Kundenahin ang mga ganid-sa-tubo na mga kumpanya sa langis sa hindi makaratungang dagdag-presyo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga hayok-sa-tubong mga kumpanya sa langis sa walang-awat na pagpapataw ng dagdag na presyo sa mga produktong petrolyo sa nagdaang anim na linggo, na nagresulta sa higit na mas matarik na pagsirit sa halaga ng pamumuhay ng mamamayan at mabilis na pagbulusok sa kanilang katayuan sa pamumuhay.

Sa nagdaang dalawang taon, ang malalaking kumpanya sa langis ay tumatabo ng malaswang antas ng kita sa pamamagitan ng manipulasyon sa suplay at presyo sa merkado sa kapinsalaan ng masang anakpawis sa buong daigdig. Noong 2022, ang walo sa pinakamalalaking kumpanya sa langis ay tumabo ng $382 bilyong netong kita, higit isa at kalahating beses na mas malaki kumpara sa 2021. Ang halagang ito ay kumakatawan sa halos apat na beses na taunang pambansang badyet ng Pilipinas.

Tumatabo rin ng kita ang lokal na mga subsidyaryo at nakapagpapalawak pa sa kanilang mga negosyo, kung saan nangunguna ang Petron na may ₱6.1 bilyong kita sa unang hati ng taong ito.

Ang lahat ng numerong ito ay nagpapakita ng hindi matigib na pagkaganid ng mga monopolyong kapitalistang ito na nakakukuha ng dambuhalang kita na ginagasta lamang nila sa sobra-sobra at maluhong pamumuhay, habang sadlak sa gutom ang daan-daang milyong mamamayan sa buong daigdig. Sa Pilipinas, 80% ng lahat ng pamilya ay nabubuhay nang mas mababa o halos dikit na sa itinakdang hangganan ng kahirapan.

Ang kamakailang pagtataas ng presyo ng langis ay dagdag pa sa matinding pagtataas ng presyo ng bigas at iba pang mga pagkain, bayarin sa transportasyon, edukasyon, serbisyong kalusugan at iba pang mga pangngailangan. Resulta ito ng tumitinding pagsalalay sa pag-aangkat at dayuhang pautang, habang ang lokal na ekonomya ay patuloy na bumubulusok sa harap ng pagkawasak ng lokal na produktibong mga pwersa.

Sumusulak ang galit ang mamamayang Pilipino sa upisyal na patakaran ng rehimeng Marcos ng pagsasaisantabi at pagtetengang-kawali sa hinaing ng mamamayan sa harap ng kanilang lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko. Habang ang bagong Imelda sa Malacañang ay abalang-abala sa marangyang mga fashion show para sa naghaharing uri, nagdurusa ang mga Pilipino sa nagtataasang mga presyo, mababang sahod, kawalang lupa, kawalang kita, pang-aagaw at dislokasyon sa kabuhayan.

Sa harap ng tumataas na mga presyo at lumulubhang kalidad ng kanilang mga buhay, makatarungang makatarungan ang paglulunsad ng militanteng pakikibaka ng malawak na masa ng mamamayan para igiit sa mga kumpanya sa langis na makabuluhang i-rolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo at para itulak ang gubyerno na tanggalin ang mga buwis sa produktong langis.

Habang ang mga drayber at opereytor ng pampublikong yutilidad ay humihiling ng dagdag-pasahe para bigyang alwan ang epekto ng pagtataas ng presyo ng langis, natutulak din ang mga manggagawa at nagpapagal na mamamayan na paigtingin ang kanilang panawagan para sa mas mataas na sahod at sweldo. Dapat paigtingin ng lahat ng iba pang sektor ng uring manggagawa ang kanilang panawagan para ibaba ang presyo ng pagkain at iba pang mga pangangailangan, gayundin ang iba pang kagyat na kahingian para ipagtanggol at isulong ang kanilang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya.

Kundenahin ang mga ganid-sa-tubo na mga kumpanya sa langis sa hindi makaratungang dagdag-presyo