Mamamayang Mindoreño, isulong sa mas mataas na antas at dalhin sa tagumpay ang di pa natatapos na rebolusyon ni Bonifacio!
Maalab na pakikiisa at pagbati sa nakikibakang mamamayan ang ipinapaabot ng Lucio De Guzman Command-NPA Mindoro ngayong ika-162 na kaarawan ni Andres Bonifacio—tagapagtatag ng Katipunan at ama ng lumang pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Matapos ang 129 taon simula ng ilunsad nina Gat. Andres Bonifacio ang himagsikan laban sa kolonyalismong Espanyol, dumadanas ng walang kaparis na krisis ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa na pinaghaharian ng imperyalismong US, malalaking kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Lalong humihigpit ang pangangailangang isulong at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyong sinimulan ng Katipunan noong pang 1896.
Dapat gunitain at dakilain si Bonifacio at ang Rebolusyong 1896 bilang mga panandang bato sa mahabang kasaysayan ng paglaban ng masang api. Sa pagkakatatag ng Katipunan at pagsiklab ng Rebolusyong 1896, napagkaisa at napakilos ang buong sambayanan sa unang pagkakataon sa isang armadong rebolusyon laban sa kolonyal na gubyerno ng Espanya. Ito’y matapos ang higit 300 na hiwa-hiwalay na armadong pag-aklas na nabigong pabagsakin ang kolonyal na gubyernong nakatayo sa buong kapuluan at nakapaghari ng 333 na taon. Ang rebolusyong pinamunuan ni Bonifacio rin ang kauna-unahang pambansa demokratikong rebolusyon sa Asya na noo’y pinaghati-hatian at nilukob ng iba’t ibang mananakop.
Sa pangunguna ng Katipunan, maraming tagumpay ang nakamit ng rebolusyong Pilipino. Halos magapi na nito ang mga kolonyalistang Espanyol ngunit mabibigo ito nang agawin ng traydor at palasukong si Emilio Aguinaldo ang pamumuno kay Bonifacio. Kapalit ng bayad na salapi mula sa kolonyalistang Espanyol isinuko ni Aguinaldo ang rebolusyong 1896 at matapos ay nakipagsabwatan ito sa imperyalistang US upang maisakatuparan ang madugong henosedyong gyera ng pananakop sa Pilipinas.
Pinanatili ng US ang pyudalismo kung saan iginapos ng mga Espanyol ang mga Pilipino. Ginawa ng US na malapyudal ang bansa para sa parasitikong ganansya nito bilang imperyalista. Nagpanggap ang US na ito ang magkakaloob ng kalayaan at demokrasya sa mga Pilipino, itinayo ang kolonyal na gubyerno at nagsanay ng mga papet na Pilipino upang maging kinatawan nito sa papet na estado. Nang mapilitan ang US na i-deklara ang huwad na kalayaan ng bansa noong Hulyo 4, 1946, nailatag ang mga batayan para sa malakolonyal at malapyudal na katayuan ng Pilipinas.
Ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. kasalukuyang kinatawan na nagtatanggol sa nabubulok na malakolonyal at malapyudal na kaayusan. Bilang sagad-saring tuta ng US, pinahihintulutan ng kanyang gubyerno ang sukdulang panghihimasok ng US sa ekonomya, pulitika, militar at ugnayang panlabas ng bansa.
Para sa mamamayang Mindoreño, binibigyang mukha ito ng mga dambuhalang negosyong pinagmamay-arian ng mga dayuhan o kaya ng kanilang mga lokal na ahente na nagpupumilit pumasok sa isla upang dambungin ang yaman nito. Tampok dito ang mga operasyon ng mina, kwari, dredging, renewable energy at ekoturismo. Sadyang bahagi ng patakaran ng rehimeng US-Marcos II ang pangangamkam ng lupa na bibiktima sa libo-libong magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan. Halimbawa nito ang pagtatalaga sa Mindoro bilang isa sa pangunahing paglulunsaran ng operasyong kwari at pagwawalang-bisa ng mismong Korte Suprema sa moratorium sa mina ng Occidental Mindoro.
Pinahihirapan din ang mga Mindoreño ng di deklaradong batas militar sa isla na ipinapatupad sa utos ng US. Ang gerang panunupil sa Mindoro at sa buong bansa ay ginigiyahan ng US sa desperadong layunin nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan na tanging sagka sa balak nitong ubusin ang yaman ng bansa at kaladkarin ang mga Pilipino sa digmang hinahanda nito laban sa China.
Habang nagpapakasasa ang mga lokal na naghaharing uri at imperyalistang US sa pagkakamal ng yaman ng bansa, lalong nilulubog sa kahirapan ang masang anakpawis. Malalim pa ring nakaugat ang pyudalismo na higit 500 na taon nang nagpapahirap sa masa, laluna sa masang magsasaka. Sa utos pa rin ng US, binansot nang binansot ang ekonomya ng bansa upang panatilihin itong atrasado at nakaasa sa dayuhan.
Pangita ito sa pyudal at malapyudal na produksyong kinalulugmukan ng Mindoro. 90% ng populasyon ng isla ay mga magsasaka. Sila ang pinakanaghihirap dahil sa kawalan o kakulangan ng lupang mabubungkal. Binabarat din ang presyo ng kanilang mga kalakal at ang sahod bilang manggagawang bukid. Halimbawa na lang nito ang ₱8.00/kilo bentahan ng palay, isa sa pangunahing tanim sa Mindoro, at ang ₱150-350 na karaniwang arawang sahod ng mga manggagawang bukid sa isla. Pinapatay pang lalu ang industriya ng palay at ang magsasaka at mamamayang nakaasa dito sa pagpataw ng mga neoliberal na patakaran tulad ng Rice Tarrification Law, walang pakundangang pag-import ng bigas, sibuyas at iba pang agrikultural na produkto mula sa ibang bansa at sa pagbawas ng napakalaki sa subsidyo sa palayan, agrikultura at mga magsasaka.
Dagdag pa, hanggang ngayon ay walang kahit anong industriya sa Mindoro. Ang mga magsasakang naghahanap ng kabuhayan labas sa mga bukid ay namamasukan bilang mga katulong, construction worker, kargador, tindera at iba pang pansamantala at di regular na trabaho kung saan ₱350-500 na ang arawang sahod.
Ginagawang ligal at binibigyang katwiran ng kasalukuyang bulok na estado ang ganitong pagsasamantala at pang-aapi. Sa pamumuno ni Marcos Jr., araw-araw na inaabot nito ang mas masahol na pagkaagnas bilang estadong kumakatawan sa interes ng mga mapagsamantalang uri. Ito ngayon ang pangunahing target ng galit at dumadaluyong na pakikibaka ng mamamayan dahil sa walang kaparis na kasakiman, pang-aabuso sa kapangyarihan at pagsasamantala ng rehimen ni Marcos Jr. Rumaragasa sa mga kabayanan at kalunsuran ang kilusang masang nananawagan ng pagpapatalsik kay Marcos Jr. at pagpapabagsak sa buong naghaharing sistema.
Ang pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon ay higit na kinakailangan at hinihiling ngayon ng masang api. At sa araw-araw na pagtalim ng malakolonyal, malapyudal na krisis, lalong nagniningning bilang inspirasyon at hamon si Bonifacio at ang Rebolusyong 1896. Gaya ng panawagan ng Katipunan daang taon na ang nakalipas: Mag-armas at maghimagsik para sa tunay na kalayaan at demokrasya!
Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa bago at mas mataas na antas!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!