Malawakang paghahamlet sa mga baryo sa Las Navas, muling ipinataw
Inilalabas ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang pampublikong alerto na ito sa harap ng umiigting na militarisasyon at malawakang pagkasira ng kabuhayan ng mga magsasaka bunsod ng muling pagpataw ng 8th Infantry Division ng mga hamlet sa mga baryo sa Las Navas, Northern Samar.
Batay sa mga ulat na nakalap ng NDF-EV, isinailalim ng mga pasistang tropa sa “lockdown” ang Barangay San Isidro, gayundin ang mga baryong nakapalibot dito kabilang ang Barangay Imelda.
Posibleng inulit ngayon ng 8th ID ang malawakang hamlet na ginawa nito noong Hunyo, na sumaklaw hindi lang sa Las Navas kundi maging sa mga bayan ng Catubig, Palapag, Gamay, at Mapanas sa Northern Samar, at sa Jipapad sa Eastern Samar.
Tuwing hinahamlet ang isang baryo, pinagbabawalan ng mga pasistang tropa ang mga residente na lumabas ng kanilang baryo, kahit pa para tumungo sa bukid at magtrabaho, magbenta ng produktong-bukid, o pumunta sa kalapit na baryo.
Kakarampot na 61 sakong bigas, o limang kilong bigas para sa 536 na pamilya, ang ipinamigay umano ng lokal na gubyerno ng Las Navas sa mga residente ng Barangay San Isidro bilang consuelo de bobong ayuda sa mga hindi makapaghanapbuhay bunsod ng hamlet ng 8th ID.
Ayon sa NDF-EV, ang limos na ito ay tatagal lang nang hanggang dalawang araw sa kada lima-kataong pamilya—lubhang kulang lalupa’t umaabot ng ilang araw hanggang ilang buwan ang hamlet sa nasabing lugar.
“Makikita sa ginagawa ng 8th ID na hindi lang ang BHB ang kanilang target sa panunupil kundi, lalo’t higit, ang masang magsasaka. Sa hibang na layuning sugpuin ang armadong pakikibaka ng mamamayan, buu-buong mga komunidad ang sinasalanta ng kanilang hamlet at militarisasyon,” pahayag ng NDF-EV.
Kasalukuyan ding ginagalugad ng mga pasistang tropa ang kagubatan sa palibot ng San Isidro, matapos bombahin ang nasabing lugar kahapon, July 31. Matatagpuan dito ang mga sakahan at pinagkukunan ng pagkain at hanapbuhay ng masa.
Pagdidiin ng NDF-EV, “Ang paghahamlet, pambobomba at pag-atake sa mga komunidad ng sibilyan sa kanayunan ay hindi kailanman nakapagpatigil sa armadong pakikibaka ng mamamayan, bagkus ay lalo pang nagpaalab sa kanilang kagustuhang labanan ang karahasan ng pasistang militar.
“Pinatutunayan ng tumitinding todo-gera ng rehimeng Marcos na hindi ito interesado sa usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Bulag-bulagan ito sa tunay na ugat ng armadong tunggalian at nais lamang na makaisang-panig na pasukuin ang hukbong bayan at supilin ang pakikibaka ng taumbayan na tunay na nagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan.”
Nanawagan ang NDF-EV sa publiko, laluna sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga may malasakit sa mga magsasaka, na tulungang ilantad ang epekto ng todo-gyera ng 8th ID. “Palakasin natin ang panawagan ng mga magbubukid para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan, at hindi ang huwad na kapayapaan na iniilusyon ng rehimeng Marcos.”
Nananawagan din ang NDF-EV sa mamamayan ng Las Navas na magkaisa, matapang na ilantad ang kanilang kalagayan at labanan ang pagmamalupit ng pasistang militar. “Kailangan nilang umasa sa sarili nilang lakas upang igiit ang kanilang mga karapatan.”
Iniulat ng 8th ID na dalawang beses na nakaengkwentro ng mga pasistang tropa nito ang BHB kahapon, Hulyo 31. Hindi pa kinukumpirma ng kinauukulang yunit ng hukbong bayan ang nasabing mga pangyayari.