Pahayag

Magkasunod na haras ng BHB-Masbate sa mga kampo militar sa Milagros, bahagi ng pagtutol sa US-PH Balikatan-Pacific Partnership na ginaganap sa Legazpi City

Matagumpay na hinaras ng isang yunit ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang kampo ng 93rd Division Reconnaissance Company sa Sityo San Jose, Barangay Hamorawon at kampo ng 2nd Infantry Batallion-Phil. Army sa Barangay San Antonio parehong sa bayan ng Milagros nito lamang Agosto 10, 2024, 9:00 ng gabi.

Ang naturang aksyong gerilya ay pagpapakita ng pagkundena ng mga Masbatenyo sa Balikatan Exercises-Pacific Partnership na pinamumunuan ng imperyalistang Estados Unidos o US kasabwat ang Armed Forces of the Philippines. Kasalukuyang ginaganap ang naturang aktibidad sa Legazpi City, Albay na tatagal mula Agosto 1 hanggang 14.

Ang 2nd IBPA at 93rd DRC ay kabahagi sa mga armadong security ng mga tropa ng US sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng ilinunsad na aksyong gerilya ng BHB-Masbate, nais ipabatid ng mga Masbatenyo ang pagkundena sa anumang mga aktibidad at pakana ng US na may layuning idawit ang Pilipinas sa planong pakikipaggera ng Amerika laban sa imperyalistang karibal nito na China. Ang US Pacific Partnership 2024-02 na ginaganap sa Legazpi City ay isang operasyong militar ng US na naglalayong linlangin ang mga Bicolano na katanggap-tanggap ang paglapastangan ng US sa soberanya ng bansa sa pag-aakalang kaibigan ang Amerika. Kinukundisyon ang isip ng mamamayan na masasandalang alyado ang US upang palabasing normal ang presensya ng dayuhang tropa sa bansa at ang panghihimasok militar.

Sa katunayan, malinaw na hindi lang humanitarian ang pakay ng US-PH Pacific Partnership 2024-02. Sa tabing ng mga aktibidad na humanitarian assistance at disaster preparedness ay ang iba’t ibang military at war exercises tulad ng geographic information systems, emergency operations, mountain at urban search and rescue bilang paghahanda sa posibleng pagsiklab ng gera.

Naglunsad din ng malawakang mga operasyong militar ang 9th Infantry Division-Phil. Army sa iba’t ibang panig ng rehiyon sa pag-aakalang mahahadlangan ang pagtutol ng mga Bicolano sa naturang aktibidad. Partikular na tinarget ng mga operasyong militar na ito ang mga yunit ng NPA sa pag-aakalang matutugis nila ang mga ito.

Nagsisilbi din ang mga ilinunsad na operasyong haras bilang isang hakbang pasulong sa pagkakamit ng hustisya para sa mga biktima ng abusong militar, pang-aagaw ng lupa at iba pang pambubusabos na pinangungunahan ni Masbate Gov. Antonio Kho.

Ang imperyalismong US at ang papet nitong si Marcos ang numero unong kaaway ng mga Masbatenyo at buong sambayanang Pilipino. Makabayang tungkulin ng mga Masbatenyo, laluna ng mga kabataan, na lumahok sa armadong pakikibaka upang mag-ambag sa pagpapanagot sa rehimeng US-Marcos sa pagtatraydor at paglapastangan sa soberanya ng bansa. Nananatiling ang armadong rebolusyon ang pinakamasasaligang armas ng mamamayan upang hadlangan ang imperyalistang gera na itinutulak ng US.##

Magkasunod na haras ng BHB-Masbate sa mga kampo militar sa Milagros, bahagi ng pagtutol sa US-PH Balikatan-Pacific Partnership na ginaganap sa Legazpi City