Makauring digma ang wawakas sa pang-aapi't pagsasamantala sa kababaihan at lahat ng mamamayan ng daigdig
Pinagpupugayan ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang lahat ng kababaihan sa dagidig, laluna ang kababaihang anakpawis na nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya ngayong Pangdaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis. Gunitain natin ang makasaysayang araw na ito sa higit pang pag-aalab ng ating rebolusyonaryong diwa. Patuloy nating isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa tanglaw ng kilusang pagwawasto upang bigwasan ang rehimeng US-Marcos II at salagin ang hagupit ng kahirapan at pasismong dulot ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Dakilain natin ang mga kababaihang martir at lider ng rebolusyonaryong kilusan na sina Lorena Barros, Leticia Ladlad, Rizalina Ilagan, Jessica Sales, Cristina Catalla, Wilma Austria-Tiamzon, Myrna Sularte, Concha Araneta, Josephine Mendoza, Andrea Rosal, Racquel Aumentado, Charity Diño, Junalice Arante-Isita at iba pang mga kababaihang martir na nag-iwan ng kanilang natatangi at makabuluhang ambag sa pagsulong ng digmang bayan.
Mula’t sapul, napakalaki na ng bahagi ng kababaihan sa kilusang pagpapalaya sa Pilipinas at buong daigdig. Dinudurog nila ang depinisyon ng pyudal-patriyarkal na lipunan sa mga kababaihan bilang pambahay, mahina, pang-aliw, pangkama at iba pang terminong yumuyurak sa mga karapatan ng kababaihan at nagkakahon sa napakalaking potensyal at papel nila sa pagbabago ng lipunan.
Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, umalpas sina Gabriela Silang, Gregoria de Jesus, Melchora Aquino (Tandang Sora) at iba pa nilang kakontemporaryo sa kolonyalismo at mababang pagtrato sa kababaihan. Hindi sila nangiming humawak ng mga armas at gumampan sa mapanganib ngunit dakilang gawaing pulitiko-militar sa ngalan ng pagtatanggol sa bayan at kalayaan.
Nang saklutin ng imperyalismong US ang Pilipinas ng dalawang ulit at kahit sa harap ng pasistang pananalasa ng Japan, hindi nagmaliw ang paglahok ng paparaming bilang ng kababaihan sa armadong pakikibaka upang palayain sa tanikala ng pang-aalipin at pagsasamantala ang Inang Bayan. Masigla silang lumalahok sa mga kilusang masa at hindi humihiwalay sa makauring laban ng masang anakpawis laluna sa panahong umiigting ang panlipunang ligalig at krisis na dinaranas ng buong daigdig. Determinado silang kamtin ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino na dakilang ambag sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.
Habang tumitindi ang pagbabanggaan ng mga imperyalistang bansa sa daigdig dahil sa kanilang pagkagahaman, patuloy na pumuputok ang mga sigalot na pangunahing sinisindihan ng presidente ng imperyalismong US na si Donald Trump. Sa kasaysayan, dumarami ang mga karahasan at krimeng nakabatay sa kasarian sa panahon ng digma.
Bilang uhaw sa gera, sobinista at misoginista, pinangungunahan ni Trump ang paghahasik ng gerang agresyon ng imperyalismong US sa daigdig sa kapinsalaan ng mga mamamayan ng iba’t ibang bansa. Kabilang sa mga biktima nito ang mga kababaihan at bata. Noong 2024, 676 milyong kababaihan ang apektado ng imperyalistang gera na nakatira sa loob ng 50 kilometro sa mga lugar kung saan may mga naganap na digmaan (pinakamataas mula dekada 1990). Nagresulta ito ng 87% pagtaas ng mga kaso kaugnay ng paglabag at karahasang sekswal ayon sa United Nations. Sa digmaang US-Israel laban sa mamamayang Palestino pa lamang, aabot na sa 28,000 kababaihan at kabataan ang namatay habang sa pinakahuling atake ng US sa Iran, hindi bababa sa 165 kababaihang estudyante ang napaslang sa atake ng bomba sa isang elementary school sa Minab, Iran.
Sa larangan ng ekonomya, lalong nahuhuli ang mga kababaihan sa akses at oportunidad sa trabaho. Kung noong 1970 ay may higit 600 milyong kababaihan ang nagkaroon ng oportunidad sa trabaho, sa kasalukuyan ay lumiliit ito. Aabot sa 90% ng mga organisasyong pangkababaihan ang nag-uulat ng pagbabawas ng mga gubyerno ng mga oportunidad na ito para sa kababaihan sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sa Pilipinas, nagiging rekisito sa pagtanggap sa trabaho sa mga kababaihan ang pagkakaroon ng asawa dahil sa pagtanggi ng mga kapitalistang magkaloob ng maternity benefits at leave sa mga kababaihan sakaling mabuntis. Sa kanayunan, karaniwang mas mababa ng ₱20-₱50 ang sahod ng mga kababaihang mangaggawang-bukid kaysa sa mga kalalakihan.
Samantala, 54% ng mga bansa ang walang batayang depinisyon ng kasong rape sa kababaihan ayon sa ulat ng United Nations.
Sa gitna ng kalunus-lunos na kalagayan ng mga kababaihan sa buong daigdig, malaki ang hamon sa lahat ng kababaihan, laluna sa kababaihang anakpawis na tumindig at labanan ang lahat ng anyo ng diskriminasyon, kaapihan at pagsasamantala bilang babae at bilang bahagi ng uring api at pinagsasamantalahan.
Dapat ikintal sa isip ng mga kababaihan na ang kanilang pakikibaka ay hindi lamang nakatali sa pakikibaka para sa kasarian kundi nakaugat nang malalim sa makauring paglaban sa imperyalismo at lahat ng kasamaang dulot nito. Kung gayo’y, nararapat silang makipagsanib-pwersa sa magsasaka at manggagawa. Dapat makibaka ang kababaihan at taluntunin ang landas ng rebolusyon dahil hindi nila kailanman matatamasa ang kanilang mga karapatan sa pag-asa sa mga reporma at programang huwad ng bulok na republika ng Pilipinas na pinatatakbo ng pyudal, burges at patriyarkal na sistemang nakakiling sa interes ng mga gahaman.
Sa Pilipinas, tinatawagan namin ang lahat ng kababaihang Pilipina na tanggapin ang hamon na tanganan ang kanilang mapagpasyang papel sa paglahok sa digmang bayan upang maging kabahagi ng pandaigdigang kilusang pagpapalaya. Higit na palakasin at palawakin ang mga balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at reklutahin ang pinakaabanteng mga kasapi nito sa Partido Komunista ng Pilipinas.