Laban ng mga manggagawang pangkalusugan, laban ng buong mamamayan!

Laban ng mga manggagawang pangkalusugan, laban ng buong mamamayan!
Patalsikin na ang pabaya, traydor, pahirap, mandarambong at mamamatay-taong bayrus na rehimeng US-Duterte!

Nakikiisa at taas kamaong sumusuporta ang Revolutionary Council of Trade Union (RCTU-NDF-ST) sa mga manggagawang pangkalusugan sa mga pribado at pampublikong pagamutan sa punong lunsod at iba pang panig ng bansa sa kanilang isinasagawang serye ng mga pagkilos. Wasto lamang, lehitimo at makatarungan ang kanilang isinasagawang pagkilos para ipanawagan ang kagyat na pagbibigay ng kanilang karampatang benepisyo, proteksyon, kahingian para sa wastong solusyon at hakbangin upang labanan at sugpuin ang pananalasa ng nakamamatay na Covid-19. Matatandaang hanggang ngayon ay hindi pa ibinibigay ng Department of Health(DOH) ang Special Risk Allowance(SRA) sa mayorya ng mga manggagawang pangkalusugan sa pribado at pampublikong pagamutan na dapat sana ay malaon nang naibigay sa kanila at pinakikinabangan ng kanilang pamilya.

Ang paglabas sa lansangan ng mga manggagawang pangkalusugan sa panahong nahaharap sa gera laban sa pandemya para ipanawagan ang kanilang mga kahilingan ay simbolo ng walang kaparis na kapabayaan ng gobyernong dapat na nagtitiyak at kumakalinga sa kanilang kapakanan at kagalingan.

Matagal nang pinabayaan ng rehimeng US-Duterte ang sektor ng kalusugan sa bansa na pangunahing nangangalaga at nangangasiwa sa kalusugan ng mamamayan. Paliit nang paliit ang pondong inilalaan sa Department of Health(DOH) dahil wala sa kanyang prayoridad ang mga programang may kaugnayan sa kalusugan ng mamamayan. Malaking tipak ng pondo taon-taon ay napupunta sa kanyang gatasan ng pondo at pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa ngalan ng Build Build Build. Kumain din ng malaking bahagi ng pondo ang mga proyekto ng civil-military defense at mga operasyong may kinalaman sa intelihensya at pwersang panseguridad ng bansa na pinangangasiwaan ng mga militar at kapulisan, na siyang nagiging gatasan para busugin ang kanyang mga alipores na aktibo at retiradong heneral.

Nalantad sa buong bayan ang kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Duterte nang manalasa ang pandemyang Covid-19 sa bansa noong Enero 2020. Hindi handa at walang kongkretong hakbanging naisagawa ang gobyernong Duterte para hadlangan ang pagkalat at sugpuin ang pandemya, bagkus nalantad ang kawalang kapasidad nito na harapin at bigyang solusyon ang pandemyang Covid-19. Sa halip na ilunsad ang isang komprehensibo at siyentipikong solusyong medikal, militaristang lockdown ang patuloy na isinagawa ng gobyerno na lalong naglugmok sa dati nang hikahos na kalagayan ng sambayanang Pilipino.

Kasuklam-suklam ang kawalang pagpapahalaga at patuloy na pagkakait ng gobyernong Duterte ng benepisyo sa mga manggagawang pangkalusugan na nangangalaga sa kalusugan na silang nagliligtas ng buhay. Sapul ay nakaranas sila ng diskriminasyon at kapabayaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mababang pasahod, kawalan ng benepisyo at ng mga kinakailangang proteksyon habang sa kabilang banda ay ibinuhos at binusog ng benepisyo ang kasundaluhan at kapulisan. Dahil kulang ang suporta at pangangalaga ng gobyerno sa mga manggagawang pangkalusugan sa kanilang araw-araw na pagsabak sa gera kontra Covid-19, marami na sa kanila ang nahawahan ng bayrus, nagpositibo at namatay sa sakit. Maging ang kanilang mga pamilya ay apektado dahil sa kawalan ng mga kinakailangang proteksyon at pangangalaga.

Matagal nang hinihingi ng mga manggagawang pangkalusugan na ibigay ang mga benepisyong inilaan sa kanila. Matagal na rin nilang isinisigaw ang paghingi ng karagdagang sweldo at benepisyo pero nagtetengang-kawali lamang ang pasistang si Duterte. Sa pagpapatupad ng batas na Bayanihan 1-2-3, malinaw na nakasaad ang nakalaang pondo para sa mga benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan gaya ng pagbibigay ng Special Risk Allowance (SRA), karagdagang mga PPE’s, transportation/food/accomodation allowance, hazzard pay, ayuda sa mga magpopositibo at mamamatay na mga medikal frontliners. Ngunit ang lahat ng ito’y hindi pa natatanggap ng mayorya ng mga manggagawang pangkalusugan.

Sa kabilang banda, lalong nakapagngangalit sa galit ang inilabas na ulat ng Comission on Audit (COA) hinggil sa mga kwestyonable at maanomalyang paggamit ng pondo laban sa Covid-19.

Malawakang pandarambong at pangungurakot ng pangkating Duterte ang pangunahing dahilan kaya hindi lumalapat sa kamay ng mga manggagawang pangkalusugan at mga apektadong mamamayan ang pondong nakalaan para sa kanila. Mas lalong nalantad ang kawalanghiyaan at sobra-sobrang kasibaan ng sindikato ni Duterte, nang ilabas ang audited report ng COA kung paano nawawala at kinukurakot ng pangkating Duterte sa pamamagitan ni Sec. Duque ang pondo ng DOH, gayundin ang mga alipores ni Duterte na iniluklok niya sa ibat-ibang ahensya’t departamento ng gobyerno na nagtamasa ng pakinabang sa pondo para labanan ang pandemyang Covid-19.

Sa inilantad na datos ng COA, hindi mapapasubalian ang sobrang kasibaan sa pondong publiko ng gubyernong Duterte. Katakaut-takot na katiwalian ang kinasasangkutan ng mga dating heneral na nakapwesto sa mga departamento ng gobyerno gaya nina Ret. Gen. Bautista ng DSWD, Ret. Gen. Cimatu ng DENR, Ret. Gen. Esperon / Lorenzana ng NTF-ELCAC / DND, Ret.Gen. Año ng DILG, Ret. Gen. Galvez ng NTF against Covid-19, Ret.Gen. Lapeña ng TESDA, dating NBI head Gierran ng PHILHEALTH, Ret. Col. Honasan ng DICT, at iba pang kalihim ng mga departamento gaya ni Sec. Mark Villar ng DPWH, Sec. Briones ng DepED, at Sec. Tugade ng DOST. Nalantad ang mga kahina-hinalang pagkawala at paglustay ng pondong publiko sa kanilang mga pinangangasiwaang departamento. Sangkot din sa maanomalyang pagbili ng over-priced face masks at face shields na nagkakahalaga ng 42 Bilyong piso ang paborito at pangunahing tuta ni Duterte sa Senado na si Sen. Bong Go. Ang dating under secretary sa Office of the Special Assistance to the President na si Lloyd Christopher Lao at siya ding dating head ng DBM-PS ang nasa gitna ng nabanggit na maanomalyang transaksyon.

Kailangang singilin ng buong sambayanang Pilipino, hindi lamang ng mga manggagawang pangkalusugan ang kriminal na kapabayaan at pandarambong ng pangkating Duterte sa pondong publiko na nakalaan para sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Malinaw na pinaglaruan ng sindikatong pangkating Duterte ang sambayanan para sikwatin ang pondo at tuluyang ipagkait ito sa mamamayan para sa kapakinabangan ng kanyang mga kabig. Apektado ang lahat sa ginawang kapalpakan, kapabayaan at pangungurakot ng sindikatong pangkating Duterte-Bong Go sa gitna pa mandin ng pananalasa ng pandemya. Hinayaan ng gobyernong Duterte na hindi ipatupad ng mga kapitalista ang mga Covid-19 protocol na magbibigay sana ng proteksyon sa mga manggagawa sa kanilang araw-araw na pagpasok sa mga pagawaan na naging dahilan para sa pagkakasakit at pagkamatay ng marami dahil sa pagkakahawa ng libo-libong manggagawa sa bayrus na Covid-19.

Ang sobra-sobrang kawalanghiyaan, pandarambong at kriminal na kapabayaang ito ng rehimeng US-Duterte ay nagdulot ng pagkakasakit ng 2,020,484 Pilipino ng Covid-19, at pagkamatay ng 33,680. Samantala, ang militaristang pagharap ng rehimen sa pandemya habang walang makabuluhang ayuda ay nagdulot ng ibayong kahirapan sa milyon-milyong mamamayan.

Panahon na para sa mas mahigpit na pagkakaisa hindi lamang ng mga manggagawang pangkalusugan kundi maging ng buong hanay ng mga manggagawa upang pangunahan ang malawak na pakikibaka ng mamamayan laban sa isang pabaya, mandarambong, pahirap, papet, traydor, taksil at pasista-diktador na rehimeng US-Duterte! Makipagkaisa sa lahat ng mamamayan at sama-sama nating patalsikin at wakasan ang patuloy na pasistang paghahari-harian ni Duterte! Patalsikin at papanagutin ang mamamatay taong bayrus sa Malakanyang kasabay ng pagpuksa sa bayrus na Covid-19! ##

Laban ng mga manggagawang pangkalusugan, laban ng buong mamamayan!