Pahayag

Mag-organisa at magpakilos ng tulong sa mga biktima ng pagbaha at pagguho ng lupa

,

Nakikiisa at nakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa milyun-milyong Pilipino na kasalukuyang humaharap sa matinding pagsubok sa harap ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malalakas na ulan, hangin, at pagdaluyong ng tubig na dala ng Bagyong Kristine.

Ang malawak na masang anakpawis ang dumaranas ng pinakamatinding hambalos ng sakuna. Libu-libong pamilya, lalo na ang mga nasa mga binahang komunidad, ang nawalan ng tahanan at kaunting ari-arian. Ang mga bata at matatanda ay naiwan na nakahantad sa masamang panahon sa kanilang mga nasirang tahanan o mga sentro ng ebakwasyon, na naglalagay sa kanila sa peligrong magkasakit o mahawa.

Malubha ang epekto ng mga pagbaha sa kabuhayan ng mamamayan. Ang mga manggagawang hindi makapunta sa paggawaan ay walang sahod at baka maparusahan, habang ang maliliit na mangingisda ay hindi makalabas sa maalong dagat. Ganoong pagdurusa din ang kinakaharap ng maraming iba pang araw-araw na nagbabanat ng buto para kumita. Lalong pang malupit ang kalagayan ng mga magsasaka, mula Luzon hanggang Mindanao, sa pagkasira ng kanilang mga pananim dahil sa malalim na tubig-baha, na sumaid ng kanilang kita at nagbaon sa kanila sa malalim na pagkakautang. Milyun-milyong magsasaka ang hindi pa nakababawi mula sa mga nakaraang sakuna at hindi pa nakatanggap ng kompensasyon para sa kanilang mga pagkalugi.

Ang mga kasapi ng Partido, kasama ang mga kasapi ng mga organisasyong masa, ay kumikilos upang magbigay ng lahat ng posibleng tulong sa mga biktima ng pagbaha at pagguho ng lupa. Ang Partido ay nananawagan sa mga nasa lugar na hindi gaanong nasalanta, pati na rin sa internasyunal na komunidad, na mag-organisa at magmobilisa ng lahat ng rekurso, kabilang ang pagkain at tubig, damit at mga materyales sa konstruksyon, pati na ang mismo nilang mga katawan, upang makatulong sa rehabilitasyon sa mga darating na araw at linggo. Ang mga yunit ng BHB ay nagpapakat ng kanilang mga mandirigma upang tulungan ang mga magsasaka sa kanilang mga pangangailangang pangkagipitan, tulad ng pagtulong na muling itayo ang kanila mga tahanan o ayusin ang kanilang mga bukirin.

Ang serye ng mga bagyong humagupit sa Pilipinas sa nakaraang dalawang buwan, na dumagdag sa epekto ng mga naunang tagtuyot, ay nagdulot ng sunud-sunod na pagkasalanta sa buong bansa. Sa gitna ng mga sakunang ito, kulang na kulang ang tugon ng rehimeng Marcos na naghanda lamang ng limitadong pamamahagi ng mga grocery bag ng bigas at ilang pagkain. Sinasamantala pa ng mga burukratang kapitalista ang sitwasyon upang magpakitang-gilas bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyong 2025.

Sadyang binabalewala at nilalabusaw ni Marcos ang katotohanang ang kalagayang ito ay bunga ng patung-patong nang pagkawasak sa kapaligiran dahil sa walang humpay na pagtotroso at pagmimina, mga proyekto ng dam at iba pang imprastruktura, reklamasyon ng lupa, at konstruksyon ng real estate sa nakaraang mga dekada.

Dinambong ng mga ganid na dayuhan at lokal na malalaking kapitalista ang yaman ng kalikasan na walang pagsasaalang-alang sa pagkawasak ng kapaligiran, pati na rin sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Sa halip na dinggin ang sigaw ng taumbayan na itigil ang mga operasyong ito, patuloy na hinihimok ng rehimeng Marcos ang mga kumpanya sa pagmimina at imprastruktura na sirain at lasunin ang mga bundok, ilog, at baybayin. Ang mga kumpanyang ito ay pag-aari ng kanyang mga kaibigan, malalaking burgesyang komprador, at mga kamag-anak.

Nananawagan ang sambayanan na pagbayarin ang lahat ng mga mandarambong na ito sa lahat ng ginawa nilang pangwawasak, at na bigyan ng estado ang taumbayan ng bayad-pinsala dahil sa pagkukulang nitong tuparin ang obligasyon nitong garantiyahan ang kanilang kapakanan.

Mag-organisa at magpakilos ng tulong sa mga biktima ng pagbaha at pagguho ng lupa