Labanan sa Barangay Ibona ng Dinggalan, Sampal sa kasinungalingan ng 703rd IBde!
Hindi na mapagtatakpan ng naganap na labanan sa Barangay Ibona, Dinggalan, Aurora noong Agosto 21 ang katotohanan sa likod ng nilubid na kasinungalingan ng 703rd IBde na mahina na ang NPA sa Gitnang Luzon.
Nakakatawa ang tinuran na ito sa pahayag ni Brigadier General Eugenio Julio C. Osias IV, na wala nang lakas at suporta ang NPA. Mismong ang limang buwan nilang operasyon ang magpapatunay kung paanong ang mga laking batalyon na operasyon nila simula Marso hanggang Agosto ay binigo ng NPA dahil sa mainit na suporta ng mamamayan.
Nagsimula pa ng buwan ng Marso ang operasyon ng AFP sa Dinggalan, upang hanapin ang sinasabi nitong natitirang “sampu na lamang na NPA” sa rehiyon. Perwisyo ang inaabot ng mamamayan sa kada operasyong tinutustusan ng buwis mula sa kanilang bulsa. Wala na halos maibili ang mamamayan sa mahal ng gastusin habang murang binibili ang kanilang kalakal, winawaldas pa sa walang kapararakang operasyon ang pera ng mamamayan.
Galit na galit ang mamamayan na nagsusumbong sa NPA sa perwisyong inaabot nila sa tuwing may magaganap na operasyon ang AFP. Sa tabing ng kanilang National Action Plan for Unity and Development for Peace, kabaligtaran ang sinasapit ng mamamayan dito. Hindi sila mapanatag, matahimik at mapayapa sa tuwing may presensya ng AFP sa kanilang mga baryo dahil sa samu’t saring paglabag sa mga batayang karapatan ng mamamayan at Geneva Conventions. Ilan sa mga paglabag na ito ay ang sumusunod:
1) Pamumukpok ng baril sa isang masa noong buwan ng Marso;
2) Pagnanakaw ng mga balsa ng masa na gamit nila pangbyahe ng kanilang mga kalakal
3) Pagnanakaw ng mga kasangkapan sa produksyon at gamit sa bahay;
4) Paninira ng kanilang mga halaman at pagnanakaw ng kanilang produkto. Kaparis ng ginawa ng mga ito sa Ibona noong 2023, kung saan ninakaw ang mga tanim na pinya at alagang pato ng masa;
5) Pagbibinbin sa mga mag-uuway ng ilang oras, kaya’t hindi na nakapagtrabaho. Pagbinbin sa mga magkakahoy mula alas-dos ng hapon hanggang alas-otso ng gabi at pagsamsam pa sa dalang flashlight ng mga ito;
6) Pagpapauwi ng hubo’t hubad sa mangunguryente at maninilo ng isda na taga-Setic;
7) Paglalason sa ilog na ikinapahamak ng dalawang bata na nakainom ng tubig;
8) Paghimpil sa komunidad, na hindi nagsasaalang-alang sa kanilang kaligtasan. Perwisyo din ang ingay ng pagvi-videoke, paglalasing na humahantong sa pag-aaway ng mga ito;
9) Pagtigil sa eskwelahan na ikinatatakot ng mga bata, at hindi na makapagpokus sa pag-aaral;
10)Perwisyo sa hanapbuhay, hindi na makapunta sa lugar panghanapbuhay, sa takot na maimbestigahan at hanapan ng anumang dokumento;
11) Intimidasyon at red-tagging sa isang estudyante;
12) Pagganyak ng prostitusyon, lalo na tuwing mayroong Balikatan exercises na magaganap. Dinadala ng mga ito ang mga babae sa barko. Naidadaan na lamang ng mga kalalakihan sa biro ang kanilang himutok na “madaanan na ng bagyo, wag lamang ng operasyon ng sundalo”. Sapagkat sa bawat operasyon ng sundalo, nabubuntis ang mga babae sa baryo.
13) Pagkontrol sa Populasyon. Ipinatupad ang checkpoint sa Barangay ng Matawe at ng Ibona matapos ang labanan, at;
14) Food Blockade. Kinokontrol din ang pagdadala ng mga konsumo, sa hinalang dadalhin ito sa NPA.
Ilan lamang ito sa mahabang listahan ng paglabag ng 7th IDPA sa Dinggalan, na siyang idinudulog ng mamamayan sa yunit ng BHB-Aurora (Domingo Erlano Command). Ito din ang dahilan kung bakit, ganoon na lamang ang suporta ng mamamayan sa kanilang tunay na hukbo na lipos sa disiplina, hukbong pamproduksyon, doktor, edukador, organisador at abogado ng masa. Kaya naman sa loob ng 5 buwan, kahit gaano pa kalaki ang operasyon ng AFP, nahirapan itong hagilapin ang gerilya na kinukupkop ng mamamayan at kahit katatapos lamang ng labanan, sa kasabikan – pinatuloy sa kanilang dampa at pinakain ang kanilang hukbo. Sa halip na matakot sa kagaganap lamang na labanan, nakipagkwentuhan at nagdulog pa ang masa ng kanilang problema. Taliwas sa sinasabi ng bulaang AFP na wala ng suporta ang NPA, lagi ang pananabik ng masa na makadaop ang kanilang hukbo.
Sa pangambang tuluy-tuloy na makapagpalakas, pinusisyunan ng AFP ang mga lugar ng:
1) Sityo Tubigan sa Barangay ng Kalawakan, DRT
2) Sityo Kawit, Kalawakan, DRT
3) Tabuan sa Barangay Pinamalisan, Gabaldon, NE
4) Sityo Malamo sa Barangay Matawi Dinggalan
5) Putol na Kalsada sa Barangay Matawi
6) School ng Mapidya sa Barangay Riocheco, Papaya ng Nueva Ecija
7) Barangay Bugnan, Nueva Ecija
8) Sityo Laktas sa Ibona, Dinggalan
9) Sityo Maconacon sa Barangay Pias, Nueva Ecija
10) Sityo Saudi sa Barangay Pias, Nueva Ecija
Nasa likod ng pagposisyon ng AFP sa mga lugar na ito, ay upang pigilan ang pagkamulat ng mamamayan at paglakas ng kanilang hanay laban sa anti-mamamayang proyekto sa lugar na magdidisloka sa ilan daang pamilya. Halimbawa nito sa Bayan ng Dinggalan, ang nakaambang proyekto ng Pacific Coast City na magpapalayas sa mga residente dito upang bigyan daan ang pagtatayo ng mga syudad at pentaport. Dislokasyon din ang kakaharapin ng mga tao sa Papaya, upang bigyang daan ang pagtatayo ng solar energy project sa 1000 ektaryang lupain dito. Gayundin, ang pangangamkam ng 7th ID sa ilang libong ektaryang lupain na sumasaklaw sa bayan ng DRT, Papaya, Gabaldon at Dinggalan sa ilalim ng diumano’y Army Reservation Area.
Malalim at hindi mapuputol ang ugnayan ng hukbo at ng mamamayan dito, dahil sa tagumpay na nakaugit na sa kasaysayan. Sino ang makakalimot sa pangangamkam ng lupa at pagmasaker sa mga tumututol sa logging concessionaire na sila Soriamon at Gopangsuy sa mga barangay ng Dinggalan, na sa tulong ng Hukbo ay naparusahan ang mga ito. Ganundin sino ang makakalimot sa tagumpay ng pagpapataas ng presyo ng isda at kalakal ng mga mamamayan sa mga bayan na ito.
Ang katotohanang ito ang dahilan kung bakit anumang pigil ang gawin ng rehimen sa pamamagitan ng mersenaryong AFP nito, hindi mapipigilan ang mamamayan na mamulat at kumilos para sa kanilang karapatan at laging suportahan ang New People’s Army. Sapagkat batid nilang wala ni anuman ang mamamayan kung wala ang bagong hukbong bayan.