Pahayag

Lamat ng Uniteam, tuluyan nang sumambulat

, , ,

Ang ipinangalandakang ‘UniTeam’ sa pagitan ng mga reaksyunaryong partido, Hugpong ng Pagbabago, Lakas-CMD, Partido Federal ng Pilipinas at Nacionalista Party at iba pa ay di na napigilan ang sariling pagsambulat. Tulak ito ng makasariling interes at ambisyon ng mga paksyon sa loob ng dating UniTeam na parehas mga swapang, pasista at ilehitimo.

Ang pagbabangayan ng naghaharing paksyong Marcos-Duterte ay salaminan ng bulok at di maampat na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Banggaan ito ng mga ganid sa yaman at ambisyong pulitikal para sa kanilang makitid at makauring interes, at ng sinusuportahan nilang mga among imperyalistang US at Tsina na nagtutunggali para pagharian ang Asya-Pasipiko.

Ang bangayan ng mga Marcos at Duterte kaugnay sa Chacha, pagbisita ng ICC para mag-imbistiga sa gera sa droga, atakeng personal at kulapulan ng baho sa isa’t isa ay posible na humantong sa mas marahas na tungalian sa hinaharap. Ang nilulutong kudeta ng paksyong Arroyo-Duterte ay tinapatan naman ng pagmamadali sa pag-amyenda ng burges at reaksyonaryong konstitusyon. Di na maitago ang garapalang maniobrahan para isulong ang interes sa politika, ekonomiya sa kabila ng paghihirap ng masang magsasaka at mamamayan.

Habang nagpapakitang tao, ipokrito sa isa’t-isa, may ’tarakan ng punyal nang talikuran’ ang tambalang Marcos-Duterte sa isa’t isa, at palabas na ‘di apektado at business as usual’, ang magsasaka at mamamayan naman ang nagdurusa. Sa gitna ng ganitong kalagayan, dapat maghanda ang bayan sa higit pang pagsahol ng pasistang panunupil. Kaakibat nito, dapat kumilos at makibaka ang mamamayan para sa kanilang interes sa lupa, buhay at kabuhayan. Dapat nilang ipaglaban at ipatanggol ang kanilang mga karapatang tao sa harap ng paninibasib ng estado. Dapat ilantad at labanan ang patuloy at papaigting na panghihimasok ng imperyalismong US sa pulitika, ekonomya at militar ng bansa.

Dapat magkaisa ang masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at labanan ang pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa. Dapat ding manawagan ang mga magbubukid sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, pagpawi sa usura at pagpapataas ng farmgate price ng kanilang mga produkto. Nanawagan din kami sa mga maliit na negosyante sa agrikultura na labis ng apektado ng pagbaha ng imported na bigas, asukal, sibuyas, karne ng manok, baboy at isda na makiisa sa mga panawagan para sa pambansang industriyalisasyon, na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa.

Manalig kayo, kapwa ko magsasaka na ang armadong pakikibaka ang tanging landas para sa pambansang paglaya sa kuko at pagkakadaklot ng imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang inyong BHB ay hukbong magsasaka, kaya hinahamon ko ang kapwa ko magsasaka, tumangan na ng armas, sumapi sa BHB, isulong at akapin ang matagalang digmang bayan, at ihasik, payabungin at palawakin natin ang mga di magagaping pulang kapangyarihan sa kanayunan, hanggang sa ganap na makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.###

Lamat ng Uniteam, tuluyan nang sumambulat