Manggagawang Pilipino, isadiwa ang Pandaigdigang Araw Ng Paggawa! Pamunuan ang pakikibaka ng bayan para sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!

,

Taas-kamao at rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions-ST (RCTU-NDFP-ST), sa lahat ng uring manggagawa sa daigdig para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Taong 1856, sinimulan ng mga manggagawa sa bansang Australia na sinundan ng mga manggagawang Amerikano noong 1886 ang taunang pagkilos sa Mayo Uno para sa panawagan na walong oras na trabaho. Marahas na binuwag ng mga pulis ang mga nakatipong manggagawa sa Haymarket Square, Chicago, US.

Noong 1889, idineklara ng Kongreso ng Unang Internasyunal ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa upang gunitain ang marahas na pagbuwag sa pagkilos ng manggagawa sa Haymarket Square, Chicago. Mula noon, naging napakahalagang araw ang Mayo Uno para sa mga manggagawa sa buong daigdig na ginugunita taun-taon sa pamamagitan ng malalaking kilos-protesta at parada ng iba’t ibang unyon sa paggawa kasama ang larawan ng mga dakilang komunistang gurong sina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Joseph Stalin at Mao Zedong.

Sa Pilipinas, inilunsad ang kauna-unahang pagkilos sa Mayo Uno noong 1903 sa pangunguna ng Union Obrera Democratica (UOD) na dinaluhan ng mahigit 100,000 manggagawa. Bitbit na panawagan ng mga manggagawang Pilipino ang makataong kondisyon sa paggawa, at ang islogang “Kamatayan sa Imperyalismong Amerikano!”

Sa kasalukuyan, nasasaksihan at nararanasan sa buong mundo ang tuluy-tuloy na pagbulusok at pagkabulok ng sistemang kapitalista. Lalong sumasahol ang krisis ng labis na produksyon dahil sa walang kapantay na pagkaganid sa dambuhalang tubo ng mga kapitalista. Sa kabilang dulo, lalong nababaon sa kahirapan, matinding pagsasamantala at pang-aapi ang uring manggagawa, at iba pang inaaping uri. Sinasalanta ang mga ito ng walang awat na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng maayos na serbisyong panlipunan habang pigang-piga ang lakas paggawa ng mga manggagawa kapalit ang gamumong sahod.

Bunga ng krisis sa sistemang kapitalista, tumitindi ang kontradiksyon na posibleng muling humantong sa pagsiklab ng mas mapangwasak na inter-imperyalistang digmaan na pinangungunahan ng imperyalistang US. Walang pakundangan itong nang-uupat ng gera laban sa Tsina sa mga bansang nasa Asya Pasipiko tulad ng Taiwan at Pilipinas, sa kabila ng inaaning malawak na protesta at paglaban ng mamamayan sa ibat-ibang panig ng mundo sa henosidyong proxy war ng Israel-Gaza at Ukraine-Russia.

Sa Pilipinas, ibayong nagpapakatuta ang rehimeng Marcos II sa imperyalistang US at hinahayaang isubo sa imperyalistang gera ang bansa na taliwas sa panawagan at interes ng mamamayan na lutasin ang sigalot sa WPS sa mapayapang paraan. Sa nilulutong imperyalistang gera walang ibang makikinabang kundi ang among imperyalistang US, at tanging kapinsalaan lamang sa sambayanang Pilipino. Gamit ang pondo at rekurso ng bayan, ibinukas nang todo ng rehimen ang bansa para gawing base militar ng US sa Asya Pasipiko. Pinapasok sa mga kampo-militar ang libu-libong sundalong Kano, ginawang imbakan ng mga kagamitang pandigma at lunsaran ng mga wargames at hinayaang galugarin ang teritoryo ng bansa. Nito lamang Abril 22, sinimulan na ang balikatan exercises na pinakamalaki sa kasaysayan. Lahat ng ito ay pang-uupat sa Tsina para unang bumunot ng baril ang huli, pasiklabin ang gera, bigyan katwiran ang panghihimasok ng US sa tabing ng “tulong-depensa” alinsunod sa Mutual Defense Treaty.

Habang todo sa pang-uupat ng gera ang US, lalo naman nagiging agresibo ang Tsina sa pangangamkam sa WPS. Patuloy itong nagtatayo ng mga artipisyal na istruktura, pinarami ang mga sasakyang pandagat at binobomba ng tubig ang mga pwersang Pilipino at mangingisda upang itaboy sa sariling katubigan ng Pilipinas. Parehong naglalaway na madambong ang mga likas na yaman sa WPS ang imperyalistang US at Tsina.

Sagad sa kabulukan ang dalawang taong panunungkulan ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Mula maupo sa pwesto, higit nitong pinatindi at pinalala ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng bansa. Masugid nitong itinataguyod ang mga neoliberal na patakaran at lalo pang ibinuyangyang sa dayuhan ang ekonomiya ng bansa upang kitilan ng kabuhayan ang mga manggagawa at alisan ng karapatan na makapamuhay ng disente at may dangal. Sobrang paghihikahos ang pamumuhay ng mga manggagawa dulot ng kawalan ng kaseguruhan sa trabaho, lumolobong dis-empleyo, at pagkapako sa mababang pasahod na sinabayan ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nanganganib din na mawalan ng hanapbuhay ang mga tsuper, at maliit na opereytor dahil sa pekeng PUV modernization program. Mas pinaboran din ng rehimen na papasukin ang mga dayuhang minahan at agri-korporasyon na kumakamkam sa mga lupain, at sumisira sa kabundukan habang teyngang kawali sa daing ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Mas lalo pang nalantad ang kainutilan ng rehimen dahil sa kawalan ng anumang naging pagtugon para ayudahan at asistehan ang mga naluluging magsasaka dahil sa malalang epekto ng El Niño.

Sa kabila nito, patuloy na iniraratsada ang charter change na nagpapakita ng lubos na katapatan ng rehimeng Marcos II sa amo nitong imperyalistang US, at mga dayuhang kapitalista. Sa tabing ng economic chacha, ikinukubli pa ng rehimen ang ambisyon nitong palawigin ang kanyang termino habang papasukin ang mga dayuhang mamumuhunan sa mga estratehikong industriya ng walang taning.

Malinaw ang kinakatawang interes ng rehimeng Marcos II na maka-imperyalista, makadayuhan, anti-manggagawa at anti-mamamayan sa kaibuturan. Bihisan man ang pagbabalat-kayo ay lalo lamang nalalantad ang pagiging sagad-sagaring tuta ng Imperyalismong US. Wala sa prayoridad ng rehimen ang kapakanan ng bayan at mamamayang Pilipino.

Sa ganitong kalagayan, dapat na paramihin at palakasin ang rebolusyonaryong unyon ng manggagawa upang pangunahang buklurin ang malawak na pagkakaisa ng uring manggagawa at mamamayan. Ipagtanggol ang pambansang soberanya, at kaligtasan ng mamamayang Pilipino laban sa nakaambang sakunang idudulot ng pagiging sunod-sunuran ng rehimeng US-Marcos II sa US sa pagsusubo nito sa bansa sa gera.

Dapat na palakasin ang panawagan na buwagin ang mga base militar ng US, at ipawalambisa ang mga tagibang na kasunduang militar na nag-uumang sa bansa sa mga gerang kinasasangkutan ng US. Mariing ilantad ang pagwawaldas ng pondo ng bayan sa Balikatan Exercises na naghahasik ng terorismo sa bansa. Palakasin ang panawagan na ilaan ang pondo at rekurso ng bayan sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Dapat na ilinaw sa sambayanang Pilipino na alinman sa imperyalistang US at Tsina ay walang dapat panigan ang mamamayang Pilipino sapagkat pareho silang imperyalista na yumuyurak sa soberanya ng bansa.

Dapat na igiit ng mamamayang Pilipino ang karapatan ng Pilipinas at mga mangingisdang Pilipino sa WPS, lansagin ang mga pasilidad militar ng China at wakasan ang pandarambong nito sa mga rekurso at yamang karagatan ng bansa.

Dapat na itakwil ng mamamayang Pilipino ang pangkating Marcos-Duterte na kapwa sagagsaring tuta ng dayuhan na harap-harapang isinuko ang soberanya at kasarinlan ng bansa sa mga imperyalistang amo. Pareho silang inutil, korap, pahirap at pasista, at kapwa ganid sa kapangyarihan.

Dapat pangunahan ng uring manggagawa at masang anakpawis na hamigin ang malawak na suporta ng mamamayan para sa mga pang-ekonomikong pakikibaka tulad ng tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, paglaban sa mga neoliberal na patakaran at mga mapandambong at mapanirang mga proyekto na pumapatay sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Dapat na palakasin ang anti-pasistang pakikibaka upang ilantad ang terorismo ng estado, paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at iugnay ang mga pakikibakang ito sa tulak ng agresibong neoliberalismo.

Dapat na palakasin ang panawagan na seryosohing tupdin ng GRP ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayaan.

Dapat na tipunin ang malawak na suporta para sa digmang bayan at demokratikong rebolusyong bayan. Dapat na muling palakasin ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagrerekrut mula sa mga manggagawa, mala-manggagawa at maralitang lungsod.

Dapat na patampukin sa masang manggagawa at mamamayan ang kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyon bayan na nasa pamumuno ng uring manggagawa upang ibagsak ang Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo para sa pagkakamit ng tunay na kalayaan, demokrasya at ganap na kasaganaan na may sosyalistang hinaharap.

Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang RCTU-NDFP!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Manggagawang Pilipino, isadiwa ang Pandaigdigang Araw Ng Paggawa! Pamunuan ang pakikibaka ng bayan para sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!