Mag-armas para labanan ang krisis dulot ng gera ng US!
Nararanasan ngayon ng sambayanang Pilipino ang walang kaparis na krisis matapos sumiklab ang gerang agresyon ng US sa Middle East. Bagamat hindi pa ito katulad ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na kalahok mismo ang bansa sa gera, hindi nakaligtas ang Pilipinas sa oil price shock na nagtulak sa mamamayan sa bangin ng paghihikahos.
Para sa mamamayang Pilipino, hindi simpleng aritmetik ang nagaganap kunsaan ang pinagsama-samang Oil Deregulation Law, VAT at excise tax, pagtaas ng presyo ng langis at gera sa West Asia ay nagbunga ng napakasidhing krisis.
Pero sa gubyernong US-Marcos Jr., walang kahihiyang pagtatanga-tangahan sa elementary Mathematics ang pagtrato sa nagaganap na krisis pang-ekonomya sa bansa. Pinagtatakpan nila ang kasibaan ng mga kumpanya ng langis sa pagpapalobo ng di makatwirang tubo. Mas masahol ay lalong pinapaboran ng Malacañang ang interes ng naghaharing uri at ininsulto ang mamamayan sa pagsasabing “change your lifestyle” para makaagdong sa krisis.
Ang totoo, binibili ni Bongbong Marcos ang palusot na “replacement cost pricing” bilang dahilan ng mga kumpanya ng langis sa pagtaas ng presyo kahit may sapat pang supply. Noon pa napatunayan na ang malimit na pagtataas ngunit madalang na pagbababa ng presyo ng langis na lalong nagpapabundat sa mga kartel ng langis.
Sa dikta ng imperyalismong US sa tutang rehimen ni Marcos Jr., kontrolado nito ang lokal na monopolyo sa langis kaya’t madali lamang maapektuhan ang presyo ng petrolyo kahit sa kaunting pagbabago sa pandaigdigang pamilihan. Utos ng International Monetary Fund (IMF) ang pagpapataw ng dagdag buwis para sa mahigpit na kontrol ng dayuhang interes sa ekonomya ng bansa kapalit ng bilyun-bilyong pisong kikbak para sa mga burukrata-kapitalista.
Lalo pang lumalaki ang koleksyon ng gubyerno sa buwis sa pagtaas ng presyo ng langis na nagmumula sa 12% E-VAT at excise tax dahil sa TRAIN Law. Bukod sa mga pangunahing bilihin at pangkonsumo, maging ang plastik na pambalot (sando bag) ng mga produkto ay binubuwisan rin na kapag pinagsama-sama ay umaabot sa ₱20.3 bilyon taun-taon.
Sa taas ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, umabot sa ₱1,815 kada araw ang nawawala sa mga tsuper ng dyip habang ₱3,630 naman sa modern PUV. Apektado hindi lamang ang sektor ng transportasyon kundi maging ang mga komyuter at karaniwang mamamayan na bumabalikat sa pagtaas ng presyo ng bilihin habang nananatiling mababa ang sweldo/sahod.
Nakasuso ang Pilipinas sa imperyalismong US sa malaon nang pagkatali nito sa mga patakarang pang-ekonomya ng US sa kanyang kolonya (Susog Pariti atbp) hanggang sa General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO) at IMF na nagdisenyo ng mga kasunduan para likhain ang kalakarang import-dependent at export-oriented ang ekonomya ng bansa. Dahil dito, nasasandal sa pader ang sambayanan sa pagbili at pagkonsumo ng mga pangunahing bilihin kabilang ang langis sa di makatwirang presyo dahil sa kawalan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. Ang reaksyunaryong gubyerno ang pangunahing nangwawasak sa pwersa sa paggawa at likas na yaman habang isinasadlak sa grabeng kahirapan at krisis ang bayan. Lahat ng ito’y sistematikong nagaganap sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na nagkakait sa tunay na kaunlaran at kakayahang tumayo sa sariling paa ng panlipunang sistema ng bansa.
Walang ibang masulingan ang taumbayan kundi ang sariling lakas para igiit ang kanilang mga karapatan. Hinahangad nila ang isang gubyernong tunay na maglilingkod sa kanila’t hindi pinagpapasasaan ang mga buwis para lamang muli silang pigain sa panahon ng pagbayo ng matinding krisis sa pandaigdigang saklaw. Nagpoprotesta sila sapagkat hindi na nila maatim ang pananahimik habang kumakalam ang kanilang mga sikmura at nahahantad sa kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema.
Nagbubuklod ngayon ang sambayanang Pilipino sa pangunguna ng manggagawa at magsasaka, katuwang ang malakas na boses ng mga kabataang estudyante, intelektwal at iba pang aping uri na naghahangad ng radikal na pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng pagsusulong ng digmang bayan.
Milya ang layo ng digmang agresyong inihahasik ng imperyalismo sa makatarungang digmang bayan na isinusulong ng rebolusyonaryong mamamayang Pilipino sa tanglaw ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo). Ito ay digmang malalim na nakaugnay sa dakilang krusada ng proletaryong mamamayan ng daigdig na layong wakasan ang lahat ng kasamaan at kasakimang dala ng imperyalismo at palayain ang lahat ng uri sa pagsasamantala at pang-aapi.
Kabilang sa layon ng digmang ito ang isa sa programa ng NDFP na pagwasak sa dominasyon sa ekonomya ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan, malaking kumprador at panginoong maylupa upang isakatuparan ang pambansang industriyalisasyon at itayo ang ekonomyang malaya at umaasa-sa-sarili. Makakamit lamang ang mga ito sa paglahok ng mamamayang Pilipino sa demokratikong rebolusyong bayan.
Sa ika-53 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, higit na mataas ang kapasyahan ng rebolusyonaryong Pilipino na magbuklod at isulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagpapalakas ng New People’s Army. Tiyakin natin ang paglahok ng pinakamaraming bilang ng mabubuting anak ng bayan sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagsapi sa NPA habang isinasagawa ang salimbayang pagkilos at pag-aambag ng lahat ng anyo ng suporta ng pinakamalawak na masa.
Sa ganitong diwa ng pagpapalakas sa armadong pakikibaka sa landas ng kilusang pagwawasto natin gunitain ang 53 taong pakikibaka ng pinakakonsolidadong alyansa ng rebolusyonaryong mamamayang Pilipino. Ang patuloy na pagpupunyagi sa digmang bayan sa yugtong ito ang ating ambag sa pandaigdigang paglaban sa gera ng imperyalismong US at iba pang porma ng agresyon sa daigdig.