Makipagkapit-bisig sa mga maralitang tsuper! Ipagtanggol ang lupa at kabuhayan laban sa danyos ng imperyalistang gera ng US sa Iran at krisis ng malapyudal at malakolonyal na sistema!
Malugod na ipinapahayag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – National Democratic Front (PKM-NDFP) ang buong suporta sa welga ng mga maralitang drayber sa bansa, at ipinapanawagan sa lahat ng masang kasapi ang ubos-kayang pagsuporta rito. Ito ay wasto at napapanahon dahil danas at alam ng mga maralitang tsuper na ang pagsirit ng presyo ng produktong langis ay nangangahulugan ng pagbagsak ng kabuhayan, pagkawala ng mayor na sektor ng pampublikong transport, at patunay na ang imperyalistang US ang numero unong salot sa mamamayan ng mundo.
Hindi hiwalay ang magbubukid at mangingisda sa bansa sa danyos ng imperyalistang gera ng US sa Iran dahil awtomatiko ito sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunan. Direktang lolobo ang gastos sa pagsasaka at produksyon, ang arawang gastos ng pamilyang magbubukid, at lalala ang pagkakalubog sa kahirapan, kagutuman at malnutrisyon, pagkakasakit ng mga maralita sa kanayunan at pagkakabaon sa utang. Ang paglaban sa ligalig na likha ng imperyalismo ay dapat na tanganin ng lahat ng batayan at demokratikong sektor sa bansa, at ang magbubukid at mga maralita sa kanayunan ang mayorya rito.
Samahan ang mga maralitang tsuper sa mga strike center, at batay sa kakayanan ay mag-ambag ng mga produktong makakain. Ipahayag ang kronikong karanasan ng epekto ng walang tigil na pagtaas na presyo ng produktong langis, ang batayan sa pakikipagkaisa sa mga maralitang drayber, at kung bakit dapat sumama ang malawak na mamamayan sa pagsusulong mga pambansa-demokratikong panawagan. Ang paglaban sa pagsirit ng presyo ng diesel, gasolina, kerosene, LPG at iba pang produkto ay pagtatanggol sa pagsasaka, pangingisda, at iba pang mga mayor na kabuhayan ng magbubukid at mga maralita sa kanayunan. Ito rin ay paglaban sa pandarambong ng mga imperyalistang monopolyo kapitalista sa langis, malalaking burgesya kumprador at ng mismong papet na estado na nakikinabang sa bilyun-bilyong excise tax at Value-Added Tax o VAT. Ang sigaw na pagrollback sa presyo ng produktong langis at pagbasura sa excise tax at VAT ay direktang magpapababa sa gastos sa pagsasaka at produksyon, upang kahit papaano ay may matirang kita pagkatapos ng anihan.
Ang mga magbubukid at mangingisda ay kahalintulad ng mga maralitang drayber. Kung patuloy ang pagsirit ng presyo mga produktong langis, lolobo ang gastos sa makinarya, sa pagpapatubig, sa abono, paghakot, kerosene at LPG sa pagluluto, pamasahe ng maralitang pamilya, presyo ng bigas at mga pagkain, maging serbisyong kuryente at tubig, na ang lahat ng ito ay tutungo sa pagkawala ng kabuhayan, o pagtigil ng “gulong ng produksyon” sa kanayunan, na dudulo naman sa mas malalang krisis ng pagbagsak ng produksyon ng pagkain na makaaapekto sa buong sambayanan. Pinakamalala dito ay dumulo sa pagkawala sa lupa o ang rights rito ay ginawang kolateral sa utang, o sa madaling salita, ng malawakang pagkakatanggal sa mga sakahan o “mass displacement.”
Dapat ipaliwanag ng masang kasapian sa malawak na mamamayan, na ang imperyalistang US ang salot sa malapyudal at malakolonyal na krisis at ito ay bunsod ng imperyalistang gera ng US sa Iran. Ultimo mga imperyalista at kapitalistang bansa ay sinisisi ang US sa paghahasik nito ng gera na dumulo sa pagkakabara ng Kipot (Strait) ng Hormuz na daanan ng mga barko ng mga produktong langis mula Gitnang Silangan. Ito naman ay sinamantala ng mga imperyalistang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya kumprador sa bansa sa kanilang “speculative” o walang batayang pagtataas ng presyo ng produktong langis, dahil nakuha nila ang mga stock sa mas murang presyo o panahong bago ang gera.
Dapat labanan ang black propaganda o panlilinlang ng papet na rehimeng US-Marcos, na walang magagawa laban sa imperyalistang gera ng US, at pagtaas ng presyo ng mga produktong langis. Pangunahin rito ang konsolidasyon ng hanay, gawaing edukasyon at propaganda para mamulat sa mga kagyat na pangyayari sa buong mundo, pagtukoy sino ang salot sa gera at krisis, pagbuo ng kilusang masa at mga alyansa, na dudulo sa malawakang aksyong masa na maglalantad sa imperyalismong US at papet na rehimen. Hindi rin dapat bitawan ang paniningil sa papet na rehimen sa pandarambong nito sa kabang bayan, na ngayon ay may malaking pangangailangan ang mga maralitang sektor sa kanayunan at kalunsuran. Sa paglulunsad ng kampanyang masa na ito, dapat mahamig ang mga demokratikong sektor tulad ng kabataan, artista, mga young professional, taong simbahan, akademya, maliliit na negosyante, sa kilusang mabubukid, pagsuporta rito, at pag-oorganisa ng mga sektoral na samahan, network at alyansa na tatangan sa adbokasiya para sa pakikibakang magbubukid.
Sa direktang pagresolba ng danyos ng krisis, dapat panghawakan ang pagiging organisado at mapagpunyagi. Dapat kumilos ang mga balangay upang ugnayan ang mga panggitnang pwersa para sa signipikanteng suporta, para sa suportang pagkain para labanan ang kagutuman, at suporta para maipagpatuloy ang pagsasaka at produksyon para sa paglikha ng pagkain sa bansa. Dapat ding ituloy ang paniningil sa papet na rehimen sa gahiganteng utang nito sa magbubukid sa kawalang kumpensasyon sa danyos na dulot ng kalamidad o krisis sa klima.
Sa pundamental, dapat pahinain ang papet na rehimen sa bansa at ang imperyalismong US, sa pamamagitan ng pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Kagyat na ipatupad ng mga balangay ang pagrerekluta para sa Bagong Hukbong Bayan, pagsasanay sa mga masang aktibistang magbubukid, kababaihan at kabataang magbubukid. Sa pagkamit ng mga rekisito, kagyat na ipatupad at epektibong pamahalaan ang pagsusulong ng Rebolusyong Agraryo, upang matiyak ang suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng komunidad. Dapat na mabuo at marekober ang mga Ganap na Samahang Masa o GSM, at ang mga Komiteng Rebolusyonaryo ng Baryo o KRB, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na siyang tatayong mga binhi ng tunay at demokratikong estadong pampalit sa papet na estado ng imperyalismong US. Ang tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, na may Sosyalistang Perspektiba ang siyang pangmatagalang solusyon at kalayaan sa krisis ng imperyalismo sa buong mundo, Rebolusyong Agraryo para makamit ang pagkakasapat-sa-sarili sa pagkain at mga agrikultural na hilaw na materyales, at Pambansang Industriyalisasyon para mabuo ang pambansa at demokratikong sektor ng enerhiya na kakailanganin ng pambansang ekonomiya at lipunan.
Kaya, ang panawagan ng PKM-NDF sa masang magbubukid, mangingisda, mga maralita sa kanayunan at malawak na mamamayan,
Wakasan ang imperyalistang gera ng US sa Iran!
Labanan ang imperyalistang gera at krisis ng malapyudal at malakolonyal na sistema!
Isulong ang Rebolusyong Agraryo at Ipagtanggol ang Lupa at Kabuhayan!
Ibagsak ang papet na rehimeng US-Marcos!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perspektiba!