Itanghal ang sandata, iwagayway ang bandilang pula! Alagad ng sining, mag-aklas, makibaka! Ipagtagumpay ang digmang bayan!
Puspos ng kadakilaang pinagpupugayan ng ARMAS-TK-Balangay Jethro Ferrer ang Bagong Hukbong Bayan sa ika-57 anibersaryo nito. Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad namin sa lahat ng rebolusyonaryong martir at bayani, na idinilig ang kanilang dugo sa matabang lupang pagsisibulan ng maalwang kinabukasan.
Nais rin naming kunin ang pagkakataon na ito upang itanghal ang dakilang si Kasamang Jethro Ferrer. Isa siyang katangi-tanging artista at manggagawang pangkultura, propagandista, at organisador, at higit sa lahat, rebolusyonaryo at haligi ng pagtataguyod ng proletaryong kultura. Ikinagagalak at taas-noo namin siyang ipinagmamalaki at gagawing inspirasyon sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa ganap nitong tagumpay!
Tunay at walang pagtatangging ang BHB, sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang siyang haligi ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Sa mahigit limang dekada, ipinamalas nito ang walang-pag-iimbot na kabayanihan para depensahan ang rebolusyonaryong gobyernong itinatag ng malawak na masang magbubukid, sa gabay ng Partido. Nagsilbing tagapagtaguyod ang BHB ng rebolusyonaryong hustisya sa kanayunan.
Lalo’t higit na tinatawag ng pangangailangan sa kasalukuyan na palakasin ang BHB. Sa patuloy na pag-igting ng gera sa kanlurang Asya, at sa napipintong pagsambulat ng mapangwasak na digmaang inter-imperyalista, kinakailangang maging malinaw sa mamamayang Pilipino at lahat ng uring api at pinagsasamantalagan na hindi ito ang kanilang digma. Tanging ang digmang bayan, sa ilalim ng pamumuno ng uring proletaryado, ang digmaang magpapalaya sa kanila mula sa kuko ng mga buwitre.
Kailangang makidigma ng bayan, hindi lamang para gapiin ang pakana ng imperyalismong US, o ang panghihimasok ng Tsina. Kailangang makidigma ng bayan at buong sangkatauhan, ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalagang uri, laban sa iilang nang-aapi at nagsasamantala sa kanila, upang likhain ang isang bagong lipunang malaya sa paghahari ng iilan, ng isang lipunang pinamumunuan ng uring manggagawa at lahat ng aping uri. At sa pagkaagnas ng luma at nabubulok na sistemang kapitalista, tiyak na magtatagumpay at babawiin ng uring proletaryado at lahat ng api ang daigdig. Ito ay batas ng kasaysayan, ng pagbabagong panlipunan, na hindi kailanman mahahadlangan ng anumang pakana ng mga imperyalista. Ang kasalukuyang krisis ay bisperas ng sosyalismo!
Ang paglahok sa digmang bayan, sa pag-aaral ng siyensa at sining nito, tanging malilikha ang pinakamakapangyarihang piyesa na lampas pa sa paglalarawan ng pangarap ng bayan para sa maalwan at mapayapang bukas, ay magpapatotoo sa kawastuhan at kadakilaan nito.
MABUHAY ANG IKA-57 ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG PAMBANSANG NAGKAKAISANG PRENTE!
MABUHAY ANG NAKIKIBAKANG MAMAMYAN!
ALAGAD NG SINING, SUMAMPA SA BAGONG HUKBONG BAYAN!