Panggigipit at pambabanta sa mga magulang, asawa at anak pinakadesperadong hakbang ng AFP upang pasukuin ang mga kasapi ng New People's Army
Sa pagpasok ng panibagong taon ng 2026, mas pinatinding karahasan at desperasyon ang iwinawasiwas ng mga pwersa ng 2nd Infantry-Battalion Philippine Army, 96th Infantry Battalion at 96th MICO sa Masbate. Ang mga isinukang impormasyon ng mga taksil sa rebolusyonaryong kilusan na dating mga kasapi ng New People’s Army (NPA), ang ginagamit ng berdugong pwersa upang higit pang maghasik ng takot at karahasan sa prubinsya.
Pinakahuling barahang ginagamit ngayon ng mga pasistang militar ang pinakamaruming paraan upang pasukuin ang mga kasapi ng NPA ay ang paggamit sa mga magulang, asawa at anak ng mga kasapi ng Pulang Hukbo. May itinalaga silang tagamasid o tagamanman sa mga kilos at aktibidad ng mga hinihinalaan nilang may mga kaanak o pamilyang NPA. Pamalagian ring binibisita sa kanilang mga bahay, tinatakot at binabantaan ang mga pamilya, asawa at anak na kakasuhan o di kaya ay papatayin kung hindi mapasuko ang kanilang kapamilya o kaanak na kasapi ng NPA. Tinataniman ng ebidensya sa bahay upang bigyang katwiran ang kanilang iligal na paghalughog, pagdakip at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga kamag-anak at kapamilya ng NPA.
Lahat ng maruming paraang ginagamit nila ay upang piliting bitawan ng mga rebolusyonaryong Hukbo ang kanilang armas, isuka ang kanilang nalalaman at magpagamit laban sa dati nilang kasamahan at masa at tuluyang talikuran ang buong rebolusyonaryong kilusan. Habang mahaharap sila sa dumaraming krimen laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan dahil sa kanilang pagtatraydor, makikinabang naman nang husto ang mga berdugo sa mga tagumpay na kanilang makamit mula sa mga isinukang impormasyon ng pagtataksil. Ipinapain sila sa mga ilinulunsad nitong mga operasyon tulad ng pagpapapunta sa kanila sa mga lugar na batid ng militar na may presensya ng NPA, na anumang oras na kakasa ng taktikal na pamamarusa ang mga Pulang Hukbo, ang mga ito lang ang mapapahamak habang agad naman silang kakasa ng malaking operasyon upang tugisin at lipulin ang mga operatiba.
Binubulag nila ang mga taksil sa mga walang kwentang pangako. Pinapakinabangan nila ang mga nalalaman ng mga ito pero kung wala ng silbi sa kanila ay sila rin mismo ang nagpapakulong o di kaya ay papalabasing napaslang sa engkwentro na sila ang may kagagawan.
Malinaw na nakasaad sa internasyunal na batas sa digma ng Geneva Convention Protocol II, na hindi maaaring idamay ang mga sibilyan sa anumang armadong sigalot. Ngunit, taliwas dito, ginagawang pananggalang ng mga militar ang mga sibilyan upang hindi sila mabira. Puhunan sa kanilang pangungurakot sa pundo ng E-CLIP o programang balik-loob ng gubyerno sa pamamagitan ng sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan o di armado. Ito rin ang dahilan kung bakit pinipilit, tinatakot at binabantaan ng militar ang mga kapamilya at kamag-anak ng mga NPA. Liban sa may maipangalandakan silang “accomplishment”, makakakuha sila ng promosyon, pagkilala at suhol sa kanilang pagiging loyal na mga asong nauulol sa kanilang among si Marcos Jr at mga lokal na upisyal ng pamahalaan ng Masbate.
Hindi na bago ang ganitong modus ng mga pasistang militar. Hindi rin ito nakakagulat, dahil nauna ng isinagawa ang naturang katulad na mga maruming taktika sa iba’t ibang panig ng bansa, kung saan talamak ang paggamit sa mga walang muwang na mga sanggol at bata para ipresyur ang kanilang mga magulang na kasapi ng NPA para sumuko sa militar at reaksyonaryong gubyerno. Habang nagpapatuloy din ang sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan at paggamit sa kanila bilang mga surrenderi. Ilan sa kanila ay binibigyan ng selpon kapalit ng pagbibigay impormasyon tulad ng kung napadaan sa kanilang lugar, saan nakakampo o di kaya kung ano ang aktibidad ng mga NPA para sa kanilang pataksil na atake at strike operation.
Hindi pa huli ang lahat, batid niyong palaging nagbibigay ng pagkakataon ang rebolusyonaryong kilusan. May panahon pa kayong talikuran ang inyong nasimulang pagtalikod sa masa, rebolusyonaryong kilusan at pagpapagamit sa mga militar. Batid din ng rebolusyonaryong kilusan na ang karamihan sa inyo ay napilitan dahil sa mga pananakot at pambabanta sa inyong mga pamilya, asawa at anak. Subalit, maaatim ba ninyo na ang dati niyong kasamang nakikibaka at masang mga pinaglingkuran kabilang ang mga kamag-anak at kapamilya niyo na kayo mismo ang magpapahamak kapalit ng barya?
Nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa lahat ng mga dating kasapi ng NPA na pag-isipang mabuti ang ginagawang pagpapagamit sa mga berdugong militar. Huwag magpabulag sa mga mapanlinlang na mga pangako. Higit sa lahat, huwag niyo hayaang patuloy na gamitin laban sa kauri niyo na nakikibaka para sa tunay na katarungan at hustisya para sa bayan at mamamayan.