Pahayag

Labanan ang mga bulok na dinastiya ng mga burukrata kapitalista sa probinsya! Isulong ang rebolusyon bilang tunay na solusyon sa kahirapan ng mamamayang Palaweño!

,

Sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon, nasasaksihan ng sambayanang Pilipino ang paligsahan para sa kapangyarihan ng mga nagriribalang paksyon ng mga naghaharing-uri. Mistulang mga bwitre ang mga burukrata kapitalista na nagpipista at nag-aagawan sa salapi at poder na mapipiga mula sa nagnanaknak na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Sukang-suka na ang mamamayang Palaweño sa pagpapabaha ng hungkag na mga pangako at pagbabalatkayo ng mga tradisyunal na pulitiko sa nakalipas na mahigit isang buwan na maingay na kampanyahan. Malinaw na tulad ng nakaraan, ang eleksyon ay isang pseudo-demokratikong pampulitikang proseso kung saan yaon lamang kabilang o kinatawan ng mapera at makapangyarihang angkan ng naghaharing uri ang maaaring magkaroon ng pagkakataon na mahalal. Gumagamit sila ng limpak-limpak na salapi, armadong goons at impluwensya upang lumaro sa lokal na pulitika at eleksyon. Ang paghahabol ng mga ito sa poder ay mahigpit na kaugnay ng interes pang-ekonomya ng kani-kanilang pamilya at ng kanilang pinaglilingkuran na naghaharing MBK at dayong kapangyarihan. Sa halalan, tumatambad sa publiko ang kanilang mga alitan at kampihan, ang mala-sirkong palabas ng kanilang paglalaban-laban na sa esensya’y balyahan lamang ng masisiba.

Dito sa Palawan, namamayagpag ang mga pampulitikang dinastiya ng mga Socrates, Alvarez, Bayron, Abueg, Ola at Mitra. Walang ibang mapagpipilian ang mga botanteng Palaweño kundi ang mga angkang ito na malaon at malalim nang nakatanim sa sistemang pulitikal ng probinsya. Sa pagkagubernador, pumupusisyong “sawa na” at hinahamon ang matagal monopolyo ng mga Alvarez sa pusisyon ang kasalukuyang Gobernador na si Dennis Socrates, iniwanan ang dating partido na Partido Pagbabago ng Palawan ni Jose Chaves Alvarez (JCA) at nagtayo ng kanyang sariling partido na Lakas ng Sambayanang Palaweño, para kalabanin ang anak ni JCA na si San Vicente Mayor Amy Alvarez. Partikular naman sa Puerto Princesa City, ang kapatid ni Socrates na si Nancy na kasalukuyang Vice Mayor ng Puerto Princesa ay tumatakbo ngayon sa pagka-mayor, laban sa kasalukuyang Mayor Lucilo Bayron. Kapartner ni Bayron sa pagtakbo ang kanyang mismong anak na si Judith Raine sa pagkabise.

Pilit mang pabanguhin sa kampanyahan, umaalingasaw ang baho ng rekord sa pulitika ng mga dinastiyang pampulitikang ito. Sa tagal na nilang nasa kapangyarihan, bigo silang tugunan ang pambansa demokratikong kahilingan ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan. Nananatiling mahirap ang mayorya ng mga Palaweño, at sumasahol ang pandarambong at pananalanta sa kapaligiran ng malalaking kumpanya ng mina at mga katulad na proyekto.

Estratehiko ang pwesto at maraming pinagnanasaang yaman sa Palawan kaya’t mainit ang tunggalian sa pulitika at napakarumi ng halalan dito. Talamak sa probinsya ang iba’t ibang pamamaraan ng pandaraya at manipulasyon ng mga makapangyarihang dinastiyang pampulitika para manalo. Mismong ang reaksyunaryong gubyerno at COMELEC ang nagtukoy na ang Palawan ang nangungunang probinsya na may naiuulat na iba’t ibang anyo ng pamimili ng boto. Lumilitaw na rin ang kabi-kabilang kaso ng disimpormasyon ng mga kandidato sa social media. Tiyak na kakasangkapanin ng mga burukrata kapitalista ang automated election system, at iba’t ibang anyo ng mga pandaraya gamit ang vote counting machines, paraan ng transmisyon ng mga boto at bilangan nito para manipulahin ang resulta, tulad ng nangyari sa reaksyunaryong eleksyon noong 2022.

Sagad-sa-buto ang pagkaganid ng mga angkan ng burukrata kapitalistang ito para protektahan ang sariling mga negosyo’t pang-ekonomyang interes, at dahil dito’y gagawin ang lahat para makakapit sa pwesto sa lokal na reaksyunaryong gubyerno. Dulot nito, nagkaroon ng mga bitak ang dating magkakakampi at magkakaalyansang mga pulitiko at tumatalon ng bakod sa kabilang partido. Gayunman, nagkakaisa ang mga ito sa pagpapahirap sa mamamayang Palaweño at mga pwersang patriyotiko at demokratiko. Habang nasa poder, winawasiwas ng mga ito ang pinakamalulubhang kampanya ng korapsyon, terorismo ng estado, at ibayong pangangayupapa sa imperyalismong US at iba pang naghaharing uri para sa ibayong pandarambong sa kalikasan at yaman ng probinsya sa kapinsalaan ng masang Palaweño. Sa harap nito, krusyal ang pagbubuo ng malapad na prente para ihiwalay ang mga pinakasagadsarin sa malawak na mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Mapipigilan at malalabanan lamang ang mga papet, pasista at korap na mga burukrata kapitalista sa pamamagitan ng epektibong pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa isang malawak na nagkakaisang prente para sa rebolusyon na tanging maghahatid ng tunay na panlipunang pagbabago. Ibayo pang palawakin at paramihin ang pambansa-demokratikong kilusan at mga pwersang patriyotiko’t demokratiko at isulong ang mga kampanya at pakikibakang anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal.

Kasabay nito, kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang karapatan at paghahangad ng mamamayang Palaweño na lumahok sa reaksyunaryong halalan upang magkamit ng mga ganansya at reporma. Oportunidad para sa kanila ang eleksyon upang harap-harapang hamunin ang mga pulitiko na suportahan ang isinusulong ng iba’t ibang grupo at sektor na moratoryum sa mina sa probinsya at ipatigil ang ginagawang pangangamkam ng lupain ng mga katutubong Molbog sa Balabac. Ganundin, patambulin ang mga panawagang bayan kaugnay ng pagbabalik ng lupaing saklaw ng Yulo King Ranch sa mga residente ng Coron at Busuanga, pagtutol sa kautusan ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa pagpapapasok ng mga komersyal na barkong pangisda sa saklaw ng municipal waters, at pagpapatigil sa mga ehersisyong militar ng US at iba pang mga pakana para udyukan sa gera ang China. Gawing sukatan sa pagiging tunay na lingkod-bayan ang pagsuporta sa mga pakikibakang bayan para sa lupa, sahod, trabaho, kalikasan, demokratikong mga karapatan at katarungang
panlipunan.

Ilang eleksyon na ang lumipas, pare-parehong mga pangako ang pinatutugtog, ngunit ang krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal ay patuloy pa ring lumulubha. Walang idinulot na makabuluhang pagbabago para sa mamamayang Palaweño ang reaksyunaryong eleksyon at tumitindi pa nga ang pagiging papet at pangangayupapa ng rehimeng US-Marcos II sa imperyalismong US. Habang hindi nalulutas ang batayang mga suliranin at ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, ang hilahod na kalagayang dulot ng pang-aapi at pagsasamantala ang magtutulak sa mamamayang Palaweño na lumahok sa lahat ng anyo ng demokratikong pakikibaka at magsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Anuman ang kalalabasan ng eleksyong midterm sa Mayo 12, dapat patuloy na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Dapat na palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at ilunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Palawan sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Dapat itayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, palakasin at paramihin ang mga sangay ng Partido kapwa sa mga syudad at kanayunan, palakasin ang lihim na mga organisasyong masa at ang National Democratic Front of the Philippines. Ipaglaban ng malawak na hanay ng kilusang pambansa-demokratiko at rebolusyonaryo sa probinsya ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, wastong pangangalaga sa kalikasan, pagtatanggol sa pambansang soberanya laban sa US at soberanong karapatan laban sa China, hustisya para sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao, at paghahatid ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, patubig, at ang isa sa pinakamainit na isyu ngayon sa probinsya–ang kuryente.

Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ang pagkakamit sa hangarin ng mga magsasaka na magkaroon ng lupa at ang pagpawi sa iba’t ibang anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Dahil dito, mayor na programa ng itinatayo nating demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at tunay na reporma sa lupa. Kabilang dito ang maksimum na layuning libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal na wala o kulang sa lupa, at ang minimum na layuning ibaba nang husto ang upa sa lupa at pawiin ang usura. Palagiang layunin din na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawang bukid sa mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista tulad ng malalawak na mga plantasyon ng oil palm at iba pang cash crops sa Palawan. Iginagalang ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng mga pambansang minorya at sinusuportahan ang mga pakikibaka nito para sa lupaing ninuno. Nasa programa rin ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang pagsuporta sa pakikibaka
para sa mas mahusay na kalagayang pang-ekonomya at panlipunan, rehabilitasyon at proteksyon ng kalikasan at pagtataguyod sa paglago ng sosyalistang ekonomya. Ang pagsusulong at pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan ang tanging gagarantiya sa pagwasak sa daan-taong kahirapan at suliranin ng sambayanan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema at maghahawan ng landas para sa makabuluhang pagbabagong panlipunan.

Rebolusyon, Tunay na Solusyon!

Labanan ang mga bulok na dinastiya ng mga burukrata kapitalista sa probinsya! Isulong ang rebolusyon bilang tunay na solusyon sa kahirapan ng mamamayang Palaweño!