Maj. Gen. Morados at Philippine Army, ipokrito at nagbabalat-kayo bilang tagapagtaguyod ng karapatang pantao
Isang kaipokratihan para sa Philippine Army at kay Major General Efren Morados ang pagpostura niya bilang tagapagtaguyod ng karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Ipinagmayabang pa niya ang hungkag at pawang sa papel lamang na “12 Basic Soldiers’ Rules” nito sa naging pagbisita at pakipagpulong kay ICRC Philippine Delagation Head Johaness Bruwer nitong nagdaang Oktubre 30, 2025.
Nagbabalat-kayo at tila bang nakakalimot ang Philippine Army at si Morados sa sariling rekord at command responsibility sa mga paglabag sa karapatang pantao at intermasyunal na makataong batas. Isa si Morados sa mga general na pumalakpak at sumaludo kay Rodrigo Duterte sa paulit-ulit na mandato nito na patayin ang lahat ng kasapi ng rebolusyunaryong kilusan, barilin ang mga kababaihang mandirigma ng NPA sa maselang bahagi ng katawahan nito, huwag kilalalin ang karapatang pantao at pagkunsente sa armadong pwersa ng estado sa anumang paglabag sa ngalan ng kontra-insurhensyang kampanya.
Ang pagbalewala sa karapatang pantao at kawalang pananagutan ay patakaran ng reaksyunaryong estado na bumuwelo at lumalala sa panahon ni Rodrigo Duterte, at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, ang promosyon ni Morados ay bunga ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas na ibinigay bilang pabuya ng reaksyunaryong estado dahil sa masugid nitong pagsunod sa kampanya panunupil sa nakikibakang mamamayan sa Eastern Visayas.
Ipapaalala lamang natin kay Morados na katulad ng kanyang idolong si Rodrigo Duterte, bumuwelo at lumalala ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Northern Samar at sa rehiyon ng Eastern Visayas sa panahong naging assistant at commander ng 803rd Infantry Brigade ito mula 2021 at kalauna’y bilang assistant vice commander ng 8th ID. Ipinapaalala rin natin ito sa International Committee of the Red Cross para maging mas mapanuri sa tunay na kalagayan ng mamamayan ng Eastern Visayas.
Ipinailalim ni Morados at 8th ID sa batas militar ang mahigit 500 na mga barangay sa Northern Samar sa pamamagitan ng pagpakat ng mga yunit ng RCSP nito sa loob ng mga komunidad, pag-okupa sa mga pampublikong pasilidad at mismong kabahayan ng mga magsasaka. Ang mga RCSP unit ang nangungunang makinarya para maghasik ng lagim ng terorismo ng estado sa kanayunan. Pwersahan at paulit-ulit nilang pinasusuko ang mga magsasaka kahit na ang mga bata. Iniatas rin ni Morados ang “shoot-to-kill” order sa kanyang mga sundalo sa mga magsasakang tumangging “magpaclear” ng kanilang mga pangalan. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, ginagawang hostage ng mga yunit militar ang pamilya ng mga magsasakang pinaghihinalaang kasapi ng rebolusyunaryong kilusan.
Sa panahon din ni Morados tumindi ang pagbalewala sa sibilyang otoridad. Ipinailalim nito sa matinding presyur at saywar ang mga konseho para magpasa ng resolusyong nagdedeklarang “persona non grata” laban sa rebolusyunaryong kilusan at para buuin ang mga BTF-Elcac. Kinasangkapan ng militar ang konseho sa pagpapasuko para sa promosyon at kikbak sa pondo ng E-CLIP at paggawa ng mga resolusyon para sa SBDP na gatasan ng korapsyon. Ipinatupad ang mga restriksyon sa baryo tulad ng pagla-logbook sa mga paglabas-pasok ng magsasaka; paglimita sa oras sa kanilang mga sakahan at bukirin para sa hanapbuhay hanggang sa mga serye ng lockdown o paghahamlet.
Hindi pa nakontento si Morados at ang 8th ID, pinapatay din nito ang mga magsasaka. Kabilang dito sina Nilo Loyogoy ng Victory, Las Navas noong Agosto 2021; armadong pag-atake ng yunit ni Lt Macallan sa bahay at pagpatay kay Jonny Gorpido ng San Miguel, Las Navas noong Oktubre 2022. Samantalang noong 2023 ay inambus at pinatay si Jet Mendez habang pauwi sa kanyang bahay sa bukirin. Pinatay ang magsasakang si Pido Mendez at niratrat ng bala ang bahay nito sa bukirin ng San Jose, Mapanas. Gayundin ang pagdakip at pagpatay sa sibilyang si Ryan Arnesto sa Barangay Osmena, Palapag noong July 2024.
Tulad sa Oplan Tokhang, ginamit din ni Morados at ng 8th ID ang “nanlaban” na termino sa kontra-insurhensyang kampanya para bigyang hustipikasyon ang mga pagpatay sa mga non-combatant na kasapi ng rebolusyunaryong kilusan. Kabilang dito ang mga mag-asawang retirado na sina Amadeo “Ka Butil” at Maria Norie “Ka Tutri” Adelantar at Rodrigo “Ka Akag” Lorizo at Nancy “Ka Mema” Rotamola na parehong pinatay noong 2022. Noong June 2025 naman ay minasaker ang mga hors de combat na sina Juanito “Ka Tibor” Selleza Jr at Sadam “Ka Dimple” Paclita at medik na si Lino “Ka Dodong” Delante sa Leyte. Samantalang hinuli ng buhay at pinatay noong Agosto si Edwin “Ka Alas” Ventura habang di armadong nagsasagawa ng rekon sa paligid ng kanilang himpilan.
Ginamit din nito ang terminong “heavily fortified” na himpilan ng BHB upang pagtakpan ang “overkill” at paggamit ng superior na armas at pag-atake mula sa ere ng mga fighter jet nito na may dalang smart bomb na hindi lamang pumatay kundi bumaboy sa katawan ng mga mandirigma. Kabilang sa mga aerial strike:
- Agosto 16, 2021 sa Dolores, Eastern Samar kung saan mahigit dalawampung mandirigma ang nasawi
- Hulyo 7, 2022 sa Gayondato, San Jorge, Samar
- Nobyembre 23, 2022 sa Imelda, Las Navas kung saan anim ang nasawi
- Abril 30, 2023 sa Bobon, Northern Samar kung saaan pitong kasama ang nasawi
- Disyembre 2, 2024 sa Paco, Las Navas kung saan anim ang nasawi
- Hulyo 31, 2025 sa San Isidro, Las Navas kung saan pitong kasama ang nasawi
Nariyan din ang pagdukot, pagtortyur, pagpatay at pagpasabog ng mga pasistang tropa ng 8th ID sa bangkay ng mag-asawang Wilma “Ka Bagong Tao” Austria at Benito “Ka Laan” Tiamzon kasama ang iba pang mga kasama noong Agosto 22, 2022 sa bahagi ng Western Samar.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa maraming kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas at ang kawalang pananagutan ng Philippine Army, ni Morados at ng reaksyunaryong estado.
Panahon na para hubaran ng masakara ang Philippine Army at ni Morados. Ang konsepto at paggamit ng karapatang pantao para sa mga pasista ay hindi para ipagtanggol ang mamamayan sa kanilang demokratikong hangarin. Ginagamit nila ito upang depensahan, ipagtanggol at panatilihin ang kasalukuyang sistema ng naghaharing reaksyunaryong estado na nakakasulasok dahil sa labis na pagkabulok at nayayanig sa tindi ng galit ng mamamamayan sa kawalang pananagutan.