Magsasaka, labanan ang lumalalang kahirapan, tahakin ang landas ng pambansa demokratikong rebolusyon

,

Ngayong Buwan ng Magsasaka, pinagpupugayan ng NDFP-ST ang mga magsasaka na pangunahing pwersa sa produksyon ng bayan at pangunahing pwersa din ng rebolusyong Pilipino. Isinusulong ng NDFP-ST ang makatarungang pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan sa gitna ng pang-aatake sa magsasaka at pag-aabandona ng estado sa agrikultura. Napapanahon na ipamalas ng mga magsasaka ang kanilang dambuhala at di-magagaping lakas bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon sa ilalim ng muling pamamayagpag ng pamilya Marcos sa kapangyarihan, sa pakikipagkutsabahan sa tiranikong angkan ng mga Duterte.

Isinusuka ng bayan si Marcos Jr. dahil hanggang ngayon, patuloy na pinagkakaitan ang mga magsasaka ng tunay na reporma sa lupa. Pinalala niya ang konsentrasyon at pangangamkam ng mga panginoong maylupa (PML), malalaking burgesya kumprador (MBK) at dayuhang korporasyon sa lupa sa kapinsalaan ng mga magsasaka. Laganap ang pagpapalit-gamit ng lupa sa anyo ng mga plantasyon, proyektong eko-turismo, minahan at mga negosyong komersyal at residensyal. Upang pahupain ang galit ng magsasaka, isinabatas ni Marcos Jr. ang huwad na New Agrarian Emancipation Act. Subalit hindi nito tinutugunan ang suliranin sa lupa. Kung wala o kulang sa lupa ang magsasaka at walang pambansang industriyalisasyon, hindi sila tunay na uunlad at lalaya mula sa pagkaalipin.

Pinapatay ni Marcos Jr. ang magsasaka sa gutom habang nangangalihim sa Deparment of Agriculture (DA). Bilang kalihim, itinulak niya ang todo-largang importasyon ng mga produktong agrikultural sa palusot na pabababain nito ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Subalit sa aktwal, taliwas ang nangyayari dahil tumambad sa unang taon ni Marcos Jr. ang higit na pagtaas ng presyo ng bigas, asukal, itlog, karne at iba pa. Hindi makakalimutan ng mamamayan ang pagsirit ng presyo ng bigas na umaabot na sa P50-60 bawat kilo nitong Setyembre 2023 at sibuyas na umabot ng halos isang libo kada kilo noong 2022. Walang nagawa ang ipinataw na price cap sa bigas na binawi rin makalipas ang isang buwan. Panakip-butas at walang saysay din ang mga ipinagmamalaking “Kadiwa store” na proyekto ng pamilya Marcos bukod sa pinakikinabangan pa ng mga burgesyang kumprador ang mga smuggled goods.

Samantala, walang pambili ang masang magsasaka sa sobrang mahal ng presyo ng bilihin at pambabarat sa kanilang produktong bukid. Sa Timog Katagalugan, nasa P14-19/kilo ang bili sa palay sa farmgate, malayong malayo sa P50-60/kilo na presyo ng bigas sa pamilihan. Walang kinikita ngayon ang mga magtutubó at mga manggagawa sa tubuhan matapos magsara ang ilóhan sa Central Azucarera de Don Pedro Inc. sa Nasugbu, Batangas noong Disyembre 2022. Pero pinanatili namang bukas ang refinery department nito para sa gilingan ng imported raw sugar.

Ang tanging nakinabang sa labis na importasyon ng mga produktong agrikultural ay ang mga dayuhang importer, mga kumprador burges kasama ang mga smuggler na kasabwat nina Marcos at Duterte. Patunay nito ang walang napapanagot na mga utak ng smuggling sa bansa sa gitna ng mga palabas na reyd ng ilehitimong rehimen. Dahil matindi na ang disgusto kay Marcos Jr. bilang kalihim ng DA dahil sa palpak niyang mga programa at hakbangin, aalis na siya rito at papalitan ng isa sa kanyang mga kroni. Umuugong na papalit sa DA si Francisco Tiu Laurel Jr., isa sa mga top donor sa pondo sa pangangampanya sa eleksyon 2022 ni Marcos.

Patuloy na inaabandona ng estado ang sektor ng agrikultura. Nananatiling atrasado, maliitan at hiwa-hiwalay ang pagsasaka dahil wala sa interes ng estado na paunlarin ito. Lalaanan lamang ng P197.84 bilyon ang badyet sa agrikultura at repormang agraryo, mas mababa pa sa abereyds ng mababa nang badyet nito sa nakaraang 40 taon. Dahil dito, naghihingalo ang sektor sa harap ng pananalasa ng globalisasyong neoliberal ng imperyalismo.

Samantala, bilang solusyon sa krisis sa pagkain, pinapakana ni Marcos Jr. ang panunumbalik ng programang Masagana 99 ng yumao niyang amang diktador. Tinuran niya itong Masagana 200 ngunit mananatili itong iskema para sa rekonsentrasyon ng mga lupa ng magsasaka sa mga panginoong maylupa at iba pang kroni ng mga Marcos at Duterte. Ipinatutupad na ito ni Marcos Jr. sa mga piling palayan sa Mindanao. Tulad ng panahon ng diktadura, asahang mababaon sa utang ang mga magsasaka sa pagbili ng mga binhing nakaasa sa pataba at pestisidyong ibinebenta ng mga dayuhang korporasyon sa agrokemikal.

Ang mga ipinatutupad na patakaran ni Marcos Jr. ay nakaayon sa plano ng imperyalismong US na panatilihing malapyudal ang Pilipinas para magsilbing taga-suplay ng hilaw na materyales at bagsakan lamang ng mga yaring produkto. Tulad sa nakaraan, kinukutsaba nito ang mga naghaharing malalaking kumprador-panginoong maylupa na nagsisilbing ahente ng US sa padron ng kolonyal na kalakalang ito. Halimbawa nito ang sinapit ng lokal na industriya ng niyog na naging bulnerable sa pagbagsak at pagtaas ng demand ng internasyunal na pamilihan dito. Nilalamon na rin ito ng industriya ng palm oil na nanghihimasok sa piling probinsya ng bansa. Kung kaya’t naghihirap ang mga magniniyog sa pagbagsak ng presyo ng kopra. Sa Quezon, naglalaro lamang sa P26-29/kilo ang bili sa kopra. May banta pa na maaari pa itong bumagsak kagaya ng sinapit noong panahon ng pandemya. Wala ring kakayahan ang bansa na iproseso sa iba pang produkto ang langis mula sa kopra dahil wala itong mga batayang industriya at nakaasa lamang sa pagbebenta ng langis sa mga multi-national na korporasyon.

Ninanais ng mga magsasaka na makaalpas na sa ganitong alipin at busabos na kalagayan. Ang mahigpit nilang pakikibaka ay sinusupil ng estado. Dumaraming magsasaka ang pinapatay sa gitna ng hibang na kontra-rebolusyonaryong gera ng ilehitimong rehimen.

Pinatutunayang higit na nagiging makatarungan ang pagsusulong ng masang magbubukid ng armadong rebolusyon upang makamit ang kanilang demokratikong kahilingan. Itinataguyod ng demokratikong rebolusyong bayan ang rebolusyong agraryo na may maksimum na layuning kumpiskasyon ng lupain ng mga PML at MBK at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, habang ang minimum na layunin nito ay pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid at pagtataas ng presyo ng produktong bukid. Palagiang layunin nitong ibunsod ang pagpapataas ng antas ng kooperasyon at produktibidad ng mga magsasaka.

Dapat na patuloy na isagawa ng rebolusyonaryong pwersa ang malawakan at puspusang pag-oorganisa sa hanay ng mga magsasaka. Nararapat na palakasin ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid, ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, para sa pagsusulong ng kagalingan nila. Kailangang makipagkapit-bisig ang magsasaka sa manggagawa, upang patatagin ang saligang alyansa at higit na mapapalawak ang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Dapat palakasin at sumapi ang masang magsasaka sa New People’s Army (NPA) para paigtingin ang digmang bayan. Ang NPA ang tunay na Hukbo na nagtatanggol at katuwang ng magsasaka sa paglaban para sa makauring interes sa lupa upang unti-unting maibagsak ang kapangyarihan ng uring panginoong maylupa.

Itayo at palaganapin ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at piling mga bayan. Ang paglakas ng armadong paglaban sa kanayunan ang matibay na likuran ng paglawak at pagtatag ng Pulang kapangyarihan upang matiyak ng mga magsasaka ang karapatan sa lupa at iba pang demokratikong kahilingan ng mga api’t pinagsasamantalahang uri.

Tanging sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba makakalaya ang magsasaka sa pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang tanging katubusan ng masang magsasaka at iba pang inaaping uri at sektor para kamtin ang maunlad at masaganang kinabukasan.###

Magsasaka, labanan ang lumalalang kahirapan, tahakin ang landas ng pambansa demokratikong rebolusyon