Pahayag

Mabuhay ang Uring Manggagawa!

Nakikiisa ang Kabataang Makabayan – DATAKO sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Sa pag-gunita ng araw na ito ating binibigyan ng pinakamataas na pagpupugay ang mga bayani at martir ng kilusang manggagawa sa buong mundo. Kinikilala din natin ang bisa at lakas ng proletaryo sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Sa Pilipinas, pinapasan ng masang manggagawa ang bigat ng palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Sa nagdaang taon, walang kapantay ang karagdagang pasakit ng sambayanang Pilipino dulot ng palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya. Tuluy-tuloy ang pagkalat ng sakit habang lugmok at lubog sa utang ang ekonomya, at bagsak ang kabuhayan bunga ng militaristang lockdown at pagpatupad ng mga patakarang anti-manggagawa.

Maraming mga empresa at negosyo ang nagtiklop ng operasyon, halos labing isang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho, tumigil at naparalisa ang komersyo, milyun-milyong mamamayan ang dumanas ng pagkagutom habang ang gubyerno ay inutil sa paghahatid ng panagip-tulong at serbisyong pangkalusugan sa milyun-milyong pilipinong nagkakasakit ng COVID-19. Pasan-pasan ng mga manggagawa ang mababang sahod, malawakang disempleyo, at mapang-aping kalagayan sa pagtatrabaho. Sa Kordilyera, nariyan ang nanatiling banta ng jeepney phaseout na naglalayong tanggalan ng hanapbuhay ang mga tsuper at ang banta ng papipribatisa ng Baguio Market. Talamak din ang kakulangan ng suporta sa mga manggagawang pangkalusugan at ang kawalan ng mekanismo para protektahan sa bayrus ang lahat ng mga manggagawa.

Panis na ang ipinagmamalaki ni Duterteng siya ay isang sosyalista matapos niyang patunayang siya ay anti-mamamayan at maka-kapitalista sa loob ng halos kalahating dekada niyang pamumuno sa bansa. Sumasadsad ang kabuhayan ng masang anakpawis sa harap ng mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, gamot, matrikula, serbisyong pangkalusugan, komunikasyon at iba pang pangangailangan. Dumaranas ang mamamayang Pilipino ng kahirapan at gutom, kawalan ng disenteng pabahay at kuryente, kakulangan ng malinis na tubig, at laganap na sakit.

Sa harap ng pagdurusa ng bayan, abala si Duterte at kanyang mga alipures sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong pondong pangkagipitan at pag-uunahan sa pwesto at pakinabang. Walang awat ang mga pamamaslang sa maralita, manggagawa, magsasaka at mga katutubo sa kanyang gerang kontra-rebolusyonaryo. Todo arangkada ang terrorist-tagging laban sa mga aktibista at kritiko para busalan ang mga naglalantad sa kabulukan at kapabayaan ng rehimen.

Sa ilalim ni Duterte, walang ibang mapagpipilian ang mga manggagawa kundi ang bagtasin ang landas ng militanteng pakikibaka. Ang masang manggagawang Pilipino ay matagal nang hjnahambalos ng mga patakarang neoliberal. Upang akitin ang mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan, pinigilan ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, sinupil ang kanilang karapatang mag-unyon at magwelga, pinahahaba ang oras ng paggawa lampas sa dating nakatakdang walong oras kada araw at binaklas ang iba pang mga regulasyon para pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Ang sumasahol na kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay nagdidiin sa kawastuhan at pangangailangan para sa pambansa-demokratikong pagbabago sa lipunang Pilipino.
Kung mayroon mang nailinaw sa nakaraang taon, ito ang susing papel ng mga manggagawa at magsasaka sa paggulong ng ekonomya at lipunan. Hindi si Duterte, o kanyang mga heneral, militar at pulis, kundi ang milyung-milyong manggagawa sa mga ospital, pabrika at serbisyo, at mga magsasaka sa kanayunan, ang lumilikha ng yaman at nagpapatakbo sa ekonomya. Sila ang nasa unahan ng pag-apula ng pandemya, sa paglikha ng pagkain, pagtitiyak ng pampublikong serbisyo at mga batayang pangangailangan.

Ating pangibabawan ang pagpapakasapat sa mga online na pagkilos at aktibidad at ilabas sa lansangan at mga komunidad ang pagkamuhi! Kailangang patuloy na ipalaganap at ipaunawa sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan ang nilalaman ng programa ng partido sa demokratikong rebolusyong bayan na may layuning wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema sa Pilipinas . Naghahanap ang mamamayan ng alternatibo sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na bulok at bangkarote sa kaibuturan. Ang Partido lamang ang tanging makapagbibigay nito sa malawak na mamamayang Pilipino.

Hamon sa lahat ng mga kabataang makabayan na pagkaisahin ang kabataang Pilipino sa buong kapuluan, sa mga eskwelahan, pagawaan, sakahan, komunidad at saanman may konsentrasyon ng kabataan upang labanan ang nabubulok na rehjmeng Duterte. Umiiral ang obhetibong kundisyon para ilang ulit na palakasin ng uring manggagawang Pilipino ang kanilang organisadong hanay.

Mahigpit nating isanib ang kilusang kabataan sa kilusan ng masang manggagawa, mala-mangaggawa, at magsasaka. Himukin ang iba pang makabayan at progresibong pwersa upang tahakin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Buong-sigla nating ipalaganap ang rebolusyunaryong propaganda, edukasyon, at kultura upang palayain ang kabataan mula sa burges at pyudal na kaisipan na ipinapalaganap ng naghaharing-sistema. Pag-alabin ang diwang makabayan at rebolusyunaryo at ibaling ang desperasyon at kawalang pag-asa tungo sa ahitasyon para itaguyod ang pambansa demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba!

Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Ipagtagumpay ang rebolusyon!

Mabuhay ang Uring Manggagawa!