Pahayag

Mamamayang Mindoreño, labanan ang sumasahol na terorismo ng rehimeng US-Marcos II sa pagdagdag ng isang pasistang batalyon sa Mindoro!

Lubhang desperado ang 203rd Infantry Brigade at rehimeng US-Marcos II na makamit ang itinakdang deadline ng amo nitong imperyalistang US na madurog ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino bago matapos ang December 2024. Ito ang di maitatangging katotohanan sa likod ng pagdagdag ng isa pang panagupang batalyon ng AFP sa isla ng Mindoro.

Isinapubliko ng 203rd Brigade nitong Nobyembre 8 ang pagpakat sa Mindoro ng 1st Infantry Batallion (IB). Wala pinagkaiba ang batalyon na ito sa mga berdugong batalyon ng 4th, 68th at 76th IB na nauna nang dinala sa isla sa ilalim ng teroristang 203rd Bde. Sila ang kumakatawan sa terorismo ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa Mindoro. Tigmak sa dugo ng mamamayan ng CALABARZON, laluna ng mga Lagunense at Quezonin ang rekord ng 1st IBPA. Tiyak na karahasan at pang-aapi ang dadalhin nito sa masang Mindoreno. Lalu lamang na itutulak nito ang masa na lalong kamuhian ang AFP at lumaban.

Mahaba ang rekord ng 1st IB bilang mga terorista. Mula 1998 ay nanghalihaw ito sa mga probinsya ng Laguna at Quezon kung saan naitala ang iba’t ibang karumal-dumal na krimen nito sa masa. Liban sa mga karaniwang kahayupan ng mga teroristang AFP, ginagawa ng 1st IB ang pagbabaon sa mga tao nang buhay at inuudyukan ang kanilang mga target na masa na magpatayan. May isang kaso noong 2011 sa Pangil, Laguna na itinulak nila ang isang masa na pugutan ng ulo ang kanyang kababaryo matapos nilang baliwin ang una sa pamamagitan ng ilang araw na pagbibinbin, pagtortyur at pambubugbog. Sangkot din ang 1st IB sa pagpaslang kay Rosemarie “Ka Soly” Dumanais, kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite ng Partido sa Timog Katagalugan (KTKR), noong Pebrero 7, 2011 sa Mauban, Quezon.

Sa mga probinsyang ito, maraming hinuli at sinalbeyds na sibilyan ang 1st IB bago pa man manalasa ang Task Force Banahaw sa Laguna at Quezon na noon ay hawak ng berdugong si Jovito Palparan.
Ilang panahong ipinakat ito sa Marawi sa kontra-mamamayang digma ng dating rehimeng US-Duterte. Mula 2017 hanggang 2019 dinala naman ito sa Batangas, sa pamumuno ni Col. Orbon na nagpatupad ng Orbon Doctrine, ang katugon na bersyon ng Shock and Awe Tactics ng berdugong si Gen. Jovito Palparan na ginamit sa Mindoro sa panahon ng Oplan Habol Tamaraw. Inatasan silang wasakin ang mga diumano’y base ng rebolusyon na nag-resulta sa mga paglabag sa karapatang-tao ng napakaraming mga Batangueño. Nagsilbing goons ng panginoong maylupang si Federico Campos III ang 1st IB at ginamit na pasistang tropa sa pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa Barangay Balacbacan, Laiya, San Juan.

Noong 2019, ibinalik sa Laguna-Quezon ang 1st IB at dinagdagan nito ang tala ng mga inutang na dugo sa mamamayan ng Laguna at Quezon. Noong Agosto 8, 2020 ay pataksil na pinaslang ng pinagsamang 1st IB at PNP Laguna si Mario “Ka Jethro” Caraig, kagawad ng KTKR, kahit na siya ay wala na sa katayuang lumaban at nagpapagamot matapos masugatan sa isang labanan noong Agosto 4. Inambus din ng 1st IB ang kapitan ng Barangay San Antonio sa Kalayaan, Laguna na si Froilan Reyes noong parehong taon. Sa pinakahuling bahagi ng pagkilos sa Laguna-Quezon, nilunsad ng 1st IB ang maramihang mga Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) na nagkampo sa gitna ng mga komunidad sa kanayunan ng dalawang prubinsya sa maling pag-aakala na kaya nitong pigilan ang pag-suporta at pagsapi ng masa sa rebolusyonaryong kilusan. Sa kasalukuyan, pinamumunuan ang batalyon ni Lt. Col. Noel Wamil.

Ang pagdagdag ng isa pang panagupang batalyon sa Mindoro ay isang pag-amin ng reaksyunaryong gobyernong nabibigo silang supilin ang mamamayang Mindoreno sa kanilang patuloy na pagtahak sa rebolusyonaryong landas. Sa muli, napipintong mabigo ang reaksyonaryong gobyerno sa kontra-insurhensyang digma sa isla. Sing-aga ng 2015, idineklara nang Conflict Manageable and Ready for Development (CMRFD) ang istatus ng Mindoro pagdating sa peace and order. Noong 2017 naman, itinakda ng dating hepe ng 203rd Bde na si Bgen. Antonio Parlade na kayang-kaya niyang tapusin ang insurhensiya sa Mindoro sa loob ng dalawang taon. Lumipas ang timeline na ito at noong 2021, itinakda nilang “eye of the strom” ang Mindoro, kasabay ng pagtalaga ng black Hawk helicopters sa 203rd Bde. Nagpunyagi ang mga Mindoreno sa paglaban sa maduming kontra-insurhensyang programang ito. Hindi matitinag ang determinasyon ng mga Mindoreñong labanan ang marahas, mapanupil at maruming kontra -insurhensyang programa kahit sa harap ng dagdag na berdugong pwersang 1st IB.

Batid ng masang Mindoreño na ang demokratikong rebolusyong bayan ang landas tungo sa tunay na malaya at maaliwalas na lipunan. Hangga’t hindi natatamasa ng sambayanan ang pambansang kalayaan at demokrasya, ang paglaban ay isang makatarungang landas na tatahakin ng lahat ng inaaping mamamayan. Ito ang dahilan bakit nakakapanatili, lumalaki at lumalakas ang Partido, Hukbo at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kabila ng mga unos na pinakakawalan ng reaksyunaryong gubyerno para wasakin ang mga ito.

Ang batas militar, ga operasyong kitlin sa usbong hanggang Oplan Katatagan ng diktaduryang US-Marcos I, serye ng Oplan Lambat Bitag I-III ng rehimeng US-Aquino I at Ramos, dalawang Oplan Bantay Laya na nag-anyong Habol Tamaraw sa Mindoro ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo, Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino II hanggang sa JCP Kapanatagan ng kriminal at tiranikong si Rodrigo Duterte at ng ilihitimong rehimeng US-Marcos II ngayon–ay ang lahat ng mga nangabigong kampanyang supresyon ng imperyalistang US at papet ng estado ng mga lokal na uring mapagsamantala. Imbes na malipol, sumulong at lumakas ng walang katulad sa kasaysayan ang apoy ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Mindoro at buong Pilipinas.

Tumataas ang antas ng digma sa buong bansa at kabilang dito ang sitwasyon sa Mindoro. Dapat seryosohin ang hamon ng umiigting na kontra-insurhensyang digma. Susi ang pagtalima ng mga pwersa ng rebolusyon sa isla sa kilusang pagwawasto upang maharap at makapangibabaw sa mga kahirapang hatid ng bagong sitwasyon na ito. Ngayon higit kailanman, kailangan alpasan ang konserbatismo at pasibidad upang palagablabin sa buong isla ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Dapat pagsumikapan ang pag-aaral at wastong paglalapat ng estratehiya at taktika ng digmang bayan sa nagbabagong kundisyon ng digma sa isla. Bilang pagtalima sa prinsipyo ng “mula sa masa, tungo sa masa,” kailangang ihanda at pakilusin sila para sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan mula sa tiyak na pagsahol ng terorismo ng estado sa pamamagitan ng mga galamay nitong 203rd Brigade at PNP MIMAROPA. Kaalinsabay ng pampulitikang pagmumulat sa masa, kailangang buuin, organisahin at pakilusin ang mga milisyang bayan at yunit pandepensa sa baryo at mga samahan ng mamamayan. Maari itong maging tuntungan upang paramihin ang mga bagong mandirigma ng BHB.

Sa proseso, kailangang palakihin at palakasin ang Hukbong Bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Ang pagdurog sa kapangyarihang militar at pampulitika ng naghaharing sistema ang sentrong tungkulin ng BHB bilang rebolusyonaryong organisasyong masa. Dapat buung-buong pangatawanan ng mga Pulang kumander at mandirigma ng Lucio de Guzman Command ang papel na ito. Tanging sa matapang, mapangahas at matalinong paglaban sa kaaway ng mamamayan makapagpapalakas ang ating Hukbo sa gitna ng masigasig na pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa na malawak na mamamayang Mindoreño.

Higit sa lahat, itaas ang antas ng kahandaang lumaban ng pulang Hukbo at ng masa gaanuman ang kakaharaping sakripisyo, kahirapan at kagipitan na idudulot ng pinaiigting na kampanyang supresyon ng kaaway. Mulat ang Partido’t BHB sa bigat ng sakripisyong kailangang suungin sa paglaban sa kaaway. Ganonman, mga kinakailangang sakripisyo itong dapat na gawin alang-alang sa pagwasak sa mapang-api at mapagsamantalang paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Kailangang kailangan ito para makamit ng sambayanang Pilipino ang bukas na tunay na malaya, demokratiko, makatarungan at masagana.

Mamamayang Mindoreño, labanan at biguin ang terorismo ng 203rd Brigade!
Sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Mamamayang Mindoreño, labanan ang sumasahol na terorismo ng rehimeng US-Marcos II sa pagdagdag ng isang pasistang batalyon sa Mindoro!