Mahigpit na hawakan ang ating armas! Ibayong isulong ang armadong pakikibaka!
Itinatakwil ng NPA-Southern Tagalog ang pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año noong Agosto 19 na hindi manunumbalik ang peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP hanggat hindi itinitigil ang armadong pakikibaka na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP sa bansa. Sa esensya, hinahamon ng pasistang heneral ang armadong rebolusyonaryong kilusan na magsalong ng armas bilang kundisyon sa muling pagbubukas ng negosasyon. Gasgas na ang ganitong taktika na tusong isinasangkalan ang peace talks upang pahinain ang NPA at lipulin ang rebolusyonaryong kilusan.
Iresponsable ang pahayag na ito at naglalantad sa pagiging sagadsaring pasista at tuta ni Año. Taliwas ito sa diwa ng negosasyong pangkapayapaan na kumikilala sa lehitimong paghihimagsik ng mamamayang Pilipino na umabot na sa antas na nakakapagpatupad ng sariling paggugubyerno. Nilalapastangan nito ang prinsipyo ng belligerency na siyang salalayan kaya pantay na naghaharap ang GRP at NDFP sa mesa ng negosasyon. Nakamit ng rebolusyonaryong gubyerno ang katayuang ito sa ilang dekadang pag-iral, paglawak at paglalim ng saklaw nito. Ang militaristang pananaw ni Año ay hinalaw niya sa anti-komunistang indoktrinasyon sa kanya ng US.
Katawa-tawa rin ang pagpaparatang ni Año sa CPP-NPA-NDFP na hindi sinsero sa pakikipag-usap sa reaksyunaryong gubyerno, gayong sa napakaraming kaso, ang GRP ang laging nauuna sa pagbali sa mga kasunduan at pataksil na nang-aatake sukdulang patayin ang mga lider ng rebolusyon. Halimbawa ng pananabotahe sa proseso ng negosasyon ang pang-iintriga ni Año na “hindi nagkakasundo” ang mga pwersa ng CPP-NPA-NDFP. Patunay umano nito ang mga “localized talks” na nagaganap. Mula’t sapul, inilinaw ng CPP na hindi kailanman ito pumapasok sa mga lokalisadong negosasyon; ang mga sinasabi nilang “localized peace talks” ay pawang mga palabas na dayalogo sa mga kinontrata nilang “rebel returnees”. Paulit-ulit na itong inilantad bilang isa sa mga kontra-kapayapaang pakana ng GRP.
Nagkakaisa ang NPA sa pagbabasura sa pahiwatig ni Año na “sumuko na” upang maituloy ang peace talks. Hindi kailanman isusuko ng NPA ang armadong paglaban na pangunahing paraan para kamtin ang tunay na panlipunang pagbabago at batayan ng pag-iral ng rebolusyonaryong kapangyarihan. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, napagtagumpayan ng rebolusyonaryong mamamayan na lutasin ang kanilang mga suliranin, manatili sa at magpalawak ng kanilang lupang binubungkal at labanan ang panghihimasok ng mga dayuhan at mapanirang proyekto dahil mayroon silang armadong hukbo, ang NPA, na nagtatanggol sa kanilang interes. Buhay na buhay hanggang ngayon ang mga tagumpay na natamo sa higit limang dekadang pagsusulong ng armadong pakikibaka, kabilang na ang paglalansag sa mga pastuhan at asyenda upang mabungkal ng mamamayan ang mga lupaing ito, pagbuwag sa mga sindikato ng magnanakaw at pamamarusa sa mga pasistang kaaway. Katuwang din ng mamamayan ang NPA sa pagtataas sa kanilang pampulitikang kamulatan at pag-oorganisa sa kanilang hanay upang iangat ang lokal na produksyon at makabangon mula sa mga sakuna.
Mamumuti ang mata ni Año sa pangangarap nang gising na basta na lamang bibitawan ng mga NPA ang kanilang armas. Saanman may pang-aapi at pagsasamantala na ipinapataw ng iilang naghahari sa mayorya ng pinagsasamantalahan, makatwiran ang paghawak ng armas upang labanan ang estado na marahas na instrumento ng naghaharing uri laban sa masang anakpawis. Mahaba na ang kasaysayan na nagpapakitang hindi sapat ang mga ligal na mekanismo ng pakikibaka para kamtin ng masang api ang kanilang mithiin, lalung-lalo na ang karapatan sa lupa. Hindi ba’t higit kalahating siglo nang bigo ang reporma sa lupa na alok ng reaksyunaryong gubyerno? Sa buong bansa, palasak ang mga kwento ng lupang ipinamahagi sa balangkas ng CARP na muling kakamkamin o `di kaya’y maibebenta dahil sa hirap ng buhay ng magsasaka.
Ang katutubong pyudalismo at malapyudal na pagsasamantala ang isa sa ugat ng kahirapan ng mayorya ng Pilipino. Hindi kailanman ito malulutas ng mga huwad na programang pangkaunlaran na inilalako ng rehimen sa balangkas ng retooled community support program, barangay development program at mga katulad. Hindi tinatangkilik ng mamamayan ang mga pantapal na solusyong ito laluna’t kakambal ng mga ito ang mga operasyong militar at kampanyang pagpapasuko. Sa kabilang banda, hayok na hayok ang mga militar na magpatupad ng ganitong mga programa dahil patatabain nito ang kanilang mga bulsa.
Ang higit daan-taong suliranin sa lupa—ang monopolyo rito ng iilang pamilya at mga dayuhan habang wala o kulang sa lupa ang mayorya ng magsasaka—ay imposibleng ganap na malutas sa diplomatikong paraan hanggat hawak ng mga panginoong maylupa-burgesya kumprador ang estado at nakakubabaw ang imperyalismo. Kailangan ang isang armadong kilusan ng mamamayan, na kinakatawan ngayon ng NPA, upang isakatuparan ang rebolusyonaryong programa sa lupa at tugunan ang adhika ng mga magsasaka. Mayor na programa ng demokratikong rebolusyong bayan at sentrong tungkulin ng NPA ang pagwasak sa kapangyarihan ng mga PML-MBK sa kanayunan. Ito ang dahilan kaya tinatamasa ng NPA ang malawak na suporta ng masang magsasaka at patuloy na sumasapi ang mabubuting anak ng bayan sa NPA.
Mahigpit na hawak ng mga Pulang mandirigma at kumander ng NPA ang kanilang sandata habang nagpupunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan. Higit pa sa armas, armado ang Hukbong bayan ng wastong pagsusuri sa lipunang Pilipino at nag-uumapaw na rebolusyonaryong determinasyong wakasan ang bulok at mapang-aping sistema. Lulunurin ng sigaw ng himagsikan ang walang kwentang pagngangawa ni Año at mga kasapakat niyang pasista.