Pahayag

Makiisa sa laban ng mga residente sa Aroroy upang singilin, panagutin at palayasin sa Masbate ang mapandambong at mapangwasak sa yaman, kabuhayan at kalikasan na Filminera Masbate Gold Project

,

Matagal ng nagtetengang-kawali ang reaksyunaryong gubyerno sa mga panawagan ng mga residente na itigil na ang operasyon ng Filminera Masbate Gold Project o Filminera Resource Corporation sa bayan ng Aroroy. Mula nang magsimula noong taong 2000 ang kontrata nito na 25-taong pagmina ng oro o ginto sa naturang bayan ay labis nang napinsala at winasak ng dayuhang kumpanyang Filminera ang lupa, kabuhayan at kalikasan na bumubuhay at nagpoprotekta sa mga residente at buong bayan.

Ayon pa sa mga residente, malaking kalbaryo sa kanila ang operasyon ng mina. Nasa 50-100 metro na lamang ang layo nito sa kanilang kabahayan o komunidad kung saan ang alikabok mula sa pagpapasabog o blasting at fumes na galing sa processing plant ay kanila ng nalalanghap. Dahil dito, marami sa kanila ang nagkakasakit sa baga at nagkakaroon ng malalang tuberculosis. Maging ang kanilang mga pinagkukunan ng tubig ay kontaminado na rin ng kemikal at hindi na ligtas inumin. Karamihan sa kanila ay hirap sa pagkain at nagugutom dahil ang kanilang lupang sakahan ay dinambong at winasak rin ng Filminera.

Nababahala rin sila na baka masira ang tailings pond na nasa itaas ng kanilang komunidad na umaabot na sa humigit-kumulang 500 ektarya ang laki na maaaring umanod sa kanila at ng kanilang mga tirahan. Ganun din sa mga nakatambak na mga no grade ores sa likod ng mga eskwelahan at kabahayan.

Higit sa lahat, nasa peligrong tuluyang mawala sa mapa ng Masbate ang bayan ng Aroroy. Mismong si Department of Environmental Natural Resources Sec. Roy Cimatu ang nagpahayag na nasa fault line ito na maaaring lumubog sakaling magkaroon ng malakas na lindol bunsod ng nagpapatuloy na pagmimina. Subalit, kahit makailang ulit ng sumulat sa Office of the President ang mga residente ay walang anumang tugon o hakbang ang reaksyunaryong gubyerno laluna sa pamumuno ni Bongbong Marcos Jr. Sa halip, pinahintulutan pa nito, kasabwat ang kanyang alyadong pulitiko sa Masbate na si Gobernador Antonio Kho, AFP at PNP na pahabain pa ang kontrata ng Filminera at magpalawak ng operasyon sa mga bayan ng Mobo, Milagros at Uson.

Ayon sa atas ni Marcos Jr, Gobernador Kho at dayuhang kumpanyang Filminera, target ng militar na ubusin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga bayang nakatakdang pagminahan ng Filminera at sa buong prubinsya. Batid ng mga ito na hindi nila lubusang maibuyangyang sa mga dayuhang mapangwasak na proyekto ang Masbate hanggat nananatili ang BHB.

Ipinwesto pa nito sa Barangay Panicijan, Uson ang batalyon hedkwarter ng 2nd Infantry Battalion-Phil. Army at may itinatayong bagong kampo sa Barangay Baang, Mobo na nakatalaga para sa eksternal na seguridad ng operasyon ng mina at iba pang pakanang proyekto. Liban pa ito sa isang kumpanya ng SCAA na siyang nakatalaga bilang internal security ng mapangwasak ng kumpanyang Filminera na siya ring nagbabantay sa operasyon ng mina sa Aroroy.

Upang itaboy naman ang mga residente sa mga bayan na nakatakdang pagpapalawakan ng Filminera, makailang ulit na binomba ng mga militar noong 2023 ang mga kabundukan nito. Sapilitan ding pinapipirma ng militar ang mga lokal na upisyal ng barangay sa mga bayan ng Mobo, Milagros at Uson na umanoy nagbibigay pahintulot sa pagmina sa kanilang mga lugar. Bara-barangay at halos kada linggo ring sinasakyada ng militar ang mga lugar na nasa palibot at target ng operasyon ng mina.

Pinahintulutan ng reaksyunaryong gubyerno ang dayuhang kumpanyang Filminera na dambungin ang likas na yaman ng Masbate kapalit ng suhol at kikbak na kanilang matatanggap mula rito. Walang anumang malasakit at pakialam sina Macos Jr, Kho kasabwat ang mga militar at pulis sa dadanasing gutom, sakit at pagkawasak ng prubinsya bunsod ng kanilang kasakiman at pagiging gahaman sa kapangyarihan.

Dapat magkaisa ang mga residente sa mga bayan ng Aroroy, Mobo, Milagros, Uson at buong masang Masbatenyo upang singilin at panagutin ang Filminera Masbate Gold Project sa pagdambong sa likas na yaman at pagwasak sa kalikasan, lupa at kabuhayan sa Masbate. Lahatang-panig na kumilos upang makakuha ng malawak na suporta hanggang pambansa at internasyunal upang itulak ang reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr at Gobernador Kho na palayasin sa Masbate ang dayuhang kumpanya ng mina na Filminera at iba pang mapangwasak na proyekto sa Masbate.

Higit sa lahat, dapat panagutin sina Bongbong Marcos Jr at Antonio Kho sa pagbibigay pahintulot sa mapangwasak na Filminera Masbate Gold Project na dambungin ang yaman, lupa at kabuhayan na masang Masbatenyo na siyang nararapat na nakikinabang sa mga ito. Ganun din ang mga pinakasagadsaring mga militar at pulis na lumalabag sa karapatang-tao upang paglingkuran at ipagtanggol ang interes ng dayuhang kumpanyang Filminera at sunud-sunuran sa dikta ni Marcos Jr at Gobernador Kho.

Ang pagsuporta at paghawak ng armas ang magbibigay katiyakan na hindi basta na lamang yuyurakan ng reaksyunaryong gubyerno at mga lokal na upisyal, militar at pulis ang karapatan ng mamamayan. Makakamit lamang ng masang Masbatenyo ang nararapat at tunay na hustisya, kaligtasan sa kanilang buhay at kabuhayan at mapangalagaan ang kalikasan at yaman ng Masbate kung maipagtatagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Makiisa sa laban ng mga residente sa Aroroy upang singilin, panagutin at palayasin sa Masbate ang mapandambong at mapangwasak sa yaman, kabuhayan at kalikasan na Filminera Masbate Gold Project