Magsasaka sa Leyte, dinakip ng militar
Kasunod ng mga opensiba ng BHB sa Leyte, mga sibilyan ang patuloy na ginagantihan ng pasistang militar. Hinuli ng mga pasistang tropa ang magsasakang kinilala sa pangalang “Loloy,” residente ng Barangay Masuganao, Mahaplag, Leyte, noong Oktubre 16 sa paratang na tagasuporta umano siya ng BHB.
Isang maralitang magsasaka at ordinaryong sibilyan si “Loloy.” Nakatira siya sa nasabing interyor na barangay dahil wala siyang ibang matirahan o lupang mapagtatrabahuan. May isa siyang anak na may sakit sa pag-iisip at hindi malinaw kung ano ang kalagayan nito matapos dakpin ang kanyang ama, lalupa’t hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapakawalan si “Loloy.”
Kinundena ng BHB-Mt. Amandewin Command ang patraydor na pagganti ng militar sa mga walang kalaban-labang mga sibilyan. Walang humpay pa rin ang paglabag sa mga kaparatang pantao sa mga komunidad ng magsasaka sa ilalim ng kanilang paghaharing militar.
Sa ulat ng mga residente, nililigalig din ng mga sundalo ang mga karatig-baryo ng Masuganao. Ipinapakalat dito ang disimpormasyon at intrigang dala ng kanilang mga ahenteng militar at aset na masugid na tagasunod ng utos ng mga pasistang sundalo.
Pinuna rin ng BHB-MAC ang lantarang pagsisinungaling ng 8th Infantry Division. Matatandaang noong 2015 ay isa ang Mahaplag sa 42 bayan sa Eastern Visayas na idineklara ng nasabing yunit bilang “rebel-free.”
“Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na panghahalihaw ng kanilang mga tropa sa mga komunidad sa nakaraang isang dekada, sila mismo ang nagpapatunay na sinungaling ang 8th ID,” ani Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte Island.