Pahayag

Maitim na simbolo ng pang-aapi ang bahay-resort ni Marcos sa Malacañang

,

Sa pagwawaldas ng daan-daang milyong pisong pera ng bayan—marahil sobra pa—para itayo ang isang “ala-resort” na bahay ng presidente sa bakuran ng Malacañang, lalo pang inihiwalay ni Marcos ang kanyang sarili sa mga Pilipino at inudyukan ang mas malalim at mas malawak nilang poot.

Sa gitna ng tumitinding kahirapan, gutom, at hirap na dinaranas ng mayorya ng mga Pilipino, ang bahay-resort sa Malacañang, ang tinaguriang Bahay Pangulo, ay malaswang pagpapakita ng karangyaan ng mga Marcos. Sinasalamin nito ang bantog na nakasusulasok na pamumuhay ng kanilang inang si Imelda. Manang-mana talaga! Sa pagpapakasarap-buhay ngayon ni Marcos sa Malacañang, hindi na ikabibiglang kung pinaplano niyang magtagal doon.

Patuloy na nagbibingi-bingihan si Marcos sa sigaw ng malawak na masa na gamitin ang pondong pampubliko para maibsan ang kanilang araw-araw na pagdurusa. Sa halip, ginamit niya ang pera ng bayan para itayo ang bahay-resort na inaasam-asam ng kanyang pamilyang lango sa luho at kalabisan.

Ang bahay-resort ni Marcos ay malinaw na nagpapakita kung paanong ginagamit ng mga burukratang kapitalista ang kanilang pusisyon sa gubyerno sa Pilipinas para magpakasasa sa pribilehiyo. Kasuklam-suklam si Marcos sa paggamit ng pondo ng publiko sa sunud-sunod na pagbiyahe sa ibang bansa, paggamit ng helikopter upang makaiwas sa trapik, pagdaos ng mga pribadong konsyerto, at para sa iba pang magarbong gastusin.

Higit pa sa mga ito, ginamit ni Marcos ang kanyang kapangyarihan at impluwensya upang paisa-isang maipabasura ang mga kaso ng katiwalian laban sa kanilang pamilya, na nagbigay daan para mabawi nila ang daan-daang bilyong pisong ninakaw na yaman. Hindi bababa sa ₱2.3 bilyon ng pera ng bayan ngayon ang naibulsang muli ng mga Marcos.

Ang bahay-resort ni Marcos ay isang pasanin na ipinabalikat sa mga Pilipino. Sa ilalim ni Marcos, pabigat nang pabigat ang mga ipinapataw sa malawak na masa na karagdagang mga buwis, mabibigat na bayarin, tumataas na presyo, mababang sahod, kakulangan ng kita, at pagkakamkam ng kanilang lupa at kabuhayan.

Sa pagtatayo niya ng kanyang bahay-resort sa Malacañang, itinatag ni Marcos ang isang maitim na simbolo ng pang-aapi sa mamamayang Pilipino.

Maitim na simbolo ng pang-aapi ang bahay-resort ni Marcos sa Malacañang