Ipagdiwang ang hukbo ng sambayanan! Lagunense, isulong ang digmang bayan!
Pinagpupugayan ng National Democratic Front of the Philippines Laguna ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Pinakamataas at rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng Pulang mandirigma, kumander, milisyang bayan, at yunit pananggol sa sarili na patuloy na nagpupunyagi at nakikibaka para sa ganap na paglaya ng sambayanan!
Sa 57 taon, masaliumot ang naging karanasan ng BHB, mula sa pagkakatatag nito noong Marso 29, 1969 hanggang sa kasalukuyan. Naranasan ng BHB ang mga pagsulong at pag-atras, mga pagkakamali at pagwawasto, ang matinding salakay ng reaksyunaryong kaaway, at marami pang iba. Sa kabila nito ay nagpapatuloy na nagpapayaman ang ating Hukbo mula sa mga karanasan, nagpapaunlad ng taktika at siyensya ng pakikidigmang gerilya, at pinagpapatuloy ang mahigpit na ugnayan sa masang anakpawis sa kanayunan.
Kilalanin at parangalan natin sa okasyong ito ang mga dakilang anak ng Laguna na tinahak ang landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at inalay ang kanilang buhay para sa sambayanan, tulad nina Jeramie “Ka Ash” Garcia, John Carlo “Ka Yago” Alberto, Misael “Ka Cuba” Ongtangco, Abegail “Ka Laura” Bartolome, Allysa “Ka Ilaya” Lemoncito, at marami pang iba. Kayo ang mga dakilang martir at ang nagpapatuloy na inspirasyon ng buong rebolusyonaryong mamamayan sa ating lalawigan at sa buong sambayanang Pilipino.
Tunay na napakainam at napapanahon ang sitwasyon ngayon para sa pagsulong ng digmang bayan. Sa Laguna, batbat ng krisis ang mamamayan habang nananatiling inutil ang reaksyunaryong gobyerno sa pagbibigay ng solusyon. Tumitindi ang sosyo-ekonomikong krisis laluna mula nang sumiklab ang imperyalistang paninibasib ng US at ng tuta nitong Zionistang estado ng Israel laban sa Iran. Ang agresyong militar na ito ay para agawin ng US ang kontrol sa mayamang rekurso ng langis nito, na ikatlo sa buong mundo. Nais ni Trump na durugin ang gobyerno ng Iran na tumatanggi sa kagustuhan ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano. Ang pagsalakay ng US sa Iran ay tanda ng tumitinding tunggalian ng imperyalistang kapangyarihan. Pagsiko ito ng US sa China na pangunahing bumibili ng langis sa Iran. Bahagi ito ng kagustuhan ng imperyalistang US na baguhin ang kaayusan ng mundo upang palakihin ang yaman at rekursong tuwirang hawak nito. Dahil dito, sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at nagresulta ng walang kaparis na krisis at pagtaas ng presyo ng bilihin sa Pilipinas.
Sa panlalawigang antas, dumadaing sa hirap ang maralitang Lagunense. Maraming drayber ang napipilitang isuko na ang kanilang hanapbuhay dahil lubos na hindi na nakasasapat ang naiuuwi na kita sa kanilang pamilya. Sa pinakamababa, umaabot na lamang ng P35 hanggang P40 ang netong kita ng isang drayber sa 12 oras ng pagmamaneho. Gayundin ang mga delivery rider at iba pang mga ride-sharing services na napipilitang pahabain ang kanilang oras ng pagtatrabaho para sa gamumong kita.
Apektado rin ang malaking bilang ng mga manggagawa sa lalawigan na karaniwa’y nagdadala ng motorsiklo papasok sa kanilang trabaho. Dumarami na rin ang bilang ng mga shuttle service sa mga pagawaan na hindi na makabyahe dahil sa kamahalan ng gasolina at kawalan ng karampatang subsidyo.
Dahil sa krisis sa langis, lubhang nagtaas din ang presyo ng mga bilihin. Samantala nananatiling mababa ang antas ng sahod ng mga Lagunense na pumapalo lamang sa P540-600/araw. Dahil sa two-tiered wage system ng pamahalaan, nag-iiba iba rin ang antas ng sahod sa bawat bayan. Sa ganitong kalagayan, napipilitan ang mga manggagawa na tumanggap ng mas mahabang oras ng trabaho at lalong pigain ang kanilang lakas-paggawa, sa kapakinabangan ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at burgesya komprador na kumikita ng bilyun-bilyon kada taon.
Apektado rin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan. Pinapanukala ngayon muli ng ilang mga pamantasan sa Laguna ang mga hybrid learning upang makamenos sa gastusin sa kuryente at tubig, at di umano’y para makamenos sa pamasahe ang mga estudyante’t guro. Ngunit sa kabila nito, nasasaalang-alang ang kalidad ng edukasyon habang hindi nasosolusyonan ang kawalan ng akses ng maraming estudyante sa maayos at istableng koneksyon sa internet para lumahok sa mga klase.
Sa kanayunan at katubigan ng lalawigan, nahihirapan ang mga magsasaka’t mangingisda na mapagkasya ang kanilang kita sa kabila ng nagtataasang presyo ng diesel, abono, at iba pang pangangailangan. Maraming mangingisda ang hindi makalaot dahil walang pang-gasolina ng motor, samantala ay maraming magsasaka naman ang hindi magamit ang kanilang mga kagamitan at napipilitang bumili ng abono sa presyong nagpapalugi sa kanila. Habang tumataas ang presyo ng bigas, karne, isda, gulay, at iba pang produkto sa mga palengke, nananatiling maliit ang farmgate price ng palay at iba pang produkto. Ang resulta, tumitindi ang kawalan ng seguridad sa pagkain at ang malapyudal na krisis sa ekonomya.
Sa ganitong kalagayan, hindi lamang nagbibingi-bingihan ang reaksyunaryong rehimeng US-Marcos II, kundi aktibong nagsusulong ng anti-mamamayan na mga patakaran. Inutil ang mga hungkag na solusyong hinahain ni Marcos, habang sinasamantala naman niya ang panahon para lalong supilin ang boses ng mamamayan. Ginagamit niya ang LTFRB, kapulisan at mga ahente ng NTF-Elcac para manmanan at takutin ang mga drayber at komyuter na nagpasyang lumahok sa pambansang welga kontra taas-presyo ng langis nitong Marso 19-20 at 26-27. Nagpapatuloy ang pagpapakalat ng AFP, PNP, at iba pang galamay ng estado ng kasinungalingan sa layuning bansagang terorismo ang pagpapanawagan para sa agarang solusyon sa krisis tulad ng pagbasura ng VAT sa langis at bilihin at muling pagsasabansa ng industriya ng petrolyo.
Nagiging malinaw ang matalas na makauring kontradiksyon ng mga naghaharing uri at ng masang anakpawis. Kailanma’y hindi natin maaasahan ang mga naghaharing uri na magsilbi para sa interes ng mga manggagawa, magsasaka, maralita, at iba pang mga sektor. Sa gitna ng krisis, paulit-ulit na napapatunayan ang kawastuhan ng demokratikong rebolusyong bayan bilang ganap at pangmatagalang solusyon sa deka-dekadang paghihirap ng sambayanang Pilipino.
Nananatiling wasto ang pangkalahatang linya ng paglulunsad ng isang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para mapagtagumpayan ang rebolusyon. Hindi kusang isusuko ng mga naghaharing uri ang kanilang kapangyarihan. Gagamitin nila ang lahat ng pamamaraan, taktika, panlilinlang, at pandarahas para mapanatili ang kanilang makauring paghahari sa lipunan. Kailangan din ng sambayanan na ubos-kayang magpunyagi para ibagsak ang paghaharing ito at itayo ang isang estadong pinamumunuan ng masang anakpawis.
Paulit-ulit na pinatunayan ng Bagong Hukbong Bayan na siya ang tunay na hukbo ng sambayanang api. Sa kasalukuyan, handa ito na magpatuloy na magwasto at tupdin ang mga hamon na iniatang sa kanya ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pahayag ng pagbati nito.
Gayundin, nananatiling mahalaga ang hamon sa buong rebolusyonaryong kilusan sa Laguna na suportahan at palakasin ang Bagong Hukbong Bayan, at itaguyod ang patuloy na pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Nananawagan tayo sa lahat ng rebolusyonaryong organisasyong masa sa probinsya ng Laguna na patuloy na magpalawak, magkonsolida, at ubos-kayang kumilos para sa rebolusyon.
Sa kanayunan at sa kalunsuran, pinakamahigpit na tungkulin ng mga rebolusyonaryong Lagunense na isulong ang linya ng pambansa demokratikong rebolusyon. Sa lunsod, dapat palawakin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa para mapamunuan ang mga pakikibakang masa tungo sa linya ng rebolusyon. Palakasin natin ang lambat ng suporta para sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng propaganda, edukasyon, pagpapalitaw ng rekurso, at malawakang pagsampa sa BHB.
Sa kanayunan, kung saan direktang nakakasalamuha natin ang ating Hukbo, magpursige dapat ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa para maitatag at maparami pa lalo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa ating lalawigan. Ang mga OKP ang nagsisilbing binhi ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Mapagtatagumpayan lamang ito sa pamamagitan ng pagsama sa BHB sa armadong pakikibaka at paglunsad ng rebolusyong agraryo sa hanay ng mga magsasaka.
Sa ika-57 anibersaryo ng BHB, iisa lamang ang tinatanaw natin: ang pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan tungo sa mas mataas na antas, hanggang sa pagkamit ng tagumpay at pagsikat ng mapulang araw sa silangan.
Magpunyagi at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mamamayang Lagunense, isulong ang digmang bayan, sumapi sa BHB!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!