Pahayag

LDGC patuloy na magiting na lumalaban; 203rd IBde bigo sa kanilang pagsalakay

Magiting na nilabanan ng isang yunit ng NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command) ang pagsalakay ng pwersa ng 203rd Infantry Brigade bandang 6:30 ng umaga ngayong araw sa Sityo Danlog, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro.

Bigong makapinsala ang mga pasistang tropa ng 203rd IBde habang organisado at buong-tapang na lumaban ang mga Pulang kumander at mandirigma. Unang nakaputok ang yunit ng NPA-Mindoro at ligtas na nakaatras ang buong yunit nang walang kaswalti.

Pinapasubalian ng naganap na labanan sa San Jose, Occidental Mindoro ang kasinungalingan ng 203rd IBde na wala nang natitirang NPA sa isla ng Mindoro. Ang mga katulad na insidente ng labanan ay patunay na binibigo ng CPP-NPA-NDF ang layunin ng reaksyunaryong gobyerno na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla sa paraan ng whole of nation approach gamit ang armadong galamay nitong AFP-PNP-CAFGU.

Sa harap ng matinding militarisasyon sa Occidental Mindoro, hatid nito ay perwisyo at mas lalong pagpapahirap sa masang Mindoreño kaya naman patuloy na nagiging sandigan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan ang Bagong Hukbong Bayan sa paniningil ng hustisya laban sa pasistang 203rd IBde-AFP at PNP-MIMAROPA.

Patuloy naman ang nag-uumapaw na determinasyon ng mga Pulang kumander at mandirigma sa pagsulong ng armadong pakikibaka upang gapiin ang mga pwersa ng AFP-PNP-CAFGU na numero unong kaaway ng masang Mindoreño. Walang ibang daan ang digmang bayan kundi patungong tagumpay sapagkat batid ng masang Mindoreño kung sino ang kanilang tunay na hukbo – ang Bagong Hukbong Bayan na kanilang sandata laban sa mapagsamantalang sistemang dulot ng rehimeng US-Marcos Jr.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan, tunay na hukbo ng mamamayan!

Isulong ang digmang bayan hanggang tagumpay!

LDGC patuloy na magiting na lumalaban; 203rd IBde bigo sa kanilang pagsalakay