Makatarungan at kailangan ang armadong rebolusyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChineseBisaya

Binasura ng Manila Regional Trial Court noong Setyembre 21 ang kaso ng “teroristang proskripsyon” laban sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Bigo ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), sa pamamagitan ng Department of Justice, na patunayan ang paratang nilang terorismo laban sa PKP at BHB. Sa 135-pahinang desisyon nito, sinabi ng korte na ang PKP at BHB ay dapat matamang ituring na mga rebelde, o masasabi naming mga rebeldeng may layunin—ang pambansa demokratikong mithiin.

Ang PKP, kinatawan ng uring manggagawa, at ang BHB, hukbong nakabase sa uring magsasaka, ay kumakatawan sa pinakamaraming bilang, at pinakaapi at pinakapinagsasamantalahang mga uri sa Pilipinas. Ang mga pilit na nagkakabit ng bansag na terorista sa PKP at BHB ay yaong mga nagnanais na tabunan o tutulan ang kanilang rebolusyonaryong pampulitikang mithiin.

Dapat puspusan nating ilantad kung sino talaga ang mga nagbabansag na mga terorista: mga pasista at manunulsol ng gera, mga nagtatanggol sa mapang-api, mapagsamantala, bulok at korap na status quo. Sila ay mga imperyalistang ahente at alipures ng naghaharing mga uri. Lumilikha sila ng ingay tungkol sa “terorismo” para lunurin ang patriyotiko at demokratikong kahingiian ng mamamayang Pilipino, na sinasalamin sa konstitusyon at programa ng PKP.

Gumagamit sila ng pambabansag na terorista dahil tutol sila sa kahingian para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Tutol sila sa panawagan para itaas ang sahod ng mga manggagawa dahil taliwas ito sa patakaran nang pang-eengganyo sa dayuhang pamumuhunan. Pabor sila sa pribatisasyon at pagbibigay sa hayok-sa-tubong mga kapitalista ng kontrol sa mga ospital, paaralan, serbisyo sa tubig, kuryente, telekomunikasyon, at maging mga daanan at tulay at iba pang pampublikong imprastruktura sa bansa.

Tutol sila sa makabuluhang pagtaas ng badyet para makapagkaloob ng libreng edukasyon at serbisyo sa pampublikong kalusugan, at sa halip ay gustong dagdagan ang salapi para sa magastos at grandyosong mga proyektong imprastruktura kung saan ang mga buruktrata, tulad ng marami sa kanila, ay nakapagbubulsa ng malaking kita. Sunud-sunuran sila sa neoliberal na mga patakarang dikta ng IMF at World Bank, kabilang ang liberalisasyon sa pag-iimport na nagresulta sa pagbaha sa bansa ng mga produktong imported sa kapinsalaan ng lokal na nagmamanupaktura at prodyuser sa agrikultura.

Tutol sila sa matagal nang panawagan para sa pagbabasura sa lahat ng hindi pantay na mga tratadong militar sa US at patuloy na pagtutulak ng dagdag na ayudang militar mula sa US—mga jetfighter, helicopter gunship, bomba, mga howitzer, baril at bala—para sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi nila ipinagtatanggol ang lupang teritoryo at karagatan ng bansa laban sa tropang mananakop na China o Amerikano. Marami sa mga nangbabansag na terorista sa Pilipinas ay mga panatikong maka-US.

Mga militarista ang mga mambabansag na terorista na gustong ipailalim ang bansa sa paghahari at paghihipit ng militar at pulis. Gusto nilang isuko ng mamamayan ang lahat ng kanilang mga karapatan—mula sa kanilang kalayaan sa pagpapahayag at kanilang karapatan na mag-organisa, hanggang sa kanilang karapatan sa anonimidad at pribasiya. Gusto nilang mas maraming pera ang mapunta sa militar at pulis at magtatag ng estadong nagsasarbeylans. Para sa kanila, ito ang kanais-nais na kundisyon para manaig ang “kapayapaan at kaayusan.”

Tutol sila sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ayaw nilang bigyan ng atensyon ang batayang mga sosyoekonomikong problema at matugunan ang mga ito pabor sa uring manggagawa at magsasaka. Noong 2017, sa udyok ng US, idineklara ng tiranong si Duterte ang PKP at BHB bilang mga terorista para wakasan ang negosasyong pangkapayapaan, kung kailan ang mga panel sa kapayapaan ay nakatakdang pumirma ng kasunduan kaugnay ng reporma sa lupa at iba pang mahahalagang reporma sa ekonomikong patakaran–ang pinaka-ubod ng negosasyong pangkapayapaan. Kasunod na pinakawalan ni Duterte ang isang kampanya ng pagpaslang–na pumatay sa hindi bababa sa 15 konsultant pang-kapayapaan ng NDFP mula noon.

Sa desisyon ng Manila RTC, bumalintong ang mismong pagdadahilan sa anti-mamamayan at brutal na kontra-insurhensyang gerang inilulunsad ng AFP. Inilalantad nito na malaking kahungkagan ang “gera sa terorismo” ng AFP. Inilalantad nito ang katotohanang ang gera kontra-insurhensya ng AFP ay walang iba kundi gerang panunupil at pasipikasyon, isang gera para supilin ang iba’t ibang mga porma ng pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Nakikipagkaisa ang PKP at BHB sa lahat ng patriyotiko at demokrata sa Pilipinas na nagnanais makamit ang hangarin ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Maaaring hindi lahat ng patriyotiko at demokrata ay sang-ayon sa pangangailangan para sa armadong pakikibaka, o maaaring hindi pa sila handa na lumahok sa armadong pakikibaka, pero hindi maitatatwa ang makasaysayang katotohanan na ang armadong pakikibakang inilulunsad ng BHB ay isa sa pinakaimportanteng sandata ng mamamayang Pilipino sa kanilang paglaban sa diktadurang US-Marcos at 14 na taong batas militar; at ngayon, nananatiling makatarungan at kinakailangang anyo ng paglaban sa harap ng terorismo ng estado at paghaharing militar, laluna sa kanayunan.

Patuloy na naglilingkod bilang susing sandata ng malapad na masa ang BHB, laluna ng mga magsasaka, para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at buhay laban sa pang-aabuso at brutalidad ng pasistang mga halimaw ng AFP. Tunay na, para sa ilampung libong Pilipino, ang pagsapi sa BHB ang tanging masusulingan nila para ipagtanggol ang kanilang sarili, kabuhayan, ang kalikasan at kanilang likas na yaman.

Sa paglulunsad ng armadong pakikibaka, sinusunod ng BHB ng pinakamataas na pamantayan sa pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga sibilyan. Tumatalima ito sa striktong mga alituntunin ng disiplina, at sa mga gabay na inilatag ng internasyunal na makataong batas. Ito ang batayang prinsipyo ng BHB na mauugat mula sa katotohanang ang mga Pulang mandirigma ng BHB ay nagmumula mismo sa mamamamyan. Hindi uunlad ang BHB nang walang suporta ng mamamayan. Pumapailalim ang BHB sa pagpuna ng masa at mapagkumbabang nagpupuna-sa-sarili sa harap nila. Sa gayon, mahigpit na nagkakaisa ang BHB at mamamayan at magkasamang nakapagpapalakas.

Humaharap ngayon ang mamamayang Pilipino sa sumisidhing kalagayan sa ilalim ng nagnanaknak na sistemang malakolonyal at malapyudal. Nagdurusa sila sa anti-mamamayan at anti-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Marcos II na nakakiling sa pagtitiyak at pagpapalawak ng yaman ng mga Marcos at sa pagpapanatili sa kanilang dinastiya sa pulitika. Si Marcos Jr ang pinakahalimbawa ng naghaharing uring walang pakikiramay sa pagdurusa ng masang anakpawis.

Sa harap ng sumisidhing krisi, hinihikayat namin ang mamamayang Pilipino, laluna ang mga manggagawa at magsasaka, gayundin ang mga kabataan, mag-aaral, guro, mga nasa akademya, abugado, manunulat, mamamamhayag, mga doktor, nars at iba pang mga propesyunal, na maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang mga mithiin.

Hinihikayat namin ang lahat na mag-organisa, lumahok sa pambansa-demokratikong pakikibaka at sumali sa iba’t ibang lihim na mga organisasyong alayado ng National Democratic Front of the Philippines. Hinihikayat namin ang lahat ng malusog ang katawan at isip na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at nananawagan kami sa lahat ng mga Pilipino na suportahan ang BHB sa paglulunsad nito ng makatarungan na armadong rebolusyon para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Makatarungan at kailangan ang armadong rebolusyon