Mag math tayo: Mali ang kwenta ng AFP na "mahina" na ang BHB
Kahapon, sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 2,112 na lamang daw ang mandirigma ng BHB, at mayroon na lamang itong 22 larangang gerilya, at na 17 dito ay “mahina na.” Ang totoo, imbento at huwad ang lahat ng numerog ito na sinasabi ng pamunuan ng AFP para magyabang at mag-saywar.
Pero peke na nga, lumalabas na mali ang pagkwenta ng AFP. Kung titingnang mabuti, hindi tugma ang mga numero ito sa sinasabi nilang “estratehikong tagumpay” nila.
Magkwenta tayo:
a) Kung pantay-pantay na nakakalat ang 2,112 Pulang mandirigma sa diumano’y 22 na lamang na larangang gerilya, ang makukuha natin ay:
2,112 ÷ 22 = 96
o isang kumpanya (tatlong platun) ng mga Pulang mandirigma kada larangan. Eh, hindi mo masabing mahina na. Katunayan, nasa antas iyon na mainam na bilang na isang kumpanya ng mga Pulang mandirigma kada larangan.
b) Kung hindi naman pantay na nakakalat (sabi ng AFP, ang 17 daw ay “mahina” na), at sabihin nating ang “mahina” sa tantya ng AFP ay 60 Pulang mandirigma kada larangan, ang makukuha natin ay:
17 x 50 = 1,020
at ang natitira (2,112 – 1,020 = 1,092) ay hahatiin sa limang “malakas” na larangan, mayroon tayong:
1,092 ÷ 5 = 218
Pulang mandirigma kada larangan (o mahigit 7 platun), sapat para saklawin ang dalawang larangan.
c) Kung ang limang “hindi mahina” ay mayroon “lamang” 120 (4 na platun) bawat isa:
5 x 120 = 600
ang matitira sa 17 “mahina” nang larangan ay 1,512 Pulang mandirigma o:
1,512 ÷ 17 = 88
Pulang mandirigma o halos isang kumpanya (o tatlong platun) kada larangan, na malayo sa sinasabing mahina.
Ano ang mabubuo natin mula sa mga ito?
Una, malinaw na hindi marunong mag-imbento ng tamang numero ang AFP para sa hinahabi nilang huwad na larawan ng “estratehikong tagumpay” laban sa BHB. Di man sinasadya, ang numerong ibinigay nila ay taliwas sa pinalalabas nilang tagumpay, dahil katunayan, ipinakikita ng mga numerong ito na ang “natitirang” mga larangang gerilya ng BHB ay malalakas, hindi basta matatalo, na may tatlong platun kada isa.
Ang mga numerong ito ay lalong nagpapatibay sa pananaw na ang AFP ay hindi talaga maaasahang pagkukunan ng tamang impormasyon at numero tungkol sa kalagayan ng PKP at BHB. Tandaan natin na ilang taon ang nakaraan, minamaliit ng AFP ang NPA at sinasabing 3,900 lamang ito, pero ngayong taon, ipinagmamalaki nilang napasurender nila ang 24,000 NPA.
Lahat ito’y nagpapakita na ang mga numero ng AFP tungkol sa PKP at BHB ay pawang walang batayan at nagsisilbi lang sa sariling interes.
Gaya ng idineklara ng Komite Sentral, ang Partido, Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa ay nananatiling malakas, at determinado na isulong ang rebolusyon, laluna sa gitna ng malubhang krisis panlipunan at lumalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.