Magsasaka, itaguyod at lumahok sa digmang bayan! Pyudalismo, ibagsak!
Lalong sumasahol ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasakang Pilipino sa ilalim ng bandila ng “Bagong Pilipinas” na iwinawagayway ng rehimeng pahirap, inutil at kontra-magsasaka. Walang-pakundangan ang pagratsada ng mga neoliberal na patakaran na sumasagasa sa buhay at kabuhayan ng masang anakpawis at higit na bumabagsik ang terorismo ng estado laban sa mga magsasaka sa tabing ng “gera kontra-insurhensiya.”
Nananatiling pangunahing kalbaryo ng mga magsasaka ng Lambak Cagayan ang kawalan ng sariling lupang sinasaka. Tumitindi ang pang-aagaw ng lupa ng mga tradisyunal na panginoong maylupa, mga usurero-komersyante, mga pampulitikang dinastiya at burukrata kapitalista, at mga dayuhang negosyo. Dahil sa talamak na pagpapalit-gamit ng lupa, pagbibigay-daan sa mga plantasyon, pagpasok ng development agression projects, mga programang iskema ng pangangamkam, at pagtatayo ng mga base militar ng US, naitataboy ang mga pambansang minorya, setler atmagsasaka sa mga liblib at malalayong kagubatan o “protected areas” na ipinagbabawal din ng reaksyunaryong gobyerno. Habang patuloy ang pag-arangkada ng mga hungkag na programa sa reporestayon tulad ng Enhanced National Greening Program (E-NGP) at malawakang pagtatanim ng bamboo propagules, kaliwa’t kanan naman ang operasyon at aprubadong aplikasyon ng pagmimina sa mga kabundukan,ilog at baybayin ng rehiyon.
Habang bundat ang mga dayuhan at lokal na negosyo, kasabwat ang mga lokal na naghaharing-uri, kumakalam naman ang sikmura ng malawak na masa. Pamalagiang naghihikahos at bangkarote ang kabuhayan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid. Siklikong problema ang matinding epekto ng tagtuyot at hagupit ng magkakasunod na bagyo at pagbaha na pinalalala ng kriminal na kapabayan ng rehimeng US-Marcos Jr. Pinapasan ng mga magsasaka ang napakabigat na interes ng pautang na nasa 30%-40% bawat cropping at nagmamahalang farm inputs kapalit ang barat presyo ng produkto. Nitong nakaraang anihan, umabot lamang sa ₱7-₱11.50 ang bawat kilo ng sariwang mais. Lalong inilulugmok sa kahirapan ang mga magsasaka sa ibayong liberalisasyon sa agrikultura.Ngayong taon, Pilipinas pa rin ang numero unong importer ng bigas sa kasiraan ng agrikultura ng bansa at lubha at paulit-ulit na tuwing anihan na pagkalugi ng mga magsasaka.Top producer ng palay at mais ang rehiyon ngunit binabaha ang merkado ng mga imported na produktong agrikultural. Walang saysay ang pagpirma ni Marcos Jr sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act hanggat namamayagpag ang mga patakarang neoliberal sa ekonomya ng bansa at kontrolado ng mga kartel at sindikato sa loob ng gobyerno ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ipinagmamayabang ng rehimen ang pagpatawad sa utang ng mga magsasaka gayong wala namang dapat na utangkungtunay ang repormang agraryo ng kontra-magsasakang estado. Hindi ipinagpapasalamat ng mga magsasaka ang pamamahagi ng certificate of land ownership award (CLOA) at emancipation patent (EP) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) ng World Bank dahil mas lalo lamang nitong pinahigpit ang pagkakatali ng magsasaka sa lupa, at lalong walang magsasakang lumaya sa huwad na New Agrarian Emancipation Act (NAEA).
Habang namumudmod ng mumong tulong at ayuda ang kanang kamay ni Marcos Jr, naghahasik naman ng teror at takot ang kanyang kaliwa. Wala siyang pinagkaiba kay Rodrigo Duterte—pareho silang duguan ang kamay. Sa loob ng mahigit dalawang taong paghahari, namamayagpag pa rin ang NTF-Elcac at patuloy na pinopondohan sa kabila ng mga anomalya sa paglustay ng badyet. Walang-puknat ang mga nakapokus na operasyong militarsa kanayunan at teroristang paninibasib ng retooled community support pogram (RCSP). Sa kabila ng mga deklarasyong wala nang aktibong larangang gerilya sa Lambak Cagayan, tuluy-tuloy pa rin ang deployment ng dagdag na mga tropa sa mga operasyon at paghalihaw sa kagubatan. Patuloy ang pandarahas, pananakot at peke-pwersadong pagpapasuko sa mga lider-magsasaka at puu-puong komunidad. Maliban sa malaking abala sa kabuhayan ng mga magsasaka ang mga FMO at RCSP, seryosong banta rin ito sa seguridad at kaligtasan ng mamamayan. Sa basbas ng Anti-Terror Law, kahit sinong naggigiit at ipinaglalaban ang karapatan para sa asosasyon, lupa, kabuhayan, o hustisya ay babansagang terorista. Hindi na lamang iilang beses na nakaranas ng intimidasyon at pagbabanta mula sa AFP-PNP ang mga lider-katutubo at magsasaka ng rehiyon.
Sa mas mabalasik na teroristang panunupil ng estado sa mamamayan, lalong naitutulak ang huli na suungin ang iba’t ibang porma ng paglaban. Sa estadong pumapanig at nagsisilbi sa iilang mapagsamantala at mapang-aping uri kung saan ginagamit ang batas, korte at armadong pwersa upang supilin ang paglaban ng malawak na api at pinagsasamantalahang uri, wala silang ibang sasandalan kundi ang sariling lakas at pagkakaisa. Sa kanayunan, hakbang-hakbang na binubuo at kinokonsolida ang organo ng kapangyarihang pampulitika (OKP) at itinatayo ang demokratikong gobyernong bayan na tunay na nagtataguyod sa interes ng mamamayan. Kaalinsabay nito ang pagpapalakas sa rebolusyonaryong armadong pwersa, ang Bagong Hukbong Bayan, na absolutong pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ito ang ekspresyon ng batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka. Ang matagalang digmang bayan, na sa esensya ay digmang magsasaka, ay mahigpit na niyayakap at inilulunsad ng mamamayan upang hakbang-hakbang na buwagin ang mga monopolyo sa lupa hanggang sa tagumpay ng rebolusyon ay matanggalan ng pag-aari at kontrol ang mga asyendero’t panginoong maylupa upang libre itong ipinamamahagi sa mga wala o kulang ng lupang sinasaka. Dahil sa BHB at Partido, at sa mahigpit na ugnay sa masa, hanggang ngayon ay tinatamasa pa rin ng malawak na masa ng magsasaka ang mga tagumpay ng minimum na layunin ng agraryong rebolusyon. Mula sa hakbang-hakbang na pagpapababa ng interes ng pautang at upa sa makinarya, pagpapababa hanggang mapawi ang upa sa lupa, pagpapapataas ng produksyon at pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang-bukid, pagpapataas ng presyo ng produkto ng mga magsasaka, dibersikpikasyon ng produksyon, pagpapaunlad ng mga kinakailangang imprastruktura at sa mga lugar na kakayanin nang makapanatili at ipagtanggol ng BHB, OKP at samahang magsasaka ay kakamtin ang piling maksimum na layunin na pagkumpiska ng malalawak na lupain ng mga despotikong panginoong maylupa. Dahil sa paglakas ng BHB, naparusahan ang mga sagadsarin, malalaki at nasa kapangyarihang panginoong maylupa, at mga operasyong mapanira ng kalikasan. Sa kasaysayan ng pag-iral ng rebolusyonaryong armadong pwersa sa rehiyon, ipinagpapasalamat ng nalawak na masa ng Lambak Cagayan ang pagsawata ng BHB sa mga tulisan at kuraddog.
Sa pagsidhi ng krisis sosyo-ekonomiko, at pagkalantad sa bulok at pasistang katangian ng neokolonyal na estado, mas lalong nag-aalab ang damdamin ng mga magsasaka na wakasan na ang daan-taong pagsasamantala. Tanging sa paglahok at pagpapalakas lamang ng armadong pwersa sa kanayunan maibabagsak ang pyudalismo na magpapahina sa kawing ng imperyalismo sa lipunang Pilipino. Kasabay ng paniningil sa rehimeng US-Marcos Jr sa paglala ng kalbaryo ng mga magsasaka, ngayon higit kailanman, dapat paigtingin ang digmang magsasaka sa kanayunan at malawakang itayo ang Pulang kapangyarihan.