ito sa masang Venezuelan ay hindi para agawin ang mga estratehikong rekurso nito, laluna ang langis. Huling-huli na naman ang pagtangka ng imperyalismo na ibsan ang krisis na sarili nitong gawa gamit ang rekurso ng ibang bayan.

Marapat ding tingnan ang paglusob ng imperyalistang gobyerno ng Estados Unidos sa kasalukuyang internasyunal na sitwasyon kung saan unti-unting naaagaw ang posisyon nito bilang pulitikal at pang-ekonomyang hegemonya sa daigdig. Ang pagkabigo nito sa Ukraine, ang patuloy na pakikibaka ng mamamayang Palestino, maging ang pagtangging malinlang ng Tsina sa agresyon nito at ang paparami ng kasapi ng BRICS (Brazil, Russia, India, China, South Africa) na umabot na sa sampung miyembro na kamakaila’y pinasukan ng Indonesia ay tiyak na yayanig sa numero unong imperyalista.

Wala nang ibang landas pa ang mamamayang Pilipino kundi pumanig sa mamamayan ng Venezuela at kundenahin ang pananalakay ng US sa Caracas at pagdakip kay Maduro. Ang tumitinding sigalot sa buong mundo, na inuudyok ng imperyalismong US, ay siguradong darating din sa ating bansa. Kailangang kundinahin ng masang Pilipino ang papet na rehimeng Marcos Jr. sa tuloy-tuloy na pagtatayo ng EDCA sites, tuloy-tuloy na Balikatan Exercises at iba pang joint military trainings at weapons tests na nagreresulta sa pagtigil ng mga lokal sa kanilang kabuhayan o di kaya’y lumisan mula sa kanilang mga komunidad at nagsisilbi lamang na gawing target ang ating bansa para sa mga katunggali ng Estados Unidos sa Pasipiko.

Huwag natin hayaang maulit ang 1941.

Mamamayang Venezuelan, makibaka laban sa imperyalistang pandarambong!
Isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka sa Pilipinas!

Kundenahin ang gyerang agresyon ng US laban sa mamamayan ng Venezuela! Isulong ang digmang bayan laban sa Imperyalismong US!